NAWAWALANG PINSAN

103 1 0
                                    

NAWAWALANG PINSAN

THIS IS EXCLUSIVELY WRITTEN FOR LADY PAM YOUTUBE CHANNEL. BAWAL KOPYAHIN SA ANUMANG PARAAN.

Nangyari ang kuwentong ito, taong 2004 sa isang probinsya sa Mindanao. Nagpasya ang sender na itago na lamang siya sa pangalang Emann, at disi-nuwebe anyos pa lamang siya nang mangyari ang kuwento tungkol sa nakakikilabot niyang karanasan sa isang liblib na baryo.

Semana santa noon kaya ilang araw din silang walang pasok. Dahil mag-isa lamang ni Emann sa bahay ay hindi na niya tinanggihan pa ang alok ng pinsang si Bryan nang ayain siya nitong bisitahin ang baryong kinalakihan ng kaniyang ina. Minsan na rin silang nagbakasyon doon noong pitong taong gulang pa lamang siya. Sa tagal na panahong hindi siya nakakabalik doon ay halos hindi na niya maalala ang itsura ng lugar, kaya naman hindi rin niya maitago ang excitement sa gagawing bakasyon. Ang kaibahan lang ay mag-isa na lamang niyang magtutungo roon.

Nang mga panahong iyon ay pareho pang nagtatrabaho sa Middle East ang mga magulang niya, kaya mula nang maiwan sa Pilipinas ay tanging siya lamang at ang kasambahay nila ang magkasama sa bahay.

Dahil sa layo ng pupuntahan ni Emann, hindi niya maiwasang makatulog sa byahe. Malamig din kasi noon sa loob ng bus. Ngunit wala pa siyang isang oras na natutulog nang bigla itong magpreno, dahilan para sumubsob ang mukha niya sa kaharap na upuan.

“Pambihira naman, oh! Magdahan-dahan naman ho kayo!” singhal niya sa driver.

Lumingon naman sa kaniya ang drayber para humingi ng paumanhin.

Sinilip naman niya sa bintana ang tinutukoy nitong tumawid sa kalsada. Hinawi niya ang kurtina para makita ito nang mabuti. Napakunot ang noo niya nang matanaw ang isang matandang kuba na may nakasaklob na itim na tela sa ulo. Hindi naman niya makita ang mukha nito dahil nakatalikod sa kaniya ang matanda.

Laking gulat ni Emann nang biglang lumingon ang matandang kuba. Ang masama pa, dumako sa kaniya ang matiim nitong titig na wari’y nagpapahiwatig ng kung ano.

Hanggang sa may kakaibang naramdaman sa likuran si Emann. Napalingon siya. Nagsitayuan ang mga balahibo niya nang mapagtantong tila mayroong kakaiba sa katabi niyang puwesto. Bakante kasi iyon at mula nang umalis ang bus ay wala pang umuupo roon. Paglingon niya sa kinatatayuan ng matanda, bigla na lamang itong nawala. Nagpalinga-linga siya sa paligid upang hanapin ito pero umusad na rin noon ang bus kaya bigo siyang makitang muli ang matandang iyon. 

Kinusot niya ang mga mata, sa pag-aakalang guni-guni lamang ang nangyari. Ngunit muling nabuhay ang takot niya nang ibaling ang tingin sa kalapit na upuan. May mahahaba nang kalmot at halos mapunit na ang cover niyon. Bumigat ang pakiramdam niya, dala ng matinding kaba. Wala naman kasing lumapit sa kaniya kanina, kaya natitiyak niyang walang ibang gagawa no’n.

Nang matanaw niyang papalapit na sa puwesto niya ang konduktor ng bus, dali-dali niyang tinabunan ng dalang bag ang mga kalmot sa upuan. Baka kasi siya pa ang mapagbintangan.

Hanggang sa makababa na sa terminal si Emann, hindi pa rin mawala-wala sa isip niya ang kababalaghang nangyari sa bus kanina.

“Emann! Emann, apo!” tawag sa kaniya ng pamilyar na boses. Luminga-linga siya sa paligid para hanapin kung sino’ng tumatawag sa kaniya. Kaagad namang lumiwanag ang mukha niya nang matanaw ang kaniyang Lola Santa na kumakaway-kaway pa. Patakbo siyang lumapit dito, bitbit ang kaniyang mga gamit.

“Lola Santa! Kanina pa po ba kayo rito?”

Nagtaka siya nang biglang napawi ang mga ngiti ng Lola niya nang makalapit ito.

“Lola, ayos lang po ba kayo? Para naman kayong nakakita ng multo, e, ang pogi ng kaharap n’yo!” biro ni Emann sa abuela ngunit kaagad din siyang natahimik nang mapansin ang pagiging seryoso ng mukha nito.

TAGALOG HORROR STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon