"Crush mo ako no?" tanong ko sa isang lalaking napatingin sa akin. Hindi naman kasi niya ako titignan kung hindi niya ako gusto diba? Tinignan niya ako na para bang nababaliw na ako. Umalis siya sa pwesto niya at lumayo sa akin habang napapailing. Napaismid na lang ako sa naging asal niya.
Nandito ako ngayon sa canteen at hinihintay ang best friend kong si Gio na bumili lang ng pagkain namin sa counter. Makalipas ang ilang minuto, nakabalik na siya at nagtatakang luminga sa paligid.
"Ano na namang ginawa mo?" naniningkit na matang tanong niya, halatang naiinis na naman sa akin.
"Tinanong ko lang naman sila e. Tinitingnan kasi nila ako"
"Tammy, hindi naman lahat ng tumitingin sayo crush ka! Huwag mo ng uulitin iyon!", napipikong sabi niya.
"Nagtatanong lang naman ako e", nakanguso ko pang sabi.
Hindi na niya ako pinansin at kumain na lang. Napairap ako sa kanya at kumain na rin.
"Crush mo ako no?" tanong ko sa kaklase kong napalingon sa akin.
"Tammy!" awat naman agad ng pakialamerong si Gio.
"Oh? Tawag mo na naman ako?"
"Tumigil ka"
Pakialamero talaga 'tong lalaking 'to e. Pasalamat siya gusto ko siya. Oo, sa lahat ng lalaking tumitingin sa akin, siya lang ang hindi ko magawang tanungin. Natatakot kasi ako sa magiging sagot niya. Magkaibigan pa man din kami at ayaw kong lumayo siya sa akin.
"Crush mo ako no?" ,tanong ko ulit sa kaklase kong nanghihingi ng papel sa akin. Kukunin ko palang sa bag ko ang papel, binigyan na siya ni Gio.
"Alis na", pagtataboy niya pa. Nilingon ko siya at nakitang masamang tingin ang ipinipukol niya sa akin.
"Tammy tumigil kana, hindi ka na nakakatawa", pagalit niyang sabi.
"Tinatanong ko nga lang sila", pangangatwiran ko naman.
"Lahat ng tumitingin sayo?," napatawa naman ako sa kan'ya.
"Oo nga. Kaya ka nga laging nagagalit, hindi ba?"
"Talaga?," naninigurado niyang tanong sa akin.
Hindi ako nakasagot. Akala ko titigil na siya pero ilang minuto na siyang nakatingin sa akin.
"Bakit ganyan ka makatingin? Crush moko no?", sinubukan kong magbiro para tumigil siya.
"Matagal na," seryosong sabi niya.