NATIPUHAN SA LIBLIB NA BARYO (Exclusively written for Aling Marya YouTube channel)
written by Jiara Dy
BAWAL KOPYAHIN SA KAHIT ANONG PARAAN. NO TO PLAGIARISM!ISANG LINGGO pa lang kami sa Barrio Sto. Niño. Maganda ang nasabing baryo. Tahimik, malinis, at maraming puno. Isa pa, mababait din ang mga nakatira dito. Kaso nga lang, sa ‘di malamang dahilan, unang araw pa lang namin sa bahay ni Lola Pia ay tila gusto ko nang umuwi. Napilitan lang kasi akong sumama sa pinsan kong si Stella dahil sa kagustuhan ni Tita Gloria. Siya ang nagpapaaral sa akin kaya hindi ko magawang tumanggi. Magkaibang-magkaiba kasi kami ng pinsan ko. Siya ‘yong tipo ng taong hindi kayang umalis nang walang kasama. Kaya kahit noong nasa Soledad pa kami, tuwing gugustuhin niyang lumabas, naroon din ako at nakabuntot sa kaniya. Malaki ang naitulong sa akin ni Tita Gloria, kaya tama lang din naman na tumanaw ako ng utang na loob sa kaniya.
Si Lola Pia daw ang humiling na magbakasyon si Stella sa Sto. Niño. Palibhasa’y paboritong apo kaya hindi matiis na hindi ito makakasama sa loob ng isang taon.
ALAS-SYETE pa lang ng umaga nang gisingin ako ni Stella. Magpapasama raw sa tindahan para bumili ng sanitary napkin. Sa isip-isip ko, masyado na siyang matanda para magpasama pa sa pagbili, pero wala naman akong magagawa. Wala namang mauutusan sa bahay kaya sinamahan ko na lang siya kahit pipikit-pikit pa ang aking mga mata.
May nakita naman agad kami na tindahan, ‘di kalayuan sa bahay ni Lola Pia. Medyo natagalan pa kami doon dahil may ginagawa pa ‘yong matandang tindera. May nakita kaming malalaking chichirya at kaluluto pang mani kaya nagpasya na rin kaming bumili para may kutkutin kami habang nanonood ng T.V sa bahay. Wala naman kasi kaming ibang mapaglilibangan doon kundi ‘yon lang. Pwede naman kaming lumabas at mamasyal pero hindi kami pinapayagan ni Lola Pia na lumayo dahil hindi raw namin kabisado ang baryo. Mahirap na daw kung mapaglaruan kami ng engkanto o ng iba pang elementong hindi basta-bastang nakikita ng mga tao. Iniisip ko pa lang ang mga sinasabi ni Lola Pia ay kinikilabutan na ako. Hindi kasi ‘yon imposible sa ganitong klase ng lugar. Tahimik nga pero nakakatakot naman.
Paalis na sana kami ng tindahan nang makarinig kami ng sitsit. Hinanap namin kung saan ‘yon nanggagaling. Pagtingala ko sa ikalawang palapag no’ng bahay na may tindahan, nakita ko ang isang lalaking nakasilip sa bintanang bahagya lang na nakabukas. Nakatanaw ito sa amin ni Stella. Hindi ko mapigilang matakot sa itsura ng lalaki. Nangingitim ang ilalim ng lubog nitong mga mata at maputla ang balat na para bang hindi man lang ito nasisikatan ng araw. Mahaba na rin ang buhok at makapal pa ang bigote.
Naramdaman kong humigpit ang kapit ni Stella sa aking braso. Nang muli kong tingnan ‘yong lalaki, saka ko lang napagtanto na hindi siya sa akin nakatingin kundi sa pinsan ko. Hindi ko na napigilang mapangiwi nang ngumiti ito at lumabas ang naninilaw nitong mga ngipin.
Hindi na ako nakapagsalita nang halos kaladkarin na ako ni Stella papalayo sa tindahan. At nang makarating kami sa bahay, diring-diri siyang nagkwento tungkol doon sa lalaki. Alam niya raw na kanina pa nakatingin sa kaniya ‘yong lalaki. Sa klase ng tingin nito, mukhang natipuhan nito ang aking pinsan.
Pagsapit ng gabi, naging kapansin-pansin ang pagkabalisa ni Stella sa kabilang kama. Tulad ko ay mukhang madamot din ang antok sa kaniya. Tinanong ko siya kung ano ang problema. Pero hindi rin naman niya maintindihan kung bakit, at sinabing huwag na lang siyang pansinin.
Tumayo ako para isara ang bintana bago matulog. Bilin kasi ni Lola na ‘wag daw kaming matutulog nang nakabukas ang bintana sa gabi. Malamig naman sa aming silid kahit nakasarado iyon dahil napapalibutan ng mga puno ang bahay ni Lola. Hihilahin ko na sana ang pansara ng bintana nang may mapansin ako sa labas ng bahay, partikular doon sa may sampayan.
“Nag-iwan ka ba ng mga damit mo sa labas?” tanong ko kay Stella pero hindi na siya sumagot.
Napakunot ang noo ko nang mapansing parang may tao doon. Naningkit ang mga mata ko habang pilit na inaaninag sa dilim ang nakita ko kanina. Bigla akong kinabahan. Kitang-kita ko kasi na gumalaw ‘yong sampayan kaya alam ko na hindi ‘yon guni-guni lang. Sa takot ko ay nagmamadali ko nang isinara ang bintana at sinigurong hindi ito basta-bastang mabubuksan.
BINABASA MO ANG
TAGALOG HORROR STORIES
HorrorCompilation ito ng mga maiikling kuwentong nasulat ko. Ang iba rito ay true stories, at ang iba naman ay fiction.