RESORT
(This is exclusively written for Lady Pam YouTube channel. BAWAL KOPYAHIN SA ANUMANG PARAAN.)LIMANG taon nang biyudo si Lucio. Maganda naman ang kaniyang trabaho at malaki-laki na rin ang kinikita bilang real estate broker sa Cebu. Madalas siyang inuudyukan ng mga katrabaho na manligaw na ng babae’t muling mag-asawa, ngunit sadyang hindi pa siya noon handa na magkaroon ng bagong kinakasama. Matagal na rin niyang tanggap ang pagkawala ng asawang si Elenita. Namatay kasi ito dahil sa brain cancer. Nang panahon pang iyon ay dala nito sa sinapupunan ang sana’y unang anak nilang mag-asawa. Masyadong masakit para kay Lucio ang nangyari. Matagal na panahon din ang ginugol niya bago tuluyang natanggap ang pagkawala, hindi lang ng kaniyang asawa kundi pati na rin ang pagkawala ng kanilang anak.
Hanggang sa makilala ni Lucio si Daniela na isang waitress sa restaurant na madalas niyang kinakainan. Sa pagkakaalam niya, dalaga pa ito. Hindi lamang ito nakatungtong sa kolehiyo dahil bukod sa walang magpapaaral ay kailangan na rin nitong kumita ng perang ipapadala sa mga magulang sa probinsya.
Noong una, mailap ang babae sa kaniya, ngunit hindi niya maipagkakailang nakuha nito ang atensyon niya. Noon kasi’y tanging mga malalapit lamang nitong kaibigan sa trabaho ang nakakausap niya. Ang mga ito rin ang nagkukuwento ng mga ganap sa buhay ni Daniela at ilan pang bagay tungkol dito. Batid kasi ng mga ito na natitipuhan niya ang dalaga.
Mula nang makilala ni Lucio si Daniela, mas napapadalas na rin ang pagpunta niya sa restaurant na iyon. Minsan ay nagdadala na rin si Lucio ng bulaklak, tsokolate, at kung anu-ano pang mga pagkain na para kay dalagang waitress.
“Sir, mukhang masarap ‘yang dala n’yo, ah. Para kay Daniela ‘yan, ‘no?” nangingiting salubong ng security guard sa restaurant na si Dino. Sa tagal na niyang kumakain doon ay kilalang-kilala na siya ng sekyu. Palagi itong napapangiti tuwing darating siya roon na may dalang regalo para kay Daniela.
Ngumiti lang naman noon si Lucio, at diretso nang pumasok upang makita ang sadya niya roon.
Mabait at mahusay makisama ang dalaga sa mga katrabaho nito sa restaurant kaya naman masaya ang mga ito na sa wakas daw ay mayroon nang tulad ni Lucio. Tanging siya lamang daw kasi ang tumagal sa panliligaw kay Daniela.
Nang tuluyan nang magkamabutihan ang dalawa, huminto na sa pagtatrabaho bilang waitress ang dalaga. Pinatira ito ni Lucio sa bagong biling bahay sa Cebu, malapit sa trabaho niya. Nangako rin siya na tutulungan ang pamilya ng dalaga, lalo na’t wala na itong trabaho nang mga panahong iyon. Batid naman niya ang responsibilidad na maiiwan nito nang patigilin niya sa trabaho.
“Hindi ka ba nahihirapan na may ibang pamilya ka nang binubuhay, Lucio?” tanong ng ama ni Daniela na si Mang Orlando nang minsan silang dumalaw sa probinsya, kung saan nakatira ang pamilya ng dalaga.
Bagama’t nakakatulong na siya sa mga ito ay hindi pa rin kumbinsido ang matanda na lubusang ipagkatiwala sa kaniya ang panganay na anak.
Napakamot naman sa batok si Lucio. “Naku, hindi naman po. At saka meron naman po akong pinagkukunan ng sapat na kita kaya ‘wag n’yo na hong isipin ‘yon, ‘Tay.”
Tumango-tango si Mang Orlando. “Kung gano’n, maraming salamat sa’yo, Lucio. Basta’t kapag may maitutulong din kami sa’yo na kahit ano e huwag kang mahihiyang magsabi,” wika pa ng ama ni Daniela.
Nanatili muna roon nang ilang araw sina Lucio at Daniela bago bumalik sa Cebu. Hiniling kasi ng ina ng dalaga na manatili pa ito roon upang magkasama-sama. Bakas ang kasiyahan sa mukha ni Daniela dahil pinagbigyan niya itong makasama ang pamilya. Namili na rin sila ng groceries at iba pang gamit para sa mga ito bago sila nagpaalam upang umalis.
NANG makabalik sa Cebu, sunod namang plinano ni Lucio ang pamamasyal kasama ang nobya. Gusto kasi niyang sulitin ang pagkakataon habang hindi pa siya gaanong abala sa trabaho. Naghanap noon sa mga social media site si Lucio ng magandang puntahan. Ang gusto sana niya’y iyong hindi sila lalayo pa, lalo na’t ilang araw lang naman ang ilalaan nila para sa nasabing pamamasyal. Ang problema’y wala naman siyang magustuhan sa mga iyon. Halos lahat kasi ng magagandang pasyalan sa kanilang lugar ay kaniya nang napuntahan. Gusto naman niyang mamundok o pumunta sa mga lugar na hindi pa gaanong dinarayo ng mga tao. Hanggang sa mag-suggest sa kaniya ang isa sa mga katrabaho. Hindi naman siya nagdalawang isip na puntahan ang lugar dahil nakita niya mismo ang mga larawang kuha ng katrabahong si Eduardo.
BINABASA MO ANG
TAGALOG HORROR STORIES
HorrorCompilation ito ng mga maiikling kuwentong nasulat ko. Ang iba rito ay true stories, at ang iba naman ay fiction.