"Ano tong nababalitaan kong pinagkakalat mo daw na may gusto ako sayo?", bungad sa akin ni Paulo pagpasok ko.
"Bakit? Totoo naman diba?", sagot ko.
"Paano mo nasabi?"
Napangiti ako.
"Binibili mo ako ng pagkain", banat ko.
"Kinakain mo naman", asik niya.
"Ginagawan mo ako ng assignments", tuloy ko pa.
"Nahihirapan ka, kailangan mo iyon", buwelta niya.
"Sinasabayan mo ako pauwi"
"Gabi na baka mapano ka", aniya pa.
"Crush mo talaga ako"
"E ano ngayon? Crush lang naman", sagot niya na ikinangisi ko.
Sinamaan niya ako ng tingin nang marealize niya siguro ang nasabi.
"Humanda ka bukas, gaganti ako", banta niya.
"Anong gagawin mo?"
Hindi siya sumagot. Nginisian lang niya ako bago umalis.
Kinabukasan, nagulat ako ng kaagad akong sinalubong ng mga kaibigan ko.
"Kayo na daw ni Paulo?", si Lysse.
Nanliit ang mata ko nang bumungad sa akin si Paulo.
"Ano tong pinagkakalat mong tayo na daw?", sumbat ko.
"Bakit? Totoo naman diba?", sagot nito habang inililipat ang bag sa gilid ko at tumingin sa akin. "Kaya tabi tayo"