BUROL AT TAUHAN P2

97 0 0
                                    

TAUHAN
(This is exclusively written for Lady Pam YouTube channel. BAWAL KOPYAHIN SA ANUMANG PARAAN.)

Noon, hindi raw naniniwala si Abel sa mga cannibal. Sino nga naman daw ang matinong tao ang kakain ng karne ng kapwa nila tao? Kung aswang siguro ay maniniwala pa itong si Abel. Hanggang sa dumating sa buhay niya ang isang karanasang hindi niya malilimutan.

Matagal nang naghahanap ng trabaho si Abel. Mula kasi nang masesante sa isang pabrika ay nahirapan na muli siyang makahanap ng magandang trabaho. Madalas, pa-ekstra-ekstra na lang siya sa palengke bilang kargador o ‘di kaya naman ay nagbabarkero sa terminal ng jeep.

Nang hapong iyon, tanging isang kilong bigas at isang de-latang sardinas ang dala ni Abel nang makauwi.

“Pasensya na kayo, mga anak. Pagkasyahin na lang muna natin ‘t o. Ang hina kasi ng kita nang pa-ekstra ekstra lang. Hayaan n’yo at kapag nagkatrabaho ako, e, mag-uulam tayo nang masarap.”

Nasagot naman ang panalangin ni Abel nang may i-offer na trabaho sa kaniya ang kaibigang si Poniks. Janitor daw sa isang punerarya. Noong una’y nag-aalangan pa si Abel na tanggapin ang trabahong iyon dahil matatakutin siya sa mga patay. Ngunit dahil may kalakihan naman ang sahod ay tinanggap na niya iyon kaysa magtiis sa baryang kinikita sa pag-eekstra.”

Magsisimula ng alas-dos at matatapos naman ng alas-diyes ng gabi ang trabaho ni Abel doon. Dahil may kalayuan sa bayan ang kaniyang inuuwian, minsan ay inaabot pa siya ng alas-onse ng gabi sa pag-uwi. Nagbibisikleta lang kasi si Abel upang hindi na mamasahe. Malaking kabawasan pa kasi iyon sa kikitain niya kung sakali. Kailangan niya ring makaipon para sa pambili ng gamit ng tatlong anak niya sa elementarya sa darating na pasukan. Mabuti na lamang at bakasyon pa noon kaya wala pa silang masyadong gastusin bukod sa pagkain.

Sa ilang araw nang nagtatrabaho si Abel sa punerarya, tila hindi pa rin niya magawang masanay tuwing may dinadalang patay doon para i-embalsamo. Hindi niya mapigilang kilabutan tuwing nakikita ang malalamig na bangkay na minsan ay nakadilat pa ang mga matang wari’y nakatitig sa kaniya. Minsan pa ay nga ay nagiging laman pa ng panaginip niya ang mga iyon.

“Masasanay din ako,” aniya sa sarili habang sinusundan ng tingin ang kadadalang bangkay nang hapong iyon. Atake raw sa puso ang ikinamatay nito.

Nang mga sumunod na araw ay may isa sa mga kasamahan niya ang nagpasya nang umalis sa trabaho kaya naman nang hindi pa nakakahanap ng kapalit ay si Abel na rin ang naglilinis sa morgue ng punerarya.

“Pare, huwag ka na munang iinom ng kape kapag ikaw ang maglilinis ka d’yan sa morgue,” pabirong sabi ng isa sa mga embalsamador doon na si Moris.

“Langya ka naman, pare. Kinikilabutan na nga ‘yung tao, tinatakot mo pa,” aniya rito. Nakasanayan na rin kasi niya’ng makipagbiruan kay Moris dahil nakagaanan na rin niya ng loob ang lalaki.

“Ano ka ba? Patay na ang mga ‘yan. Wala nang magagawa ang mga ‘yan. Tingnan mo ‘ko, ilang taon na akong nag-eembalsamo pero wala pa naman akong kakatwang nararanasan dito. Hindi naman babangon ang mga patay na ‘yan para manakit. Isa pa, kung may gugustuhin man akong bumangon, e, ‘yung isang ‘yun.” Inginuso ni Moris ang bangkay ng isang magandang babae na hindi pa naeembalsamo.

Pabiro niya itong sinuntok sa braso. “Siraulo ka talaga, pare.”

Pagsapit ng gabi at naging abala na rin ang mga kasama ay mag-isa na lamang ni Abel sa pasilyong nililinisan niya. Malawak kasi ang puneraryang iyon at siya lamang ang mag-isang naglilinis tuwing gabi. Maselan ang may-ari. Ayaw nito ng kahit kaunting dumi lamang tuwing bumibisita roon nang biglaan, kaya naman pinagbubuti ni Abel ang trabaho nang magtagal pa siya roon.

Habang nangongolekta ng mga trash bag si Abel, bigla na lamang siyang napahinto nang maramdaman niyang tila may nagmamasid sa kaniya nang mga oras na iyon. Kunot-noo siyang nagpalinga-linga sa paligid, ngunit wala naman siyang nakita.

TAGALOG HORROR STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon