ASWANG LUPA KONTRA BALBAL

113 0 0
                                    

ASWANG LUPA KONTRA BALBAL
(Exclusively written for Kwentong Enteng YouTube channel)

Abril, 2008.

Palagi kong naririnig noon sa mga yumao kong magulang ang tungkol sa mga balbal o 'yong mga aswang na hugis tao ngunit nakalilipad na parang tapilak. Mayroon itong mahahaba at pakurbang mga kuko na ginagamit pambutas sa mga bubong kung saan may taong kamamatay lang o ‘di kaya’y sa mga lamay. Ginagamit naman nito ang mahabang dila para hilahin ang bangkay na balak nitong ipakain sa kaniyang pamilya.

Ang mga balbal daw ang dahilan kung bakit nauso ang mga pasugalan o anumang paingay tuwing may lamay. Dito kasi sa barangay namin, madalas, may nagvi-videoke sa lamay. Paraan daw nila iyon para itaboy ang mga balbal na nagtatangkang lumapit sa kanilang yumaong mahal sa buhay.

Ako nga pala si Jordan, isang pharmacist. Ginagabi na ako ng uwi dahil madalas akong nag-o-overtime. Kulang kasi ngayon sa pharmacist ang pinagtatrabahuhan kong botika sa bayan dahil sa mga nag-resign noong nakaraang linggo.

"Saan ka, boss?" tanong ng driver ng traysikel na nasa unahan ng pila.

"Makalampas lang po ng tulay, manong." Napansin ko ang pag-aalinlangan ng driver matapos kong banggitin kung saan ako bababa.

"May problema po ba?" kunot-noo kong tanong kay manong. Ngunit umiling siya. Wari'y nag-aalinlangan pang sumagot. Nagkibit-balikat na lang ako at tahimik na sumakay sa tricycle.

Ilang sandali pa ay natanaw ko na ang tulay. Pasimple kong sinulyapan si manong. Nagtaka ako nang makitang parang takot na takot siya. Nagulat ako nang biglang huminto ang tricycle nang malapit na kami sa tulay.

"A-Ah, boss. B-Baka pwedeng dito na kita ibaba. Kaunti na lang naman ang lalakarin mo kung sakali. P-Pasensya na..." natatarantang sabi ni manong. Ni hindi man lang siya makatingin sa akin nang iabot ko ang bayad.

"Sige ho, manong. Mukhang hindi yata maayos ang pakiramdam n'yo," sabi ko na lang matapos niyang iabot ang sukli. Naiiling na sinundan ko ng tingin ang papalayong tricycle.

Nang makaalis iyon ay sinimulan ko nang maglakad.  Gusto ko na rin kasi talagang makauwi. Kung mayroon sanang tricycle na dadaan ay sasakay na lang ako kaysa maglakad. Ramdam ko na rin kasi ang pagod nang mga oras na 'yon. Ngunit nakalampas na ako ng tulay ay wala pa rin kahit anong sasakyan na dumadaan.

Mayamaya lang, natigilan ako nang mapansin ang bahay ng dati kong kaklase malapit sa tulay. Ilang beses ko rin noon na tinangkang makipagkaibigan may Kylie pero palagi niya akong binu-bully sa eskwelahan at madalas na ipinapahiya. Kaya naman hanggang sa matapos na kami ng high school ay hindi man lang kami nakapag-usap para magkaayos man lang.

Ilang hakbang lang ang layo ng bahay nila sa pinanggalingan kong tulay. Nagtaka ako nang makita si Aling Lita na nagwawalis pa rin sa labas kahit madilim na ang buong paligid. Alas-syete na kasi ng gabi.

"Aling Lita! Magandang gabi ho. Mukhang... ginabi na ho kayo ng pagwawalis, ah?" bati ko sa kaniya. Nag-angat naman siya ng tingin para ngitian ako ngunit pagkatapos no'n ay tumalikod na rin siya sa akin.

Saka ko lang napansin ang madilim nilang bahay. Tanging liwanag lang ng kandila ang nakikita ko mula sa nakabukas nilang bintana.

Naputulan yata sila ng kuryente.

Nang mapatapat ako sa may pintuan ng bahay nila, pasimple akong sumilip. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ang kabaong na nakapuwesto sa kanilang maliit na sala. Napalilibutan iyon ng mga kandilang tumatanglaw sa buong sala nila. Doon pala nanggagaling 'yong liwanag na nakikita ko kanina.

"Ah... Aling Lita, s-sino hong—"

"Ang bunso kong si Kelly. Binangungot siya noong isang araw," malungkot na sabi ng matanda. Hindi pa rin siya makatingin sa akin.

TAGALOG HORROR STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon