So, my friend challenged me to get my crush's number.
Binigyan lang nila ako ng dalawang linggo para magawa 'yon o mapipilitan akong ilibre sila ng buong buwan. Ayoko namang mangyari 'yon kaya kailangan kong gawin.
Muli kong pinasadahan ng tingin si Jeff, crush ko, habang tutok na tutok ito sa paglalaro ng ml. Ayos sana kung siya lang mag-isa, pwede akong lumapit. Kaya lang, laging nandiyan ang mga kaibigan niya. Nahihiya tuloy akong lapitan siya.
Lumipas ang isang linggo, wala pa ring nangyayari. Ilang gabi na rin akong nag-iisip kung paano.
Pwede kayang habang naglilinis siya ng banyo? Kaya lang hindi magandang tingnan na kami lang dalawa sa banyo, 'diba?
Tulungan ko kaya siya na magdilig ng halaman? Pero kaya ko bang magbuhat ng isang timbang tubig at iakyat iyon hanggang 4th floor?
Tama! Yayain ko na lang siyang pumunta ng canteen! Pero papayag kaya siya na kami lang dalawa? O dapat ba ilibre ko siya kapag ganoon?
Napasabunot ako ng buhok nang wala ng maisip. Tumingin ulit ako sa kan'ya at ganoon pa rin ang ginagawa nito. Saktong biglang dumating naman ang math teacher namin kaya napaayos sila ng upo.
"Class, we're going to have an activity for today. Go to your respective groups, now."
Kaagad na naglipatan ang mga kaklase ko kaya sumunod na rin ako. Bahagya akong nagulat nang makitang magkagrupo pala kami ni Jeff. Tumabi ito sa akin kaya napaayos ako ng upo.
Mabilisang namigay ng mga activity sheet ang teacher namin bago ito umupo sa desk sa harapan.
"Pass it before 12."
Sa akin napunta ang papel kaya ipinasa ko ito sa kanila. Basahin pa nga lang mga problem, hindi ko na kaya. Ako pa kaya ang sasagot?
"Basahin mo mga problem, kami ang sasagot," pigil sa akin ni Jeff.
Buti na lang talaga, nandiyan siya. May sasagot para sa amin. Tumango ako.
"Ito 'yung una, if n is the average of the three numbers 6,9 and k, what is the value of k in terms of n?"
Nakita kong may isinulat sa papel si Jeff tsaka ito nagsimulang magcompute. Tinitingnan ko lang sila dahil wala naman akong maintindihan.
Pitong minuto bago ang alas-dose, nasa panghuling tanong na kami.
"Last na 'to." Tumango siya.
"One day, it started snowing in the morning at a heavy and steady rate. A snowplow started out at noon, going 2 miles in the first hour and 1 mile in the second hour. What time did it start snowing?"
May isinulat ulit siya bago sumagot. "Gusto mong subukan?" Kaagad akong umiling at tumawa para itago ang hiya.
"Okay, class, pass all your activity sheets now!"
Inutusan ni Jeff ang ibang kagrupo na sila na ang magpasa. Kami lang tuloy dalawa ang naiwan dito sa likod.
Inumpisahan na niyang ayusin ang gamit niya kaya wala akong nagawa kungdi gawin ang planong naisip ko kanina. Sabi nga nila, it's now or never!
"Umm, Jeff, nagmamadali ka ba?"
Napaangat siya ng tingin sa akin. "Hindi naman, bakit?"
"May assignment kasi 'yung kapatid ko. Kaso sa math, hindi ko alam kung tama ba 'yung sagot ko."
Inilahad niya ang kamay sa akin. "Ibigay mo sa akin, titingnan ko."
Umiling ako. "Dictate ko nalang. Medyo pangit kasi sulat ng kapatid ko baka hindi mo maintindihan."
"Sige."
Akmang ilalabas niya ang calculator sa bag kaya kaagad ko siyang pinigilan.
"Gamitin mo na lang phone mo! Madali lang naman siguro para sa'yo."
"Okay? Umpisahan mo na."
"Sige, ito na." Tumango siya.
"43,489 × 143 + 27,675"
"Okay, 'yun na ba lahat." Umiling ako. "May kasunod pa."
"Then - 8,698 + 56,278 × 15 +"
"Sandali, bakit ang laki yata?"
"Ewan ko. 'Yan nakasulat, e!"
"Tuloy mo na."
"Continue, + 259, 652 × 900 - 354 + 405, 978 × 1878 + 84, 352 × 8,000 + 8,000,000,000 (8 billion) -"
"8 billion? Anong grade na ba kapatid mo?"
"Grade 5. Sige na, last na, eh" Tumango siya.
"Last, - 221, 310, 283."
Nakita kong pinindot niya ang answer button tsaka nagsulat sa isang papel. Ipinakita niya sa akin ang sagot.
"Ito 'yung nakuha ko. Pareho ba?"
"May kulang! Lagyan mo ng 0 (zero) sa unahan." Nagtataka man, sumunod pa rin siya.
"Ganito ba?"
Tiningnan ko ulit bago ngumiti sa kan'ya.
"That's my number, can I have yours?"
Ilang segundo niya akong tiningnan bago humalagapak ng tawa.
"Interesting approach. Well, pwede naman."
Nagmamadali kong kinuha ang telepono sa bulsa at inabot ito sa kan'ya"
"Just use the formula on how to get the radius of the circle. Your number is the diameter, then the value of π..." Kaagad ko siyang pinigilan sa pagsasalita.
"Huh? Ano? Paano?"
Muli siyang tumawa ng malakas.
"Just kidding."
Tumayo na siya at binitbit ang bag.
"Text na lang kita mamaya."