ALAK AT KALAMANSI

112 0 0
                                    

PLAGIARISM IS A CRIME!

ALAK AT KALAMANSI
(Exclusively written for Kwentong Enteng YouTube channel)

Itago n’yo na lang ako sa pangalang Dencio, anak ng may-ari ng malaking farm na puno ng sasabunging manok sa lugar namin noon. Halos mapuno ng mga manok ang dalawang ektarya ng lupang binili ni Tatay kaya naman sikat na sikat siya roon. At dahil paparami nang paparami ang inaalagaan, kinailangan pa ni Tatay na magdagdag ng mga taong tiga-pakain at bantay naman sa gabi. Manu-mano kasi talaga ang pagpapakain sa mga iyon. Regular na nililinisan ang pakainan ng manok dahil iniiwasang magkasakit ang mga iyon lalo na’t magaganda ang lahi at mahal ding maibebenta. Isa pa, nauuso na rin ang nakawan ng mga manok kaya kailangang higpitan ang pagbabantay.

Tumigil na sa pagsasabong si Tatay mula noong tambangan siya ng mga nakalaban niya sa sabungan at muntik nang mapatay. Napikon daw at hindi natanggap ang pagkatalo. Malaking pera rin kasi ang naitaya kaya pinagdiskitahan na lang si Tatay para maibalik ang natalo.

Mula sa balkonahe ay natanaw ko ang limang lalaki na kasama ni Tatay. Sila na siguro iyong mga bago niyang tauhan. Kaagad naagaw no’ng isa sa kanila ang atensyon ko.

May kaliitan ang lalaking iyon. Sa tantiya ko ay mga limang talampakan lang ang taas, mahaba rin ang buhok at may kakapalan ang balbas. Ewan ko ba pero, mukha siyang albularyo.

Lumipas ang ilang linggo at palagi pa ring takaw-tingin para sa akin ang lalaking iyon na napag-alaman kong Iking pala ang pangalan. Hindi naman sa nababakla ako sa kaniya pero para kasing may kakaiba sa kaniya.

“Iking. Kanina ka pa tinatawag ni Boss Chito.” Narinig ko’ng sabi ni Mang Hernan doon sa lalaki. Siya ‘yong pinakamatagal nang tauhan ni Tatay sa farm.

Dahil si Mang Hernan ang pinakamatanda sa mga tauhan ni Tatay, “Tsong” ang tawag sa kaniya ng mga kasama niya. 

“Sige ho, Tsong, susunod na ako.”

Pinagmasdan ko si Iking habang naglalakad kasunod ni Mang Hernan. Bahagya pa akong natawa nang mapansin na para siyang bagong tuli kung maglakad.

Mabilis ko namang ibinalik ang tingin sa hawak kong kape nang lumingon siya sa direksyon ko.

Ilang buwan mula nang matanggap si Iking sa farm, wala pa kaming naririnig na reklamo mula kay Tatay. Masipag naman daw at talagang gising na gising tuwing gabi.

“Hanga rin talaga ako d’yan kay Iking. Parang hindi na kailangan ng tulog, e. Biruin mo, sa gabi, magdamag siyang gising. Sa umaga naman, hindi pumapalya sa mga gawain. Ganyan ang gusto ko sa mga tao ko rito,” sabi ni Tatay habang nag-aalmusal kami nang umagang iyon.

“Parang aswang ba, ‘Tay?” biro ko.

Inis naman akong binatukan ni Tatay.

“Tigilan mo ang pag-iisip nang ganiyan kay Iking, Dencio. Walang ginagawang masama sa ‘yo ‘yong tao.”

Pigil ang tawa na humingi ako ng pasensya kay Tatay. Alam ko namang masama ang iniisip ko pero hindi ko lang napigilang magbiro. Sa itsura pa lang kasi ni Iking, papasa na siya maging aswang sa mga pelikula.

Sabado ng umaga noon. Maraming dumating na bisita sa farm para tumingin ng mga manok na bibilhin para ikondisyon bago ilaban sa sabong. Nakapila ang magagarang sasakyan sa labas ng farm habang naglilibot ang mga bisita namin. Huminto muna ako sa may gate para pagmasdan ang mga kotse. Pangarap ko ring magkaroon ng isa sa mga iyon kaya gano’n na lang ang pagkamangha ko. Kung tutuusin, kaya naman akong bilhan ni Tatay, pero masyado kasi siyang masinop sa pera. Bibilhan niya lang daw ako ng sarili kong kotse kapag nakapagtapos ako sa kolehiyo bilang Cum Laude.

TAGALOG HORROR STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon