"Raphael pa hotspot ako!" sigaw ko sa kanya habang naglalaro siya ng mobile legend. Wala kasi akong load kaya nakikikapit muna pansamantala.
"Sige pero, huwag kang lalayo baka mawala ka." sagot niya.
Napatunganga naman ako sa naging sagot niya dahil parang double meaning sa akin 'yon. Crush ko kasi siya, matagal na. Hindi ko lang maamin dahil takot akong baka pagtawanan lang niya ang nararamdaman ko.
"Sige, salamat," sagot ko na lang. Wala naman siyang naging reaksyon kaya hindi ko na lang pinansin ang nararamdaman ko at agad na nagconnect sa 'Raphael Santiago'.
Nasa kalagitnaan ako nang panonood ko ng video sa YouTube nang mawalan ako ng connection. Napatingin naman ako kay Raphael at nakita siyang nasa sulok ng classroom, malayo sa akin at mag isa na lang siya. Bahagya akong nainis dahil baka sinadya niyang gawin 'yon para hindi ako makihati sa load niya.
"Hoy Raphael pa- connect ulit!"
"Sige, wait palitan ko saglit ang password. Masyado ng madami ng naka-connect e." Sabi niya kaya hinintay ko siya. Pumindot-pindot siya sa screen ng kan'yang cellphone bago ngumiti ng malapad.
"'Yan connect ka na ulit," nakangiti pa din niyang sabi sa akin.
"Anong password mo?"
"Pangalan mo," sagot niya. Tinignan ko siya ng mariin.
"Huh?" litong tanong ko kunware.
"Sabi ko pangalan mo yung password." Napataas ako ng kilay.
Pero, syempre hindi ako nagpaloko sa kan'ya. Tinype ko agad ang 'pangalan mo' as password kaso napakunot-noo ako ng makitang mali daw 'yon. Kinabahan ako ng bahagya nang makita iyon, kaya naman tinry ko yung pangalan ko mismo bilang password.
'Patriciah Garcia', tinype ko kaso mali pa rin daw. Nadissapoint tuloy ako dahil doon kaya binalingan ko siya ulit.
"Hoy Raphael, ano nga kasi password?"
"Pangalan mo nga!"
"Hindi naman e. Tinry ko na ng ilang beses pero wala man, mali pa rin daw!" medyo inis kong sabi dahil nararamdaman kong pinaglalaruan niya na lang ako.
"Pangalan mo?"
"Oo nga!"
"'Yong mismong pangalan mo sa future?"
"Huh?" Nagtaka na ako sa mga sinasabi niya.
"Sabi ko, 'yong pangalan mo sa future, 'yon ang password."
Napatingin ako sa cellphone ko. Bahagya pang nanginig pa ang kamay ko nang tinype ko mismo 'yong name ko sa future.
'Patriciah Garcia Santiago', laking gulat ko nang bigla na lang siyang mag 'connected'.