No one knows his birthday... until I came.
Hindi ko alam kung bakit pero hindi niya sinasabi kahit kanino. Bukod kasi sa mahiyain siya, naiilang din siyang makipag-usap sa mga tao, lalo na sa babae. Pero kahit na ganoon, madami pa ring nagkakagusto sa kan'ya at isa na ako sa mga 'yon.
I'm a transferee. Hindi ko pa siya gaanong kilala, pero agad nang nahulog ang loob ko sa kan'ya. Pero ayokong umamin. Ayokong mailang siya sa akin dahil lang sa nalaman niyang gusto ko siya. Balita ko kasi na halos lahat ng nagkakagusto sa kan'ya nilalayuan niya.
"Kailan birthday mo?," minsang narinig kong tanong ni Yana. Siya ang pinakasikat sa mga admirers niya at may mga shippers pa sila.
Pero tulad ng dati, tatawa lang siya at pasimpleng titingin sa akin.
Tuwing umaga naman, pansin kong lagi siyang may dala dalang garapon. Ilalagay niya ito sa ibabaw ng kan'yang desk at magsusulat ng kung ano sa isang sticky note at ihuhulog niya sa garapon.
Hindi 'yon alam ng iba dahil maaga siyang pumapasok sa eskwela tulad ko, kaya hindi siya naabutang ginagawa iyon. Hahayaang niyang mapuno iyon bago niya palitan sa susunod na taon.
"Anong isinusulat mo?," hindi ko napigilang itanong sa kan'ya nang madatnang siyang nagsusulat.
Pasimple pa akong lumapit sa kan'ya pero itinago niya iyon.
"Wala," simpleng sagot niya.
"Bakit ayaw mong sabihin kung kailan ang birthday mo? Madami pa man ding gustong magbigay ng regalo sa'yo," kuryosong tanong ko sa kan'ya. Gusto ko din sana siyang bigyan ng regalo sa araw na iyon. Nag-angat siya ng tingin sa akin.
"My mom told me na wag ko daw sasabihin kahit kanino ang birthday ko. If I am really special to them, sila mismo ang makakaalam ng espesyal na araw na 'yon. Tsaka ayaw kong binibigyan ako ng regalo. Hindi rin naman ako nagbibigay ng regalo sa tuwing may birthday," he answered.
Napakunot-noo ako. Ang weird naman pala niya.
Nagpatuloy siya sa ganoong gawain sa mga sumunod na araw.
Isang araw, nauna akong pumasok sa kan'ya. Nakita kong naroon ang garapon sa ibaba ng desk niya kaya kinuha ko at binuksan iyon.
334/365?
Iyon ang nakalagay sa sticky notes na sinulatan niya kahapon. Agaran kong ibinalik iyon sa dating pwesto nang makita siyang papasok na sa room. Ginawa niya ang normal na gawain. Nagsulat ulit siya sa isang sticky notes at inilagay sa garapon.
Kinabukasan, inunahan ko ulit siyang pumasok. Kinuha ko ulit ang garapon at binuksan 'yon.
335/365 ang isinulat niya kahapon.
Wala sa sariling binuksan ko ang aking cellphone at tinignan ang kalendaryo. Ngayon ay December 2. Binilang ko ang mga araw at may napagtanto.
Araw-araw, pinagmamasdan ko siyang kumakain ng siomai sa canteen, nagbabasa ng libro sa library at bumibili ng streetfoods sa labas, tulad ng kalimitang ginagawa niya. Paminsan-minsan sinasabayan ko siyang umuwi para magkausap pa kami ng matagal. Binibilhan niya din naman ako ng streetfoods kapag nagkakasabay kami.
"Alam mo na kung kailan ang birthday ko?" minsang tanong niya sa akin. Nagulat ako at hindi nakapagsalita.
"Araw-araw kitang nakikitang tinitignan ang garapong nakalagay sa desk ko. Hindi mo ba tinignan kung ano ang nakasulat roon?"
Ngumiti ako. Mukhang nahuli nga niya ako.
Tumango ako sa kan'ya. Agad naman siyang napangiti nang makita ang naging sagot ko.
"Hihitayin kong batiin mo ako."
Normal lang ang mga lumipas na araw, pero iba ang araw na 'yon.
Hindi siya pumunta sa eskwela para gawin ang mga kalimitang ginagawa niya kahit na walang pasok. Sa halip nakasalubong ko siya sa harap ng simbahan. Hawak hawak nito ang garapong sinusulatan niya araw-araw.
"Puno na?," tanong ko sa kan'ya sabay turo no'ng garapon.
Ngumiti siya at tumango.
"Oo."
Ngumiti lang ako pabalik at nilampasan siya.
"Janeah?," tawag niya sa akin. Napahinto ako at napalingon sa kan'ya.
"Bakit?," tanong ko.
"Ahm advance happy new year!," pagbati niya. Mas lalo akong napangiti. Mukhang hinihintay nga niya iyon.
Kinuha ko sa bulsa ang bracelet na ako mismo ang gumawa at inilahad sa kan'ya.
"Happy birthday!," nakangiti kong bati.
Sigurado akong birthday niya ngayong araw na ito.
Nakita kong mas lalong lumawak ang ngiti niya.
"Tama ka, ngayon nga ang kaarawan ko."
Napatawa ako.
"Muntikan pa tayong nagkasabay ng birthday ah! Nauna ka lang sa akin ng isang araw."
Nakita kong napasimangot siya.
"Ayaw ko magdiwang ng kaarawan ng bagong taon."