KAMANDAG NG MAMBABARANG

101 1 0
                                    

BAWAL KOPYAHIN SA ANUMANG PARAAN. STOP PLAGIARISM!

TAON-TAON nagkakaroon ng reunion ang pamilya namin sa probinsya. Kahit gaano ka-busy ang lahat, kailangang maglaan ng ilang araw para muli kaming magkasama-sama sa bahay ng aming Lola Nadia. Tradisyon na ng pamilya namin ‘yon tuwing magpapasko. Si Lola Nadia, retiradong guro na kaya ang tanging libangan na lang niya sa bahay ay pangnggagantsilyo o kaya naman ay pananahi.

Dahil tinanghali ng gising ang mga pinsan kong sina Ella, Aljun, at Chie, pasado alas-dyes na ng umaga nang makaalis kami. May kalayuan pa naman ang byahe. Maingay kami sa loob ng sasakyan. Puno ng biruan, tawanan, at kantahan habang sinasabayan ang music na pinapatugtog ni Angelo. Pero mayamaya lang, unti-unti na ring naubos ang enerhiya ng bawat isa.

Liblib ang dadaanan papunta sa Barrio San Seban. Ito na kasi ang pinakasulok na parte ng bayan ng  San Rafael kaya hindi nakakapagtakang wala masyadong nagagawi sa baryo. Wala talagang makikitang mga bahay sa daan kundi mga nagtataasang mga puno at malalagong damo lang. Unang tingin pa lang, mararamdaman mo na agad na nasa probinsya ka. 

Sinulyapan ko ang kapatid kong si Angelo na nagmamaneho ng sinasakyan naming van. Sa haba ng byahe namin, halata na ang pagod sa kaniyang mukha dahil wala naman siyang kahalili sa pagmamaneho. Siya lang kasi ang marunong magmaneho sa amin. Maraming beses ko nang sinubukang magmaneho ngunit mukhang hindi yata talaga para sa akin ang bagay na ‘yon. Nakasira lang ako ng kotse ng pinsan ko dahil sa isang pagkakamali.

Mag-aalas-singko na ng hapon nang makarating kami sa baryo. Malapit na sana kami sa bahay ni Lola Nadia nang biglang nagpreno si Angelo.

“Gelo? Anong nangyari?” nag-aalala kong tanong. Bakas ang matinding takot sa mukha ng aking kapatid na hindi agad nagawang magsalita.

Nag-panic kaming lahat nang sabihin ni Angelo na may nasagasaan daw siya. Pagbaba namin ng sasakyan, tumambad ang isang batang lalaking nakahandusay sa kalsada.

Tutulungan na sana namin ‘yong bata nang biglang lumapit ang isang matandang babae na nakasuot ng itim na bestida. Halos hindi namin makita ang mukha nito dahil sa haba ng itim na itim nitong buhok. Itinulak ako ng matanda at sumadsad sa lupa. Kaagad namang dumalo si Angelo para makatayo ako. Ngunit ang buong atensyon ko ay naroon sa batang nasagasaan namin.

Ang nakakapagtaka, biglang bumangon ‘yong bata na parang walang nangyari. Wala itong sugat o kahit ano’ng natamo mula sa aksidente. Ngunit ang ina ng bata, nag-aapoy ang mga mata sa galit habang isa-isa kaming tinitingnan.

“Pagbabayaran ninyo ang ginawa n’yo sa anak ko!”

Dumura ang matanda sa lupa at galit na galit na tumitig kay Angelo. May kung ano pa itong ibinubulong na hindi na namin maintindihan. Kinilabutan ako sa klase ng tingin nito.

“Manang, pasensya na ho kayo. Hindi naman sinasadya ng kapatid ko. Kung gusto n’yo ho, dadalhin namin sa ospital ang anak ninyo para makasiguro,” sabi ko sa malumanay na boses.

Ngunit hindi pumayag ang matanda. Hinila nito ang anak at saka naglakad papalayo sa amin. Nasapo ko ang aking noo at problemadong sinulyapan si Angelo.

Pagdating namin sa bahay ni Lola Nadia, walang nagtangka sa amin na sabihin ang tungkol sa aksidente dahil tiyak na katakot-takot na sermon ang aabutin namin dito.

Nagkaroon ng salo-salo sa bahay ni Lola. Maraming pagkain ang nakahain. Mukhang sobra-sobra pa nga para sa amin. Nakipagkumustahan si Lola sa aking mga pinsan. Halos hindi ko naman magalaw ang mga pagkaing ibinigay sa akin dahil sa kaiisip sa nangyari kanina. Kung pumayag lang sana ‘yong matanda na ipagamot namin ‘yong bata, wala na sana kaming problema.

Makalipas ang ilang oras, napansin ko si Angelo na bigla na lang nanahimik sa isang sulok habang hawak ang kaniyang tiyan.

“Gelo, okay ka lang ba? Namumutla ka, ah,” tanong ko.

TAGALOG HORROR STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon