BAKASYON (Mga Alaga Ni Mang Dado)

125 2 0
                                    

BAKASYON (Mga Alaga Ni Mang Dado) | BUONG KUWENTO

This is exclusively written for Lady Pam YouTube channel. DO NOT PLAGIARIZE.

TUWING semana santa, umuuwi sina Kerwin sa probinsya ng Quezon para makasama ang kanilang Lola Milagrosa na sitenta’y anyos na. Ngunit dahil sa ilang bagay na kailangan pang ayusin sa kolehiyong pinapasukan ni Kerwin ay siya na lamang ang naiwan sa Maynila. Nauna nang bumiyahe ang mga magulang at dalawang kapatid ni Kerwin para magbakasyon. Nangako naman siyang susunod sa mga ito. Ang kaso, wala pa siyang lisensya para magmaneho kaya mapipilitan na lamang siya na mag-commute mula Maynila patungong Quezon Province.

Si Kerwin ang panganay sa kanilang tatlong magkakapatid. Si Keila naman ang sumunod sa kaniya na nag-iisang babae. Kinse anyos pa lang ito. Si Jordan naman ang bunso na sampung taong gulang pa lamang.

Pagkababa ng bus ay pumara naman si Kerwin ng sasakyang traysikel papasok sa looban, kung saan nakatira ang kaniyang Lola Milagrosa.

“Hijo, saan ka ba bababa?” tanong ng tricycle driver sa kaniya.

Bigla naman siyang napaisip. Iyon kasi ang unang beses na nag-commute siya papunta roon kaya hindi niya alam kung anong isasagot dito. Ang balak na lang sana niya ay papara na lamang kapag natanaw na ang bahay ng kaniyang lola.

“Ah, eh… Kung kilala n’yo po si Milagrosa Sandoval, doon po ang punta ko,” tanging sagot na lamang ni Kerwin.

Bahagyang natigilan ang drayber nang marinig ang pangalang binanggit niya. Nakakunot ang noong napatitig siya rito.

“Bakit po, Manong? May problema po ba?”

“S-Sigurado ka ba, hijo?” tanong pa nito na wari’y hindi makapaniwala sa isinagot niya rito.

“Opo. Bakit po?”

Ngunit umiling lamang ito at hindi na muli pang nagsalita. Makalipas lang ang ilang minuto ay nakarating na rin si Kerwin sa bahay ng lola niya. Agad siyang sinalubong ng kaniyang ina na noo’y nag-aasikaso sa hardin. Sabik nitong tinawag ang kaniyang abuela nang makita siyang papasok na sa bakuran.

Nagkukumahog namang lumabas si Milagrosa nang makita siya nito. Sa kabila ng katandaan, maliksi pa rin itong kumilos at tila hindi nakararanas ng rayuma o anumang pangangalay. ‘Di tulad ng ibang nasa ganoong edad na, hindi pa gaanong kulubot ang balat ng kaniyang Lola Milagrosa. Makinis pa rin ang maputi nitong balat na siyang nagpapabata sa itsura.

“Mano po, ‘La. Mukhang napabayaan na naman kayo sa kusina, ah?” biro niya rito nang yumakap sa kaniya ang abuela. Medyo nagkalaman din kasi ang matanda. ‘Di tulad noon na halos buto’t balat na ito sa sobrang payat ng katawan.

Tinawanan lang naman ito ni Milagrosa. Matapos ang maikling kumustahan ay iginiya na siya nito sa loob ng bahay.

“Si Lola talaga, oh. Masyadong pa-obvious na may paboritong apo,” pabirong sabi ni Jordan na abala sa paglalaro sa sala.

Wala kasing T.V roon. Tanging radyo lamang ang libangan sa bahay na ‘yon bukod sa mga babasahing libro na halos mapuno na ang book shelf na matatagpuan lang din sa malawak na sala at mga laruang para kay Jordan na lamang. Bagama’t may kalumaan na ang bahay ay maituturing pa rin itong isa sa mga magagandang bahay sa sitio. Bago pa kasi magsulputan ang mga bagong tayong bahay sa sitio ay nauna na ang bahay ng kanilang Lola Milagrosa na panahon pa ng kastila nang maipagawa.

“Grabe ka talaga mag-alaga ng bahay, ‘La. Mahihiya na lang ‘yong alikabok dito, oh,” aniya habang pinagmamasdan ang kabuuan ng bahay.

Ngunit habang nagmamasid, may isang napansin si Kerwin. Naroon pa rin sa dingding ang mga larawan nila noong bata pa, gayundin ang sa mga magulang nila’t sa kaniyang Lola Milagrosa ngunit ang ipinagtataka niya, wala na ang altar sa sala. Wala na rin siyang makita ni isang rebulto o imahe ni Hesus na naka-display doon.

TAGALOG HORROR STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon