BAYAN NG MGA ENGKANTO

144 6 0
                                    

SINABAYAN ni Clara ang awiting tumutugtog sa minamaneho niyang kotse. Hindi niya alam kung saan siya pupunta. Basta’t ang alam niya ay gusto niyang makalayo sa mga magulang niyang wala nang ibang ginawa kundi ang magbangayan. Nakahanap siya ng kapayapaan sa pag-iisa habang binabagtas ang madilim na kalsada nang gabing ‘yon.

Ilang sandali pa’y nahagip ng ilaw ang nakasulat sa isang palatandaan sa gilid ng kalsada. Tatlong kilometro bago makarating sa siyudad ng Biringan.

Napakunot ang noo ni Clara. Parang hindi pa kasi niya naririnig ang tungkol sa Biringan. Nasaan na nga ba siya? Kanina pa siya nagmamaneho at tiyak na malayo na ang narating niya. Inihinto niya ang kotse at hinanap ang kaniyang telepono, ngunit hindi niya ito makita. Pinagpawisan siya nang malamig. Kung kanina’y balewala lamang sa kaniya kung saan siya mapunta, pero ngayon, hindi na niya maiwasang makaramdam ng kaba. Napatingin siya sa labas ng sasakyan. Ni isang sasakyan ay wala man lang dumaraan sa lugar na ‘yon, maliban sa kaniya.

“Diyos ko, nasaan na po ba ako?” gulong-gulo niyang tanong sa sarili.

Halos baliktarin na niya ang dalang bag ngunit wala pa rin doon ang kaniyang telepono. Dagdag pa na paubos na rin ang kaniyang gas. Mariin siyang napamura, dala ng matinding inis sa kaniyang sitwasyon. Gusto niyang bumaba ng sasakyan pero sa hindi malamang dahilan ay nakaramdam siya ng pagkapanglaw. Iyon bang pakiramdam na parang kanina pa may nagmamasid sa kaniya.

Makalipas ang ilang sandali, muntik na siyang mapatili nang bigla na lamang may kumatok sa kaniyang bintana. Isang babaeng sa tingin niya’y hindi nalalayo ang edad sa kaniya at may hawak na pang-ilaw. Dahil sa takot ay hindi niya ito pinagbabaan ng bintana. Hindi niya ito kilala at hindi rin niya alam kung saan ito galing. Bigla na lamang itong sumulpot doon at nangatok. Akmang pasisibarin na niya ang sasakyan nang muling kumatok ang babae. Sa pagkakataong iyon, mas mabilis ang katok nito—para bang may kung sinong humahabol dito.

Mariin niyang ipinikit ang mga mata bago ibinaba ang bintana.

“Bahala na.” Sa isip-isip niya.

Ngunit bago pa siya makapagsalita ay natataranta na siyang inunahan ng babae. Sa nanginginig na boses ay nagmamakaawa itong humingi ng tulong sa kaniya. May humahabol daw rito at kailangan nitong makaalis din agad sa lugar na iyon. 

Mukhang nahawa na rin si Clara sa takot ng babae kaya hindi na siya nag-atubili pang tulungan ang babae. At nang pasibarin na niya ang kotse habang sakay ito, tinanong niya kung saan nakatira ang babaeng kasama niya. Hindi naman niya inaasahan ang isinagot nito.

Sa Biringan.

Ang pangalan ng bayan na ‘yon ay tunay na nakapagbibigay ng kakaibang takot kay Clara.

“Teka, ano nga palang pangalan mo?” tanong ni Clara habang ang mga mata’y nakatuon pa rin sa kalsada.

Ngumiti ang babae bago sumagot. “Liwayway.”

Pinigilan ni Clara na matawa sa narinig na pangalan. Tunog makaluma kasi ang pangalan nito. Napansin naman nito ang kakaibang reaksyon niya kaya nagtanong ito kung katawa-tawa ba ang sinabi nitong pangalan. Dala ng pagkapahiya ay umiling na lang siya at pasimpleng humingi ng paumanhin sa babae.

Mayamaya pa, bigla na lamang huminto ang kotseng minamaneho ni Clara. Marahas siyang napabuga sa hangin nang mapagtantong naubusan na siya ng gas. Sinulyapan niya ang isa pang palatandaan sa gilid ng kalsada. Isang kilometro na lang at makakarating na sila sa Biringan, ngunit hindi pa sila nakaabot doon. Problemado siyang sumandal sa upuan. Paano na sila aalis sa lugar na ‘yon?

“Huwag kang mag-alala. Makakaalis din tayo rito,” sabi ni Liwayway sa kaniya.

Hindi naman niya ito pinansin dahil naghahalo-halo na ang mga naiisip niya.

TAGALOG HORROR STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon