PAN DE KARNE

114 5 0
                                    

PAN DE KARNE
Isinulat ni Jiara Dy

(This is exclusively written for Ang Sundo Horror Stories.)

Tawagin n’yo na lang ako sa pangalang Openg. Nangyari itong kuwento noong trenta-anyos pa lamang ako. Taong 1989.

Hanapbuhay ko noon ang pagre-repair ng  mga sirang sapatos, sandals, at payong. Kung saan-saan ako nakakarating nang panahong ‘yon dahil iniisa-isa ko talaga ‘yong mga bahay para maghanap ng magpapayos. Sa awa naman ng Diyos, sa isang araw e umaabot ng higit sa sampu ang aking mga customer. Wala akong asawa’t anak kaya mag-isa ko lamang na binubuhay ang sarili ko. Ang tanging kasama ko lang noon sa bahay ay ‘yong alaga kong aso na kung tawagin ko ay si Popoy.

Biyernes ng hapon. Sumakto pa na biyernes trese noon. Maraming nagsasabi na malas daw ang araw na ‘yon, pero sa isang kagaya ko na kailangang maghanapbuhay araw-araw, walang malas-malas. Hindi ko naman kinakalimutang magdala ng proteksyon—hindi lang sa mga masasamang loob kundi pati na rin sa mga kakaibang nilalang tulad ng aswang. Madalas kasi akong inaabot ng dilim sa daan kaya palagi kong dala ‘yong botelyang may langis na kumukulo tuwing mayroong aswang sa paligid. Palagi ko ring dala ang agua bendita na galing pa kay Padre Pilo na madalas na nagpapatahi sa akin ng sapatos. Ingatan ko raw ito at gamitin lamang kung kinakailangan.

Tumuloy pa rin ako sa paglilibot para mag-repair ng mga sirang sapatos at payong. Nang araw na ‘yon, doon ako napadpad sa isang baryo na may kalayuan na sa amin. Hindi ko na lang babanggitin kung saang bayan itong baryo pero dito lang ito sa parteng Visayas.

AUTHOR'S NOTE:

This story or any portion thereof may not be reproduced in any written, electronic, recording, or photocopying or used in any manner without Jiara Dy’s expressed written permission.

“Payong, sapatos, nag-aayos! Baka may mga sira po kayo d’yan!” sigaw ko habang naglalakad sa mabatong kalsada. Hindi pa naman ganoon katindi ang init nang oras na ‘yon kaya hindi ko pa ramdam ang pagod sa paglalakad. Kasunod ko naman ang alaga kong aso. Palagi ko kasi itong kasa-kasama. Mahirap naman kung iiwanan ko ito nang mag-isa sa bahay dahil wala namang ibang magpapakain dito.

Ilang sandali pa, bigla na lang tumakbo itong si Popoy. At nang sundan ko ito ng tingin, natanaw ko ang umpukan ng mga tao sa ‘di kalayuan. Mukhang may pinagkakaguluhan. Dahil nakaharang sila doon sa mismong kalsada, lumapit na rin ako para tawagin si Popoy at alamin na rin kung ano ‘yong nangyari. Ganoon na lamang ang aking pagkagimbal nang makita ang bangkay ng isang buntis sa kalsada. Karumal-dumal ang sinapit nito. Sa itsura ng babae, mukhang bata pa ito. Wakwak ang tiyan ng babae. Wala ni isa sa mga lamang-loob nito ang natira.

“Mukhang nadali ng aswang ang isang ‘to! Hindi kasi nakikinig ang mga tao rito sa baryo. Sinabihan nang huwag lalabas tuwing dis-oras na ng gabi, ginagawa pa rin. Kawawang babae. Nadamay pa ang sanggol sa sinapupunan,” dinig kong sabi ng matandang lalaki, malapit sa akin.

Napaantanda ako nang makita ang kinahinatnan ng babae. Tulad ng mga tao roon, wala ring ibang pumasok sa isip na kayang gumawa ng ganoon kundi isang aswang. Posibleng isang ordinaryong tao lang din ang gumawa no’n ngunit masyado naman itong brutal. Sa unang tingin kasi’y maiisip mo talaga na isang mabangis na uri ng hayop lang ang maaaring gumawa ng ganoon.

Hindi na ako nagtagal pa umpukan ng mga taodahil matagal-tagal pa akong maglalakad sa baryo, kasama si Popoy. Hindi ako maaaring magpaabot ng gabi sa lugar na ‘yon dahil tiyak na malalagay din sa panganib ang aking buhay sakaling makaengkwentro ako ng aswang.

Huminto ako sa paglalakad nang tawagin ako ng isang matandang babae. Sa tantiya ko ay nasa singkuwenta anyos na ito. At ang sabi nito’y may ipapaayos daw na sapatos at payong. Pinatuloy ako ng matanda na nagpakilala bilang si Aling Simang sa bahay nitong gawa sa sawali ang dingding. Pagpasok ko pa lang doon ay bumungad na sa akin ang babaeng malaki na ang umbok ng tiyan. Nakaupo ito sa mahabang upuang gawa sa kawayan sa maliit na sala ng bahay.

TAGALOG HORROR STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon