ASWANG ANG NAKUHA P2

80 1 0
                                    

ASWANG ANG NAKUHA

This is exclusively written for Lady Pam YouTube channel. DO NOT PLAGIARIZE.

Final Part

HANGGANG sa isang gabi, tanging si Mike at ang tiyahin niyang si Elsa lamang ang naiwan sa bahay. Nagpaalam kasi noon ang kanilang kasambahay upang umuwi ng probinsya dahil namatayan daw ito ng kaanak. Ang Tiyo Leandro naman niya ay may binisitang kaibigan sa kabilang bayan at doon na rin balak magpalipas ng gabi. Baka raw kasi mapainom ito roon at hindi na makapagmaneho pauwi.

Dahil wala rin namang lakad si Mike, nangako siya na babantayan ang tiyahin niyang limang buwan nang buntis. Nasa sala sila nang oras na iyon habang nakikinig ng programa sa radyo. Iyon kasi ang madalas nilang pampalipas oras at pampaantok na rin. Hanggang sa hindi na namalayan ni Mike na nakaidlip na pala siya sa upuan habang nakikinig.

Bandang alas-diyes ng gabi na nang maalimpungatan si Mike. Pagdilat ng kaniyang mga mata, nakita niya ang kaniyang Tiya Elsa na hawak ang tiyan habang nakapikit na wari’y may dinaramdam.

“Tsang Elsa, ayos lang po ba kayo?”

Napangiwi ito sa tindi ng kirot na sumigid sa tiyan. Hindi naman malaman ni Mike ang gagawin nang oras na ‘yon.

Hanggang sa maalala ni Mike ang asawa ng isa sa mga tagapag-alaga sa babuyan, si Aling Karing na dating kumadrona at may kaalaman din sa panggagamot. Agad niyang kinuha ang radyo para sabihan ang asawa nitong si Mando.

Ilang sandali pa ay dumating na rin naman kaagad ang matanda. Bitbit nito ang maliit na bayong na naglalaman ng mga gamit nito sa panggagamot. Inalalayan nila si Elsa sa paghiga sa pahabang upuan upang masuri ang kalagayan nito.

Paglapat pa lamang ng kamay ni Aling Karing sa tiyan ni Elsa ay agad itong natigilan. Nagpalinga-linga ito sa paligid, hanggang sa dumako ang tingin nito sa may bintana.

Nagulat ang lahat nang bigla na lamang mapasigaw si Aling Karing. Inutusan nito ang asawang si Mando na kumuha ng asin sa kusina. Agad naman itong kumilos.

Pagbalik ni Mando ay dala na nito ang garapong puno ng asin. Hindi na ito nag-aksaya pa ng panahon. Isinaboy nito ang asin sa bintana, kung saan kitang-kita ni Mike ang kakaibang nilalang na nakadungaw roon. Isang tila malaking paniki na nakikilabot ang itsura. Ang ulo nito ay sinlaki ng ulo ng isang aso, namumula ang mga mata, at tumutulo ang malapot na likido mula sa bibig nito na tila takam na takam na sa nakikita. Pagkasaboy ng asin ay isinarado ni Mando ang bintana. Nanigas noon sa kinatatayuan si Mike at hindi agad nakabawi sa nangyari.

Sunod-sunod na kalampag sa bintana ang kanilang narinig na tila ba pilit iyong binubuksan. At kasabay ng malakas na kalampag ay ang pagsigaw ng tiyahin ni Mike. Dahil sa nangyari’y agad nang sinimulan ni Aling Karing ang orasyon upang maitaboy ang nakakikilabot na nilalang sa labas ng bahay.

Nang hindi pa rin iyon matinag, nagpasama kay Mike si Mang Mando upang kumuha ng lumang gulong para sigaan sa labas ng bahay. Bukod kasi sa usok ng sinunog na dahon ng kalamansi, mabisa ring pantaboy sa aswang ang amoy ng nasusunog na goma. Sakto namang may nakatambak na gulong sa likod ng bahay.

Abot-abot ang kaba ni Mike habang tinutulungan si Mando. Panay ang paglinga niya sa paligid, sa takot na bigla na lamang sumulpot sa harapan ang aswang na nais biktimahin ang kaniyang tiyahin. Binuhusan ni Mando ng gas ang tatlong gulong at saka iyon sinindihan. Agad na lumagablab ang apoy, at makalipas lang ang ilang sandali’y sumimoy na sa paligid ang amoy ng nasusunog na goma.

Dali-dali silang bumalik sa loob ng bahay upang daluhan si Aling Karing na patuloy pa rin sa ginagawang orasyon upang maisalba pa ang sanggol sa sinapupunan ni Elsa. Ilang minuto rin ang ginugol nito hanggang sa tuluyan nang huminto ang pagkirot ng tiyan ng tiyahin ni Mike. Butil-butil ang pawis nito matapos ang orasyon. Nawala na rin ang ingay na naririnig nila mula sa labas. Tiyak na tagumpay nilang naitaboy ang aswang na umaaligid doon.

TAGALOG HORROR STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon