ANG MAG-INANG NAKITULOY 1

103 0 0
                                    

ANG MAG-INANG NAKITULOY (Part 1/4)

This is exclusively written for LADY PAM YouTube channel. DO NOT PLAGIARIZE.

ITAGO na lang natin siya sa pangalang Danilo, isang aborsyonista sa Sitio Macalao. Bente-anyos pa lamang ay iyon na ang pinagkakakitaan ni Danilo na lumaki sa poder ng Lolang si Marcia na siyang nagturo sa kaniya ng gawaing iyon. Delikado at illegal ang pagpapalaglag ng bata, ngunit marami pa rin ang gumagawa nito. Minsan, dulot ng makasariling dahilan. Minsan naman, bunga ito ng isang masamang karanasan. Ngunit ano pa man ang dahilan, wala na itong halaga kay Danilo. Ang tanging pinagtutuunan niya ng pansin ang salaping ipagkakaloob ng mga ito sa kaniya, kapalit ng illegal niyang serbisyo.

Sa sampung taon bilang aborsyonista ay nasanay na si Danilo na hindi lilipas ang isang linggo na walang kakatok sa bahay niyang nakatago sa may kasukalan upang magpalaglag ng bata. Batid niya na maraming hindi sang-ayon sa kaniyang ginagawa. Ngunit katwiran niya, mga tao mismo ang lumalapit at naghahanap sa kaniya. Hindi naman niya iyon gagawin kung walang may gusto.

“Mang Danilo! Mang Danilo!” sigaw ni Onyok mula sa labas. Kaagad siyang lumapit sa pintuan upang pagbuksan ang anak ng kaniyang kapitbahay na si Onyok.

Si Onyok ang madalas na napagtatanungan kung saan matatagpuan ang bahay niya. Ito rin ang tagaturo ng lokasyon niya tuwing may mga bago siyang “pasyente.” Binibigyan na lamang niya ito ng barya bilang pakunswelo sa pagsama nito sa mga nagiging pasyente niya roon.

Kaagad namang binuksan ni Danilo ang pintuan. Siguradong may bago na naman siyang pasyente na dala ni Onyok. Marami na rin kasi ang dumadayo sa kanilang baryo para lang sa ganoon. Hindi na rin nagugulat si Danilo kung may napapadpad pa roon na mula sa ibang probinsya. Ang iba kasi ay sa malayo talaga naghahanap ng aborsyonista upang walang makaalam. Wala naman kasing tao ang maipagmamalaki ang ganoong gawain dahil batid ng lahat na isang malaking kasalanan ang kumitil ng buhay ng isang inosenteng sanggol na nasa sinapupunan pa lamang.

Wala namang nagtatangkang magsumbong sa mga pulis tungkol sa illegal niyang gawain dahil halos lahat ng mga kapitbahay niya ay siya rin ang tinatakbuhan sa oras ng kanilang pangangailangan. May ibang nangungutang sa kaniya ng pambili ng gamot o ‘di kaya naman ay pambili ng bigas. Maayos din naman ang pakikitungo niya sa mga ito at anumang sosobra sa kaniya’y ipinamamahagi niya sa mga kapitbahay niya roon. Tumatanaw lang ang mga ito ng utang na loob sa kaniya. Bagay na kahit papaano ay kaniya ring ipinagpapasalamat.

“Mang Danilo, may naghahanap po sa inyo. Alam n’yo na ho,” wika ng binatilyo. Bakas sa mukha nito ang saya dahil alam nitong kikita na naman ito sa kaniya.

Mula sa likuran ni Onyok ay tumambad ang isang babae na sa tantiya niya’y hindi pa lalampas ng bente anyos. May kasama itong lalaki. Matangkad at matikas rin. Marahil ay nobyo nito. Ngunit hindi na niya inaalam pa ang mga bagay na ‘yon. Wala namang halaga iyon sa kaniya. Mahalaga’y wala siyang magiging problema sa pagpunta ng mga ito roon at sa ibabayad sa serbisyo niya.

“Pasok kayo,” aniya sa magkasintahan.

“Ilang buwan na ang ipinagbubuntis mo, hija?” tanong niya sa babae.

Napayuko naman ito at hindi agad nakasagot. Wari’y nahihiya sa pagpunta roon. Sumingit sa usapan ang kasama nitong lalaki na siyang sumagot para sa dalaga.

“T-Tatlong buwan po, Manong,” nauutal pa nitong sabi. Bakas sa mukha nito ang kaba at pag-aalangan sa gagawin.

Napakunot ang noo ni Danilo. Marami na siyang naka-engkwentrong ganoon ngunit sa pagkakataong iyon, hindi niya maiwasang mahabag sa dalagang nanginginig ang kamay habang nakayuko pa rin. Marahil ay labag sa kalooban nito ang gagawing pagpapalaglag sa bata. Ngunit sa nakikita niya sa kasama nitong lalaki, mukhang hindi pa ito handa sa responsibilidad bilang ama. Bagay na hindi na rin bago sa kaniya. Halos lahat naman ng nagtutungo sa kaniya’y iyon ang katwiran.

TAGALOG HORROR STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon