"Alam mo Justin, hindi mo naman kailangang maging future engineer eh, kahit maging future ko nalang", banat ko sa kan'ya habang naabutan ko siyang nagbabasa ng notes.
Napangiwi lang siya sa sinabi ko kaya napangiti ako.
"Sabi nga rin ng mama ko, huwag daw akong kukuha ng BS Psychology sa college kasi mababaliw daw ako. Hindi niya lang alam na matagal na akong baliw sa'yo", dagdag ko pa.
Nakita kong napataas siya ng kilay halatang naiinis na sa mga sinasabi ko pero nagpatuloy pa rin ako.
"Baka naman magpupulis ka o Philippine Army? Huwag na. Hindi naman ako yung Pilipinas para ipaglaban mo eh", hirit ko pa.
"Tumigil ka na nga Cristine. Magreview ka nalang para sa quiz", pagtitigil niya sa akin pero syempre hindi pa rin ako nagpaawat.
"Tsaka ano 'tong nababalitaan kong sasali ka daw ng Mr. Career Guidance? Pwede namang mister ko nalang", sabi ko sabay taas ng dalawang kilay, nagpapacute sa kan'ya.
Napailing lang siya at hindi ako pinansin. Kaya naman kinuha ko yung notebook niya.
"Nagrereview ka pa, sa akin din naman ang bagsak mo"
"Nagrereview ako, Tine", sabi niya sabay agaw ng notebook niya.
"Huwag kanang magreview. Mag-astronaut nalang tayo. Punta tayong space tapos gawa tayo ng sariling mundo, 'yung tayong dalawa lang"
Napahilot na siya ng kan'yang sentido.
"Masakit ba ang ulo mo? Gusto mo ng yakapsule? Gamot din naman ako kasi paraceyolang"
Bigla akong namula nang tumitig na siya sa akin.
"Bakit ganyan ka makatingin? In love ka na sa akin? Ang dami kong banat no? Wala na tuloy akong maisip na mas babagay sayo kung hindi ako", sabi ko nalang para 'di mailang.
Hindi man lang siya natinag. Nakatingin siya sa akin bago nagsalita.
"Alam mo, Tine, sa dami ng nagkakacrush sa akin, ikaw yung pinakakakaiba"
"Bakit naman?", tanong ko sabay ipit ng buhok ko sa tenga. Shet! Babanat ba to?
"Kasi ikaw lang yung walang pag-asa sa akin," sagot niya sabay alis, palayo sa akin.