ASWANG SA LAMAY

883 19 1
                                    

November 25, 2005, Quezon Province.

Napilitan akong umuwi sa aming probinsya nang tumawag si Tatay at sinabing isinugod daw sa ospital si Nanay. Hindi ko mapigilang mapaluha habang lulan ng bus na sinakyan ko pauwi. Matagal-tagal na rin kasi akong hindi nakakauwi sa amin kaya hindi na rin kami nakakapag-usap ni Nanay. Isa pa, masama ang loob niya noong umalis ako para magtrabaho bilang call center agent sa maynila. Sa kagustuhan kong tumayo sa sarili kong mga paa ay tiniis ko ang aking ina. Ako lang kasi ang nag-iisa nilang anak, at lalaki pa kaya nahihiya akong umasa pa sa kanila kung kaya ko nang magtrabaho. Hindi naman ako pumapalya sa pagpapadala sa kanila tuwing sweldo ko na.

"Infanta! 'Yong mga bababa po r'yan, Infanta na po tayo," sigaw ng konduktor ng bus na sinasakyan ko.

Sumilip ako labas ng bintana. Malayo-layo pa naman ako sa aking bababaan. Balak ko sanang dumiretso muna sa bahay para iwanan doon ang mga gamit ko at ipagluto na rin si Tatay ng pagkain na dadalhin ko sa ospital mamaya.

Bagama't matagal na akong hindi nakakauwi ay kabisado ko pa rin naman ang bayan ng Infanta kaya kahit madilim na ay nakita ko kaagad ang bababaan ko.

"Manong, para na ho!" Nilakasan ko ang boses ko para marinig ng konduktor, ngunit hindi niya ako pinansin. Inulit ko ang pagpara at mas nilakasan pa ang boses nang lumampas na sa tulay ang bus.

"Manong, para!" Huminto naman ang bus kaya kumilos na ako para bumaba.

Tiningnan ko nang matalim ang konduktor na namumutlang nakatitig sa akin. Binitbit ko ang bag na naglalaman ng aking damit at ang isa pa na naglalaman naman ng mga pasalubong ko kina Nanay at Tatay. Dahil lumampas na ang bus sa bababaan ko, naglakad pa ako hanggang sa makarating sa kanto ng aming sitio.

Nagtaka ako nang wala akong makitang traysikel na nakaparada sa may kanto. Nang umalis kasi ako ay pila-pila pa rin ang mga traysikel doon. Kunot-noo kong tiningnan ang suot na relo at napagtantong alas-otso pa lang naman ng gabi.

Paano kaya ako uuwi nito? Kung lalakarin ko naman hanggang sa amin ay baka abutin na ako ng dis-oras ng gabi. May kalayuan din kasi iyon. Isa pa'y liblib din ang dadaanan ko kung sakali.

Tinawagan ko si Tatay para sabihing nakababa na ako sa may kanto. Magbabakasakali ako na may kakilala si Tatay na pwedeng sumundo sa akin doon. Kahit doblehin ko na ang bayad.

"Anak, bukas ka na ng umaga umuwi sa bahay. Dito ka na magpalipas ng gabi sa ospital. Bilisan mo!" Nagtaka ako nang mabakas ang labis na pag-aalala sa boses ni Tatay. Hindi na ako nagpumilit na dumiretso sa bahay dahil wala rin naman akong sasakyan.

Binuhat ko ulit ang dalawang bag na dala-dala ko at naglakad-lakad sa may unahan ng high way para mag-abang ng jeep. Sabi kasi ni Tatay, makakasakay lang ako kung lalakarin ko hanggang sa makalampas ng tulay. Wala raw kasing humihintong sasakyan sa may kanto. Saka ko lang naunawaan kung bakit lumampas ang bus na sinasakyan ko kanina. Mukhang ipinagbawal na nga ang paghinto ng mga sasakyan doon.

Nakakailang hakbang pa lang ako nang makarinig ako ng malakas na pagaspas sa hangin. Nang tumingala ako para tingnan kung ano iyon ay kaagad akong napaatras.

Isang malaking ibon!

Nanginig ako sa takot at tila napako ang mga paa sa lugar na kinatatayuan ko. Para akong tinakasan ng dugo nang mapagmasdan ito nang malapitan. Sigurado ako, hindi iyon isang ordinaryong ibon lang!

Wala sa sariling kumaripas ako ng takbo. Binalewala ko ang bigat ng dala-dala ko. Lalong lumakas ang kabog ng aking dibdib nang mas lumakas ang pagaspas na naririnig ko mula sa aking likuran.

Malapit na siya!

Nagkaroon ako ng munting pag-asa nang matanawan ang paparating na sasakyan.

Ilang sandali pa ay lumipad na papalayo ang malaking ibon. Nahahapo akong napaupo sa lupa. Nakalampas na pala ako ng tulay.

TAGALOG HORROR STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon