MUTYA KONTRA ASWANG

159 5 0
                                    

Tawagin n’yo na lang akong Elias. Nangyari po ang kuwentong ito noong sampung taon pa lang ako. Taong 1989 pa po ito. ‘Yong panahon po na ‘yon, masasabing makaluma pa talaga. Wala pa kaming cellphone, TV, o kahit radyo man lang. Ang tanging libangan lang namin ay paglalaro sa labas. Masaya po sana ang kabataan ko pero may pangyayari din noon na hindi ko talaga magawang kalimutan sa probinsya ng Quezon.

Hanapbuhay ng mga magulang ko ang pag-aalaga ng mga native na baboy. Sa mga hindi nakakaalam, ito ‘yong baboy na itim ang mga balahibo, pero masarap din naman ang karne. Madalas may umo-order ng kilo-kilong karne kina Nanay, at kami naman ng kapatid kong si Teloy ang tiga-hatid ng mga iyon sa bahay ng mga kumuha ng karne. Tuwing piyesta o may malaking handaan lang may kumukuha sa amin ng buong baboy kaya naman madalas, kilo-kilo lang ang nabebenta namin.

Dala ko noon ang listahan ng mga pangalan ng pagdadalhan namin ng karne at kung ilang kilo ang ibibigay sa kanila. Bale, ‘yong bayad, kukunin na rin namin kaagad matapos maibigay ‘yong karne. Hindi kasi nagpapautang sina Nanay dahil mahirap nga ang maningil doon sa lugar namin.

Dahil may kabigatan din ‘yong dala naming timba, medyo naging mabagal ang paglalakad namin ni Teloy. Hindi rin kasi biro ang paglalakad doon sa baryo. Mahigit isang oras na kaming naglalakad at iilan pa lang ang napagbibigyan namin. Iyong ibang may-ari ng karne, wala naman sa kanilang bahay nang dating namin kaya nagpasya kaming unahin na lang muna ang iba, at saka na lang namin sila babalikan. Bandang alas-singko na nang kalabitin ako ni Teloy. Dalawang kilo na lang ang natitirang karne sa dala naming timba.

“Kuya, malapit nang dumilim. Umuwi na kaya tayo?” sabi ni Teloy. Bakas ko ang takot sa kaniyang boses.

Tiyak na nag-aalala na rin sina Nanay sa amin kaya kailangan na naming makauwi. Matapos mai-deliver ang huling dalawang kilo ng karne sa may-ari, hindi na kami nag-aksaya ng panahon ni Teloy. Halos tumakbo na kami noon para makauwi. Dahil matataas ang puno sa paligid, madilim-dilim na sa dinaraanan namin kahit hindi pa lubusang lumulubog ang araw. Napakatahimik ng kalsadang dinadaanan namin. Mga huni lang ng kuliglig at mga palaka ang naririnig namin sa paligid. Ngunit ilang sandali pa, ang mga paa namin ni Teloy na puno na ng putik ay nabitin sa paghakbang at biglang napaatras.

Nagkatinginan kami ni Teloy. Doon kasi sa daraanan namin, may matandang nakatayo sa gitna ng kalsada. Nakangisi ito at titig na titig sa aming magkapatid.

Lakas-loob akong nagtanong kung ano ang kailangan ng matanda sa amin. Ngunit hindi ito sumagot. At sa pagkurap namin ni Teloy, biglang nawala ‘yong matanda. Ilang sandali lang matapos mawala ‘yong matanda doon sa gitna ng kalsada, bigla na lang kaming nakarinig ng mahinang pag-angil ng isang mabangis na hayop mula sa aming likuran. Nanlamig ang buong katawan ko sa takot at dali-daling hinila si Teloy para tumakbo papalayo.

Hindi kami huminto. Ginamit namin ang natitira naming lakas para makalayo sa mabangis na hayop na humahabol sa amin. Ngunit kahit anong bilis ng aming pagtakbo, mukhang wala pa ring silbi iyon. Pareho kaming nabuwal ni Teloy nang may kung anong tumalon sa harapan namin. Napuno ng putik ang suot naming damit, ngunit wala roon ang atensyon namin, kundi nasa aming harapan.

Halos takasan na ako ng ulirat nang makita ang malaking baboy-ramo sa gitna ng kalsada. At natitiyak ko nang oras na ‘yon na hindi lang ito pangkaraniwang baboy-ramo. Ang matutulis nitong pangil ay singhaba ng aking daliri, at ang mga mata nito, animo’y mga bolang apoy na naglalagablab sa galit habang nakatingin sa amin ni Teloy. Gumapang kami paatras, dala ng matinding takot. At nang akmang susugurin na kami ng mabangis na hayop na iyon, napapikit na lang kaming magkapatid habang tahimik na umuusal ng panalangin.

Saglit naming napigil ang aming hininga, ngunit mayamaya lang ay sabay din kaming dumilat nang marinig namin ang malakas na pag-atungal ng baboy-ramo na wari’y nasa bingit na ng kamatayan. Tila nabuhayan kami ng pag-asa nang makita namin ang isang matandang lalaki na puno ng tattoo ang katawan na nakikipagbuno sa mabangis na hayop na hinala namin ay isang aswang. Buong lakas nitong ipinako ang ulo ng baboy-ramong nagpupumilit makawala sa maputik na kalsada. Hawak nito ang isang punyal na gawa sa kahoy na ginamit nitong panaksak. Kumalat ang dugo matapos nitong ibaon sa dibdib ng hayop ang punyal. Ngunit mas nakaagaw-pansin sa amin ang kwintas na nakatali sa puluhan ng punyal na kaniyang hawak. Kahit medyo madilim na nakita namin ang pagkislap ng kung anong nakalagay doon.

TAGALOG HORROR STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon