Marami ang nagtatanong kung anong nangyari at bakit hindi na ako nakakapagsalita. Pero ni minsan ay hindi ako nagkuwento tungkol sa totoong nangyari. Bagama't ilang taon na rin ang lumipas mula nang mangyari ang nakakikilabot kong karanasan sa kamay ng mga kulto nang bumalik ako sa siyudad kinalakihan ko para magtrabaho.
Akala ng iba, sa probinsya lang naninirahan ang mga kulto. Pero ang hindi nila alam, mayroon ding ibang mas pinipili ang siyudad upang mas dumami ang kanilang mga kasapi.
APRIL, 2009.
Napahinto ako sa tapat ng isang ihawan nang makababa ako ng jeep sa bukana ng compound kung saan nakatira sina Tita Cora. Hindi ito ang unang beses na nakarating ako sa lugar na ito. Dati kasi ay isinama ako ni Tita Cora dito para magbakasyon kahit isang buwan lang. Pero teenager pa ako no'n. Halos sampung taon na rin ang lumipas.
Sa pagkakaalala ko ay may malaking bahay noon sa bukana ng compound. Sa sobrang luma na ng bahay na 'yon ay halos magiba na ang dingding nitong gawa sa kahoy.
Haunted house. Iyon ang tawag namin sa bahay na iyon dahil minsan na kaming nakakita ng matandang babae ro'n na nakasuot ng itim na salakot. Sabi ng mga matatanda sa amin, iyon daw 'yong matandang may-ari ng bahay noon na namatay matapos pagnakawan. Ang sabi nila, hindi raw matatahimik ang kaluluwa ng matanda dahil hindi nabigyan ng hustisya ang pagkamatay nito.
At dahil madalas akong napapadaan doon, binabato ko na lang ang bahay para mawala ang takot ko. Pinagsabihan naman ako noon ni Tita Cora nang mahuli niya ang ginagawa ko. Kahit kasi sila ay takot sa bahay na iyon. Huwag ko na raw iyong uulitin kung ayaw kong masundan ako ng kaluluwa ng matanda.
Pero ngayon, wala na 'yong bahay. May nakabili na pala ng lote at ginawa pang ihawan. Tamang-tama ang puwesto nila dahil dinadaanan doon ng mga tao.
"Aling Rosie, limang isaw pa nga!" sigaw ng isang lasing na customer. Nakapuwesto ito sa isang mahabang mesa kasama ng iba pang kalalakihan na mukhang lasing na rin. Napailing na lang ako at nagpatuloy na sa paglalakad patungo kina Tita Cora. Malapit lang din kasi doon ang bahay nila.
"O', Leonard, nand'yan ka na pala. Buti at hindi ka naligaw?" bungad sa akin ni Tita Cora nang papasukin niya ako sa loob ng bahay. Inilapag ko muna sa sahig ang dala-dalang bag na puno ng aking mga damit.
"Hindi naman po, tita. Natatandaan ko pa naman po ang byahe papunta rito. Ah, tita, wala na po pala 'yong haunted house do'n sa may kanto?"
Biglang natigilan si Tita Cora sa tanong ko.
"Ihatid mo na 'yang mga gamit mo sa itaas at kumain ka na. May niluto akong meryenda," sa halip ay sagot niya.
Hindi na ko na rin naman inulit ang tanong ko dahil baka makulitan sa akin si Tita Cora.
Kinabukasan, maaga akong umalis para maghanap ng mapapasukang trabaho. Plano ko sana ay sa factory ng sapatos mag-apply pero hindi ko alam kung matatanggap na ba ako ro'n. Gayunpaman eh nagbakasakali pa rin naman ako. Pare-parehas naman ng sila ng sinasabi. Tatawagan na lang daw ako.
Hanggang sa inabot na lang ako ng hapon sa kalilibot. Pagbaba ko ng jeep, nagulat ako nang may lumapit sa akin na dalagita. Hindi naman siya mukhang pulubi pero nanghihingi siya sa akin ng barya. Ang sabi, gusto raw niyang bumili sa ihawan pero kulang ang pera niya ng limang piso. At dahil may sobra pa naman akong dala, hindi ako nag-atubiling bigyan siya.
Napangiti ako nang magtatalon siya sa tuwa at tumakbo kaagad patungong ihawan. Mukhang mas marami ang customer doon ngayon kaysa kahapon.
Hindi ko napigilang matakam sa mabangong amoy ng inihaw na nanuot sa aking ilong. Matagal-tagal na rin akong hindi nakakatikim no'n dahil puro gulay ang kinakain namin ni nanay sa aming probinsya.
BINABASA MO ANG
TAGALOG HORROR STORIES
HorrorCompilation ito ng mga maiikling kuwentong nasulat ko. Ang iba rito ay true stories, at ang iba naman ay fiction.