MURANG BABOY SA KABILANG BARYO

106 1 0
                                    

MURANG BABOY SA KABILANG BARYO
(Exclusively written for Kwentong Enteng YouTube channel)

BAWAL KOPYAHIN SA ANUMANG PARAAN. NO TO PLAGIARISM!

“Toto! Nandyan ba si Pipoy?”

Napahinto ako sa pagbabayo ng nilagang kamoteng kahoy nang marinig ang boses ng kapitbahay naming si Mang Dario.

“Wala pa, Mang Dario. Nagtutuli pa do’n sa tabing ilog!” sagot ko sa kapitbahay namin. Madalas kasing may naghahanap kay Tatay sa bahay. ‘Yong iba, may patitingnan na sirang gamit, at ‘yong iba naman, nagpapagamot. Bukod kasi sa pagiging mekaniko ay isa ring manggagamot si Tatay. Hindi naman siya masasabing kabilang sa mga doktor kwak-kwak kung tawagin. May pinag-aralan naman si Tatay, kaso nga lang, hindi niya natapos ang kurso niya sa medisina dahil sa kahirapan sa buhay. Marami naman siyang napapagaling dahil mga legit na herbal talaga ‘yong ginagamit niya.

Bumalik naman ako sa pagbabayo ng gagawing nilupak nang umalis din kaagad si Mang Dario. Isa rin kasi ito sa negosyo ng pamilya namin. Puto, nilupak, biko, at suman. Maraming nagpapaluto sa amin lalo na kung may handaan. Pero bukod sa kakanin, isa rin sa malaking pinagkukunan namin ng gastusin sa bahay ang aming babuyan. Ilang araw na lang at nakahanda nang katayin ang tatlo sa mga iyon.

Habang nagbabayo ng kamoteng kahoy, natigilan ako nang mapansin ‘yong matandang babaeng nakatayo sa tapat ng bahay namin. Napakunot ang noo ko dahil nakatingin lang talaga siya sa bahay namin. Siguro’y hinahanap niya si Tatay.

“Lola! Ano pong atin?” tanong ko sa kaniya. Saka pa lang siya napalingon sa direksyon ko.

Ngumiti ‘yong matanda at lumabas naman ang nangingitim niyang mga ngipin. Hindi yata uso ang toothbrush kay Lola.

“Ang lulusog ng mga baboy n’yo,” nakangisi nitong sabi.

Napakunot ang noo ko. “Paano niya nalaman na may baboy kami?”

Iyong kulungan kasi ng baboy namin, nasa likod pa ng bahay namin. Isa pa, alaga naman sa linis ang kulungan kaya hindi iyon nangangamoy. Kinukuha kasi ng tiyuhin ko ‘yong mga naiipong dumi ng baboy para gawing pataba sa mga tanim niya sa bukid.

“Ahh... o-order po ba kayo? Magkakatay po kasi kami sa makalawa,” sabi ko na lang sa matanda.

Muli itong napangiti. “Oo. Dalawang inahing baboy, hijo. At saka, baka gusto n’yo ring mag-alaga ng native na baboy. Mura ko na lang ibibigay sa inyo.”

“Naku, wala pa ho kasi si Tatay. Hayaan n’yo ho at sasabihin ko na lang sa kaniya mamaya. Ah, ano nga hong pangalan n’yo? Ipade-deliver n’yo ba ‘yong baboy sa—”

“Hindi na, hijo. Kami na lang ang kukuha rito bukas.”

Magsasalita pa sana ako nang bigla na lang mawala ‘yong matanda. “Huh? Saan na napunta ‘yon?”

Lumabas pa ako ng bahay at nagpalinga-linga pero ni anino ng matanda ay hindi ko nakita.

Hapon na nang makauwi si Tatay at binanggit ko kaagad sa kaniya ang tungkol sa baboy na order kanina. Ipinahanda ni Tatay ang tatlong inahing baboy nang hapon ding iyon para kukunin na lang daw bukas.

Miyerkules ng umaga, dumating ‘yong matandang um-order ng dalawang inahing baboy kahapon. Nakasuot siya ng itim na salakot at halos hindi na namin makita ang kaniyang mukha. Sakay ito ng isang kulong-kulong o iyong motor na may side car na madalas ginagamit sa pangangalakal o sakayan ng mga alagang hayop na may katamtamang laki lamang tulad ng baboy at kambing. Isa pang nakaagaw-pansin sa akin ‘yong kasama niyang lalaki. Sa tantiya ko’y nasa trenta anyos na ang lalaking iyon. Marahil ay anak no'ng matanda.

TAGALOG HORROR STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon