Itago n'yo na lang ako sa pangalang Kiko, helper sa construction. Mas maliit ang sahod kumpara sa mga skilled worker na kasama ko. Napalayo ako sa aking pamilyang naiwan sa Pangasinan nang isama ako ng aking mga pinsan dito sa isang probinsya sa CALABARZON.
"Kiko, halo pa!" sigaw ni Berting na abala sa pagpapalitada. Mabilis ko namang pinala ang hinalong semento at inilagay sa timba bago iyon iabot kay Pareng Berting na nakatuntong sa ginawang scaffold.
Bukod sa paghahalo ng semento, tiga-abot din ako ng hollow blocks at ng mga gamit ng mga kasama kong mason doon. Sa totoo lang, mas nakakapagod ang trabaho ng mga helper dahil sa kaliwa't kanang utos ng mga mason. Minsan kasi, may ibang sadyang mayabang at abusado pero hindi naman ako pwedeng magreklamo. Masungit din kasi ang foreman naming intsik at mabilisan lagi kung magpatrabaho.
Tuwing sahod naming mga taga-construction, nakasanayan na naming mag-inuman sa maliit na karinderya ni Aling Bebeng na bukas bente-kuwatro oras. Malakas pa rin kasi ang benta kahit hatinggabi na. Sa madaling araw naman, maraming byaherong kumakain doon. Malapit din kasi 'yon sa terminal ng dyip.
Animo'y mga ibong nakawala sa hawla ang mga kasama ko sa construction tuwing linggo. Pahinga kasi namin iyon kaya walang trabaho. Kani-kaniya ng lakad tuwing umaga at sa gabi naman ay nagkakayayaang mag-inuman.
"Kiko, 'di ka sasama?" kunot-noong tanong ni Pareng Roman, isa sa pinakamalapit kong kaibigan doon bukod sa aking mga pinsan. Taga-Nueva Ecija naman siya at tulad ko, napalayo rin sa pamilya para sa trabaho.
"Susunod na lang ako, p're!"
Hindi ko pa kasi tapos labahan ang mga kamisetang sinusuot ko sa trabaho kaya hinayaan ko na silang mauna sa karinderya. Tutal, nasa tapat lang naman iyon ng ginagawa naming building. Nang makaalis si Pareng Roman, binilisan ko na ang pagbabanlaw nang maisampay na kaagad ang mga damit.
Ngunit paglabas ko sa likuran ng building, bigla akong kinilabutan. May kung anong kakaiba sa aking pakiramdam. Nilapag ko ang timbang may lamang damit saka iyon isa-isang isinampay. Ilang sandali lang, natigilan ako nang may marinig na kaluskos sa paligid. Wala nang bahay sa likuran ng ginagawa naming building. Puro sagingan na lang ang naroon. Pero mukhang... doon nanggagaling ang kaluskos.
"Baka ligaw na hayop lang..." sabi ko sa aking sarili.
Patapos na ako sa pagsasampay nang muli akong may maramdaman. Tila may nanonood sa akin nang mga oras na 'yon. Nagpalinga-linga ako sa paligid ngunit tulad kanina, wala naman akong nakita. Nagpasya na lang akong bumalik sa barracks para magpalit ng damit bago magtungo sa karinderya ni Aling Bebeng.
Pagdating ko ro'n, naabutan kong nagkakasiyahan na ang aking mga katrabaho. 'Yong iba, medyo may amats na.
"Aling Bebeng! Ang sarap talaga pangpulutan ng longganisa mo. Isang order pa nga!" sigaw ni Ador, ang pinakagalante sa aming lahat. Sinagot niya lahat ng inumin at pulutan. Palibhasa'y binata kaya walang habas sa paggastos.
"O, Kiko, nandyan ka na pala. Umupo ka na rito at makitagay ka na," sabi naman ng pinsan kong si Jeff.
"Salamat, 'tol."
Ilang sandali pa ay inilapag na ni Aling Bebeng ang panibagong order ng pulutan, ang masarap nilang longganisa.
"Ayos talaga magtimpla si Aling Bebeng. Swak na swak 'tong longganisa niya. Hindi tulad sa palengke na lasang harina," sabi ni Pareng Roy.
Lima kaming magkakasama sa mahabang mesa. Sa kabila naman ang iba naming mga katrabaho, kasama ang dalawa ko pang pinsan.
Nakakarami na ang mga kasama ko sa pag-inom, samantalang ako, nakakatatlong tagay pa lang. Ewan ko ba't wala akong ganang mag-inom ng gabing 'yon. Mayamaya, nagpaalam ako sa kanila para umihi. Umikot ako sa may gilid ng karinderya. Malapit sa tambakan ng mga basura.
BINABASA MO ANG
TAGALOG HORROR STORIES
HorrorCompilation ito ng mga maiikling kuwentong nasulat ko. Ang iba rito ay true stories, at ang iba naman ay fiction.