PART 1
Nahulog ako sa isang babae ng ilang milyong beses.
Nakakatawa ngang isipin, ang mga lalaki raw kaya nitong mainlove sa milyon-milyong babae. Hindi yata ako lalaki, kabaliktaran kasi ang nangyari sa akin.
Maraming nagsasabi, bakla raw ako. Bukod sa wala pa akong naging kasintahan, wala ring nakalusot na landiin ako tulad ng ibang lalaki.
"Hey, Hunter. Wanna hang-out with me?," minsang yaya sa akin ng isang babae. Mabilis akong tumanggi. Hindi ko naman kasi kilala ang babaeng iyon at wala naman akong hilig sa mga ganoong bagay.
"Bakla ka ba?," pinagtulungan nila akong icorner ng mga kaklase ko sa room para komprontahin.
Napapailing nalang talaga ako sa mga ganitong tanong.
"Hindi," maikling sagot ko.
"Bakit wala kang girlfriend?"
Hindi ko na napigilang humalakhak. Napakababaw naman kasi ng depinisiyon nila sa pagiging lalaki. Kung iisiping mabuti, para bang sinasabi nila na kapag mas maraming babae, mas nagiging lalaki.
I never doubted my sexuality even once. Kahit napapalibutan ako ng mga panunukso nila sa pagkatao ko. Hindi ko kasi ugaling isipin ang mga puna nila. Wala naman silang magagawa kung ayaw ko talaga munang pumasok sa isang relasyon.
Sikat ako sa paaralang pinapasukan ko. Hindi alintana ang mga isyung bakla ako, hindi ko rin maitatanggi na maraming nagkakagusto sa akin.
Tall, dark and handsome.
Sa height kong 6'2, moreno, matangos ang ilong, malapad na dibdid, malalaking braso at malakas na sex appeal, walang dudang artistahin nga ako. Hindi naman sa pagbubuhat ng bangko, ako lagi ang ineendorsong pambato ng paaralan sa mga pageant, tinatanggihan ko nga lamang. Marami na ring mga modelling agency ang nag-alok sa akin pero wala akong tinanggap. Wala naman kasi sa plano ko ang pagmomodelo.
Sa dinami-rami ng tanong nila, isa lamang ang sagot. Gusto ko sanang itago nalang dahil natitiyak kong mas lalong dadami ang makikiusyoso.
"In love ako sa isang babae."
Natahimik ang lahat matapos kong sabihin 'yon. May nakita pa nga akong napanganga at nabulunan sa sinabi ko.
"Palusot mo lang 'yan."
"Kung totoo, sino?"
"Sabihin mo kung sino siya."
Hindi nga ako nagkamali. Kumalat ang balita sa buong campus. Naging usap-usapan pa iyon hanggang magsi-uwian na.
"Sino kaya 'yong babae?"
"Girl, ang dapat mong itanong kung totoo 'yon."
"Malay mo, palusot lang 'yon."
Simula ng araw na 'yon, inabangan na nila ang bawat kilos ko. Nawala nga ang isyung bakla ako, hindi naman nila ako tinigilan sa kakasunod sa akin. Tinitingnan kung sino ang kakausapin ko, sinong titingnan ko at maging mga post ko sa social media.
"Maganda ba 'yang crush mo?," may biglang nagtanong sa akin. Nang marinig nila iyon, kaagad na naglingunan ang iba.
Tumango ako. Hinala ko, kumukuha na sila ng hint para malaman nila kung sino yung crush ko.
"Mahaba ang buhok? Kaklase mo ba? Or lower year?," sunod-sunod na ang naging tanong nito. Hindi ko nalang pinansin at naglakad na para makabili na ng pagkain sa canteen.
"Limang egg pie nga," sabi ko sa nagtitinda.
"35 pesos po, Sir." Nagbayad ako.
Aaminin ko, madali lang naman mahulaan kung sino yung babaeng tinutukoy ko. Kung susuriin mong mabuti ang kilos ko, tiyak na kilala mo na ang babeng iyon.
"May pilat siya sa kan'yang tuhod," hindi ko mapigilang sabihin para tumahimik na sila. Marami na kasi ang nagsasabing sila raw ang babaeng iyon. Para tumigil na, binigyan ko na sila ng hint.
Natawa ako ng magtinginan ng tuhod ang mga babae. May mga lumipat pa nga sa kabilang room para makibalita roon.
Matagal na akong may gusto sa kan'ya. Grade 8 ako no'n nang una ko siyang makita. Ang ganda kasi ng mata at laging ngumingiti sa akin kapag kinakausap ko. Nalaman kong may pilat siya sa tuhod ng madatnan ko pa siya sa eskwela, isang uwian. Nakapalda kasi siya noon taliwas sa pantalon na lagi niyang suot.
Wala akong lakas ng loob umamin. Nahihiya kasi ako sa kan'ya. Natatakot din ako na baka hindi niya ako gusto. Isa pa, alam ko ring hindi pa siya handa sa isang relasyon. Paano ko nalaman? Nakita ko sa post niya. Gumawa pa ako ng dummy account para lang ma-add siya. Sa account na iyon, siya lang ang friend ko.
"Hindi ka pa ba aamin do'n sa crush mo? Malapit na ang graduation," panunukso sa akin ng isa sa mga kaibigan ko.
"Kailangan ba 'yon?," tanong ko habang kumakain ng egg pie.
"Oo naman. Buong taon kaming naghanap para sa babae iyan. Sino ba kasi iyan? Wala ka bang balak na umamin sa kanya?"
Nagsimula na silang tuksuhin ako.
"Aamin na 'yan! Aamin na 'yan! Aamin na 'yan!"
Umiling ako.
"Baka naman pangit?"
"Kahiya-hiya siguro?"
"Walang laban sa atin?"
Biglang napigtas ang pagtitimpi ko sa narinig.
"Hindi gan'yan si Angeline!," nabigla sila nang sumigaw ako. Kaagad naman akong napatingin sa gawi ni Angeline. Nakahinga ako ng maluwag nang makitang hindi niya narinig. Patuloy pa rin kasi itong nagluluto ng egg pie sa kusina ng canteen.
Tumayo ako at lumapit sa kan'ya.
"Limang egg pie nga," sabi ko at ngumiti.
Nahihiya naman itong tumango.
"Ahm 35 pesos, H-hunter."
Napangiti ako sa naging tawag niya sa akin. Nakita niya ang pagngiti ko kaya namula ito.
"Tawagan ulit kita mamaya. "
Napaangat siya ng tingin sa sinabi ko. Nataranta ako at kaagad na nag-isip ng dahilan.
"Baka kasi magpaorder ulit ng egg pie si mama."