3:00 AM CHALLENGE AT LUMANG BAHAY

72 0 0
                                    

3:00 AM CHALLENGE AT LUMANG BAHAY
(This is exclusively written for Lady Pam YouTube channel.)

PART 2

AUTHOR’S NOTE:
This story or any portion thereof may not be reproduced in any written, electronic, recording, or photocopying or used in any manner without expressed written permission from the author and the said YT channel.

KINABUKASAN, pare-parehong may lakad ang mga kasama ni Rence sa bahay. May dadaluhan kasing kasal ang kaniyang ama’t ina, habang ang kuya naman niya ay kasali sa mga maglalaro para sa liga ng barangay. Kaya naman walang ibang naiwan sa bahay kundi sila ng kaniyang bunsong kapatid na si Rence. Tiyak na gagabihin pa ang mga ito sa pag-uwi. Dahil bakasyon pa naman noon, siya na lamang ang naiwan upang bantayan ang bunsong kapatid.

Likas na makulit kaya hindi kasundo ni Paco ang kapatid kaya hinayaan na lamang niya itong maglaro nang mag-isa sa kabilang silid. Inabala naman niya ang sarili sa mga gawaing bahay bago matulog.

Dahil maramot ang antok para kay Paco, nagpasya na lamang siya na manood ng pelikula. Halos hindi na niya namalayan ang oras sa kaniyang panonood. Nang matapos ‘yon, pinatay na niya ang T.V at lilisananin na sana ang sala nang marinig niya ang kapatid na si Rence na tila mayroon na naman itong kausap.

Muling nabuhay ang kaba sa dibdib ni Paco. Unang pumasok sa isip niya ang manika.

Hindi na siya nag-aksaya pa ng panahon, at malalaki ang hakbang na nagtungo sa silid na kinaroroonan ni Rence. Pagbukas niya ng pinto, tumambad sa kaniya ang kapatid na nakikipaglaro sa malaking teddy bear na nakasandal sa kama. Tila nabunutan siya ng tinik at nakahinga nang maluwag nang hindi roon nakita ang manika.

Akmang babalik na siya sa kaniyang silid nang marinig naman niya ang ingay na nagmumula sa labas. Sunod-sunod ang pagtahol ng alaga nilang aso na si Zoro. Tumingin siya sa orasan.

Mag-a-alas-syete na ng gabi. Pero sa tantiya niya’y mga alas-nuwebe pa o alas-diyes makakauwi ang mga magulang nila mula sa dinaluhang kasal.

Sumilip si Paco sa bintana para tingnan kung ano ang tinatahulan ng alagang aso. Napakunot ang kaniyang noo nang makita itong nakaharap sa bodega at walang tigil sa pagtahol. Kumakawag-kawag pa ang buntot nito at wari’y galit na galit sa anumang tinatahulan nito.

“Zoro! Zoro, anong tinatahulan mo d’yan?” aniya sa alaga.

Bababa na sana siya nang may mapansin siyang maliit na pigurang mabilis na dumaan sa harap ni Zoro. Napakurap-kurap siya’t kinusot ang mga mata.

“Ano ‘yon? Parang may bata.”

Naglakad palabas ng bahay si Paco upang tiyakin ang nakita, ngunit halos nalibot na niya ang paligid ng bahay ay wala naman siyang nakita roon ni anino ng isang bata.

Ilang sandali pa, natatarantang bumalik sa loob ng bahay si Paco nang marinig ang malakas na palagaw ni Rence. Patakbo niyang tinungo ang silid ng kapatid.

“Rence! Anong ginagawa mo d’yan?”

Dali-dali niyang hinila ang kapatid mula sa ilalim ng kama. Nanginginig ito sa takot at walang tigil sa pag-iyak. Tinanong niya ang bunsong kapatid kung ano’ng nangyari ngunit ikinagulat niya ang isinagot nito. May bata. May bata raw na nakikipaglaro kay Rence na humila rito pailalim sa kama.

“B-Bata? N-Nasaan siya?” aniya na unti-unti nang lumalakas ang kabog ng dibdib.

Hanggang sa itinuro ni Rence ang bahagya pang nakabukas na bintana. Gumagalaw-galaw pa ang kurtina na wari’y may dumaan doon kani-kanina lamang. Kabadong humakbang si Paco papalapit sa bintana.

Sa pagsilip niya roon, muli na naman niyang nakita ang maliit na pigura na bigla na lamang nawala.

Sa takot ni Paco ay isinama na lamang niya sa sariling silid ang kapatid na si Rence at doon na lamang ito pinatulog. Hindi naman siya nahirapang patulugin ito lalo’t napagod na sa paglalaro. Hindi na rin niya kailangang hintayin pang makauwi ang mga magulang dahil may duplicate key naman ang mga ito.

TAGALOG HORROR STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon