KILABOT NG MGA ASWANG SA BARYO
This is exclusively written for Pagkagat Ng Dilim YouTube channel. DO NOT PLAGIARIZE.
Kilala si Lolo Telmo bilang mananandok sa lugar namin, sa parteng Mindanao. Tuwing may natutuklaw ng ahas o ‘di kaya’y nakagat ng hayop, sa kaniya lumalapit ang mga tao, lalo na ‘yong mga taga-roon mismo sa aming baryo. Marami ang nagsasabi na hindi naman daw totoong nakatatanggal ng kamandag ang tandok. Mas mabuti pa rin daw ang magtungo sa ospital para magpagamot, ngunit dahil sa layo ng ospital sa liblib na tinitirahan namin, mas pinipili na lang ng mga tao na pumunta sa mananandok kaysa sa doktor. Ang ipinagtataka ko naman, lahat ng pumupunta kay Lolo ay napapagaling niya. Ni wala pa akong nababalitaan na namatay, gaya ng sabi-sabi ng iba. At kailan ko lang din nalaman kung paano napapagaling ni Lolo Telmo ang mga pumupunta sa kaniya.
Pagpasok ko pa lang sa bahay ni Lolo Telmo, unang nakaagaw-pansin sa akin ang garapong nakapatong sa may altar.
“Lo? Ano po ‘tong nakalagay sa garapon n’yo?” puno ng kuryosidad na tanong ko kay Lolo.
Napangiti siya nang lumingon sa akin. “Ah, ‘yan ba? ‘Yan ang nagdadala ng swerte sa akin, apo. At kapag nawala na ako, sa ‘yo ko ipapamana ang batong ‘yan. Tutal e, wala namang interes ang tatay mo.”
Gusto kong matawa sa sinabi ni Lolo pero pinigilan ko ang aking sarili, bilang respeto na rin sa kaniya.
“Paano naman po naging swerte? Nakakapagbigay po ba ng kayamanan ‘to?” Kinuha ko ang garapon at sinilip ang bilog na bagay sa loob nito na parang itlog ng butiki. Maihahalintulad din ang itsura nito sa perlas. Mas malaki nga lang nang kaunti.
“Maraming nagagawa ang batong ‘yan. Bakit ba ang dami mong tanong?” sabi ni Lolo at muling itinuon ang atensyon sa pagtitimpla ng mga halamang herbal na ginagamit niya sa panggagamot.
“Ano naman pong gagawin sa bato na ‘yan, ‘Lo? Lulunukin ko saka sisigaw ng Darna?” natatawa kong sabi sa kaniya.
Sunod-sunod ang naging pag-ilag ko nang hampasin ako ni Lolo Telmo ng kaniyang tungkod.
“Hindi ito kagaya ng iniisip mong nagbibigay ng kapangyarihan sa sinumang may hawak ng bato para maging superhero. Naku, napakapilyo mo talagang bata ka. Malalaman mo lang ang bisa nito kapag may masasamang elemento sa paligid. Lalo na kung may aswang kaya huwag mo itong ihihiwalay sa katawan mo sakaling ikaw na ang may hawak nito. Ang batong ito ang magiging proteksyon mo. Hangga’t nasa iyo ito, katatakutan ka nila dahil kapag nakipaglaban sila sa iyo, maaari mo silang mapatay, apo.”
Hanggang sa makauwi na ako no’n, hindi pa rin mawala-wala sa isipan ko ang mga sinabi ni Lolo Telmo. Kahit kasi dinadaan ko lang siya sa biro, naniniwala naman ako sa mga kaalaman niya at sa mga kakayahan niya. Higit siyang mas maraming karanasan sa buhay kaysa sa akin. Sabi pa ni Lolo, kung ordinaryong tao lang daw kasi ang lalaban sa isang aswang, maaari lang nilang masugatan o matakot ang aswang pero hindi ito mamamatay. Baka nga talagang may hiwaga ang mutyang iyon ni Lolo. Magandang proteksyon nga ‘yon kung sakali lalo na’t hindi na rin bago sa mga baryong tulad ng tinitirahan namin na may mga gumagalang aswang. Para ngang naging normal na lang iyon sa amin. Kaya naman alas-syete pa lang ng gabi ay sarado na ang mga bahay sa lugar namin. At kahit sino pang kumatok sa kalagitnaan ng gabi, hindi namin pinagbubuksan dahil may mga aswang din na may kakayang gumaya ng boses ng mga kasama mo sa bahay upang makapangbiktima.
Kinabukasan, muli akong nagtungo sa bahay ni Lolo Telmo. Naabutan ko siyang may ginagamot sa labas ng kubo. Natuklaw daw ng ahas sa bundok habang nangangahoy. Tahimik akong umupo sa gilid para panoorin si Lolo. Wala naman akong nakitang kakaiba sa ginagawa niyang panggagamot pero nakaagaw ng atensyon ko ang suot na kuwintas ng aking abuelo. Kung hindi ako nagkakamali, ang nakalagay na palawit doon ay iyong sinasabi niyang mutya ng walo-walo. Ilang sandali pa ay tumayo na ‘yong natuklaw ng ahas.
BINABASA MO ANG
TAGALOG HORROR STORIES
HororCompilation ito ng mga maiikling kuwentong nasulat ko. Ang iba rito ay true stories, at ang iba naman ay fiction.