KINULAM ANG NANGGAYUMA

107 7 0
                                    

KINULAM ANG NANGGAYUMA
Isinulat ni Jiara Dy

(This is exclusively written for Ang Sundo Horror Stories.)

“Dong, isang kilo nga sa baboy.”

Napasulyap ako kay Mang Temyong na kilalang nagpapautang sa palengke. Nagpapautang ito ng pandagdag puhunan sa mga maliliit na pwesto tulad namin. Maging si Nanay ay may utang din kay Mang Temyong na limang libo at hinuhulugan tuwing linggo. Lahat ng mga bata pagala-gala sa bayan at takot kay Mang Temyong. Mahaba kasi ang balbas nito at kulot na kulot din ang buhok na tinatalian lang ng goma. Ayon sa sabi-sabi, matandang binata raw si Mang Temyong at hindi na naisip na mag-asawa pa. Ang tanging nakikinabang lang sa pera nito ay ang nag-iisang kapatid na si Aling Siona. May usap-usapan sa pwesto na mangkukulam daw si Aling Siona at may kakayahan din na manggayuma.

Pumili ito ng laman kaya kinuha ko agad ‘yon para timbangin. Bago umalis ay pinaalalahanan pa ako sa utang ni Nanay na sisingilin nito sa linggo ng umaga.

Pag-uwi ko sa bahay, naabutan ko si Nanay na kausap ang aking pinsang si Corazon. Dala niya ang kaniyang mga gamit. Ang sabi niya, nakiusap daw ang kaniyang ina kay Nanay kung maaaring sa amin na muna siya manuluyan habang hindi pa nagsisimula ang pasukan. Sa bayan lang kasi namin ang may mapapasukang kolehiyo. Masyadong malayo kung balikan pa siyang uuwi sa kanila. Magastos sa pamasahe at nakakapagod din ang byahe.

Noon pa man ay hindi ko na gusto ang ugali ni Corazon. Bukod kasi sa maarte at hindi sanay sa mga gawain sa bahay, masyado rin siyang mapanlait na siyang madalas na nagiging dahilan para awayin siya ng mga nakakalaro namin noong mga bata pa kami. Ngunit ang tiyahin ko na mismo ang nakiusap kaya wala kaming nagawa kundi ang tanggapin siya at patuluyin sa bahay.

Ngunit dahil bakasyon pa noon, pinasama siya ni Nanay sa puwesto namin sa palengke para tulungan ako sa pagbebenta. Alam kong napipilitan lang na sumama sa Corazon ngunit hindi na ako nagsalita pa. Kahit papaano naman ay nauunawaan ko rin na ayaw niyang sumama dahil wala naman siyang obligasyon na tulungan ako sa pagtitinda. Marahil ay nahihiya lamang siya sa aking ina.

Gaya ng inaasahan ko, hindi tumulong sa akin si Corazon kahit marami nang bumibili sa puwesto namin. Nakaya ko naman iyon dahil sanay na ako sa trabaho ko.

Ilang sandali pa, dumating na si Mang Temyong para maningil. Ngunit ang ipinagtataka ko, hindi niya kaagad na hiningi ang bayad gaya ng palagi niyang ginagawa. Saka ko lang napagtanto na hindi pala siya sa akin nakatingin nang oras na ‘yon. Napakamot na lang ako sa ulo nang hindi nito lubayan ng tingin ang aking pinsang si Corazon na prenteng nakaupo habang nagbabasa ng libro. Mukhang nakukursunadahan pa ng matanda ang aking pinsan.

“Mang Temyong, ito na ho ‘yong hulog namin,” sabi ko na lang noon para agawin ang atensyon ng matanda. Ngunit hindi pa rin nito inalis ang tingin kay Corazon.

Tinawag pa ni Mang Temyong ang aking pinsan ang itinanong ang pangalan nito. Ngunit gaya ng inaasahan, tahasang ipinakita ni Corazon ang pagkadisgusto sa matanda. Sinungitan nito si Mang Temyong at umalis sa pwesto para makalayo.

Napailing na lang ako sa inasal ni Corazon. Akala ko noon ay magagalit si  Mang Temyong, ngunit sa halip ay nakita ko ang kakaibang ngiti sa labi ng matanda. Walang sabi-sabing tinanggap niya ang hulog namin sa utang bago umalis sa pwesto namin.

Hindi iyon ang huling beses na nakita ko ang matinding pagkagusto ni Mang Temyong kay Corazon. Araw-araw siyang bumibisita sa pwesto namin sa palengke kahit hindi pa araw ng singilan. Kunwari’y bibili ng karne ngunit ang pinsan ko pala ang pakay. Maganda si Corazon at madalas naisasali sa mga beauty contest sa barangay. Masipag din namang mag-aral, pero tanging ang ugali lang niya ang hindi nababagay sa kaniya.

TAGALOG HORROR STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon