Natatandaan ko pa, 13 years old ako nang makulong si mama. Bigla na lang siyang dinampot ng mga pulis sa bahay namin habang kumakain kami. Nagnakaw daw siya. Nagnakaw ng isang piraso ng sardinas. 'Yon din noon ang ulam namin.
Hindi naman daw dapat makukulong si mama dahil pwede naman siyang piyansahan kaso wala kaming pera. Wala akong pera.
Nang makulong si mama, sarili ko na lang ang naging karamay ko. Trese anyos pa lang ako pero wala na akong kasamang magulang. Naranasan kong magpulot ng tira-tira sa basurahan, mangalakal sa mga landfill at mamalimos sa may harap ng simbahan. Tumigil ako sa pag-aaral dahil iniipon ko lagi ang pera ko para kay mama. Hinahati ko sa tatlong parte ang kinikita kong 100 pesos sa araw-araw. Hati ang parte ng pera ko sa pagkain at pamasahe papunta kay mama tuwing bibisita ako at ang buong kalahati naman ay para sa pampiyansa sa kan'ya na nagkakahalaga ng 3,000.
"Gusto ko ngang maging abogado e!," minsang sagot ko nang tinanong nila ako kung ano bang gusto ko paglaki ko. "Gusto kong palayain si mama sa kulungan."
Naaawa ako sa kan'ya tuwing nakikita ko siyang nahihirapan sa loob ng parihabang rehas na kinabibilangan niya. Kung 'di ako nagkakamali, 25 na tao silang nagkakasya roon. Matanda na rin siya kaya kita na ang puting buhok niya.
"Pag-aaralin kita," si Governor. Nakita niya akong naglalakad sa daan kaya kinuha niya ako.
"Babalikan kita, mama. Pinapangako ko 'yan."
Pinag-aral nga ako ni Governor. Akala ko, libre 'yon pero nagkamali ako. Ginawa niya akong tauhan sa pasugalan niya sa may abandonadong building. Alam ko 'yon dahil palagi akong dumaraan doon. Sa unang tingin, hindi mo mahahalatang may illegal palang gawain na nangyayari roon.
Bumalik ako ng elementarya sa isang pampublikong paaralan. Walang kaso sa akin 'yon dahil sanay naman akong doon nag-aaral. Nahirapan ako dahil may mga projects ako sa school at minsan lang ako kung bigyan ng pera ni Governor. Saktong baon at pamasahe lang ang ibinibigay niya araw-araw. Kaya hindi na ako nagmemeryenda at tinitiis kong maglakad papunta at pabalik sa bahay. Sulit naman dahil nagtapos akong Valedictorian.
Nagsimula ang highschool, naging tampulan ako ng tukso sa eskwela. Magnanakaw daw si mama. Hindi ko inasahan na mangyayari 'yon na umabot pa sa puntong wala akong nagjng kaibigan. Wala ring gustong tumabi sa akin kasi baka daw nakawan ko sila. Gusto 'kong sumuko pero naiisip ko si mama. Tiniis ko lahat hanggang sa makapagtapos ulit ako. Wala akong nakuhang medalya dahil aminado akong natatakot ako sa mga kaklase ko noon. Baka lumala lang ang pambubully nila kung magpapasikat ako sa eskwela. Ayos lang naman sa akin 'yon basta't may diploma.
Mas naging mahirap nang magkolehiyo ako. Nag-aral ako ng apat na taon sa undergraduate sa school at dagdag na tatlong taon sa lawschool. Kinailangan ko ring maipasa ang Lawyer's Licensure Examination. Ginugulgol ko ang halos sampung taon sa kolehiyo.
"Attorney Suarez, ano nga ulit 'yung kasong kinukuha mo?"
"'Yung kay Reah Suarez."
Nakita kong hinalughog niya ang mga files.
"Closed na pala ang kasong 'yan e! Kanino ba 'yan, Attorney?" Umiling lang ako sa kan'ya.
"Closed na? Nakalaya na?," hindi ko naitago ang pagkatuwa. Napailing-iling siya bago tumingin ulit sa files.
"Hindi, Attorney. Patay na raw 'yan. Balita ko nga, pinapatay ni Governor. Bayad daw sa anak na pinag-aral niya."