ANG MAG-INANG NAKITULOY 2

70 0 0
                                    

ANG MAG-INANG NAKITULOY (Part 2/4)

This is exclusively written for LADY PAM YouTube channel. DO NOT PLAGIARIZE.

Namumutlang napaupo sa sofa si Danilo habang sapo ang kaniyang ulo. Isinandal niya ang ulo roon para sana matulog nang muli na naman siyang makarinig ng mahinang iyak ng sanggol. Mariin niyang ipinikit ang mga mata.

“Hindi. Hindi kayo totoo! Tigilan n’yo na ako!” sigaw niya ngunit sadyang hindi nawawala ang ingay na iyon mula sa mga iyak ng sanggol.

Dumako ang tingin niya sa bintanang noon ay bahagya nang nakabukas. Sumimoy ang malamig na hangin at tinangay ang kurtinang nakatabing doon.

Nanlaki ang mga mata ni Danilo nang tila may maaninaw na imahe roon ng isang babaeng may kalong na sanggol. Marahil ay doon niya naririnig ang iyak na kanina pa bumabagabag sa kaniya. Napakurap-kurap siya sa pag-aakalang guni-guni lamang ang nakikita, ngunit sa muli niyang pagdilat ay naroon pa rin ang babae. Kinusot niya ang mga mata. Nang hindi pa rin mawala roon ang babae ay napatayo na sa kinauupuan si Danilo upang lapitan ang nakabukas na bintana.

Mula roon ay mas malinaw niyang nakikita sa labas ng bahay ang isang babaeng sa tantiya niya’y nasa bente singko anyos na at may kalong na sanggol. Mas lalong lumakas ang palahaw ng sanggol nang sunod-sunod na kumulog at gumuhit pa ang kidlat sa kalangitan dahil sa nagbabadyang ulan.

“A-Ah, miss? Anong ginagawa n’yo riyan? May kailangan ba kayo?” tanong niya sa babae.

“Manong, pasensya na ho sa abala! Kung hindi ho sana nakakahiya, maaari ho bang makituloy muna kami ng anak ko? Baka kasi abutan na kami ng ulan dito sa labas,” wika ng babae sa malumanay na tinig.

Bigla namang nakaramdam ng habag si Danilo sa mag-ina. Kaya kahit hindi pa niya alam kung saan galing ang mag-inang iyon ay malugod niyang pinatulong sa kaniyang tahanan.

“Gabing-gabi na, ah. Saan ba kayo galing, miss?”

Malungkot na tumingin sa kaniya ang babae. Saka lamang niya napansin ang halos gula-gulanit na nitong suot. Ganoon din ang sanggol na mukha na ring gusgusin sa maruming damit na suot nito.

“Pasensya na po sa abala, Manong. G-Galing pa po kami sa kabilang bayan. Pinalayas kasi kami sa aming tinitirahan. Halos buong araw na po kaming naghahanap ng pansamantalang matutuluyan.”

Kuwento pa ng babae, ilang bahay na raw ang hiningan nito ng tulong ngunit ni isa’y walang nagmagandang loob na magpatuloy. Gustuhin man daw nitong mangupahan na lamang pero wala na rin ito ni isang kusing. Bakas sa tinig ng babae ang kawalan ng pag-asa. Nanginginig na rin ang mga kamay nito, dala na rin marahil ng lamig at gutom.

Tuluyan nang nawala ang kalasingan ni Danilo. Nagtungo siya sa kusina upang initin ang ulam na tira pa niya sa tanghali upang pakainin ang babae.

“Pasensya ka na’t ito na lang ang meron dito. Hindi na kasi ako dito naghapunan,” nahihiya pa niyang sabi rito.

Bagama’t may anak na’y hindi maitatanggi ni Danilo ang munting paghanga sa kagandahan ng babaeng bisita niya roon. Maputi ito at makinis. Mukhang naaalagaan pa rin ang sarili sa kabila ng pagiging salat.

Habang kumakain ang babae ay mataman naman niya itong pinagmamasdan. Naroon ang matinding pagkasabik sa bawat subo nito na wari’y ilang araw nang hindi kumakain. Sa tingin pa ni Danilo ay kukulangin ang kaniyang inihain sa hapag.

“Kung hindi mo mamasamain, ah, pwede bang magtanong?” aniya sa babae.

Mabilis naman itong tumango habang patuloy lamang sa pagnguya.

“Anong pangalan mo? At saka… nasaan ang asawa mo? Bakit hinayaan kayong mapalayas sa tinitinirahan n’yo? Masyado kasing delikado. Lalo na’t inaabot pa kayo ng gabi sa daan.”

Ayon sa babaeng bisita ni Danilo, Emma ang pangalan nito. Biyuda na raw ito dahil namatay ang asawa nito habang nangingisda sa laot. Mula raw noon ay wala na itong maibayad sa renta kaya napalayas ito sa inuupahang bahay, kasama ang anak na ilang buwan pa lamang mula nang ipanganak nito.

Hindi mawari ni Danilo kung bakit tila napakagaan ng loob niya kay Emma. Hinayaan niya itong magpalipas ng gabi sa kaniyang tahanan para sa gabing iyon. Inialok niya ang kaniyang silid, samantalang siya naman ay pinagkasya na lamang ang sarili sa mahabang upuan sa maliit niyang sala.

Habang mahimbing ang tulog ni Danilo, wala siyang kamuwang-muwang sa kakatwang katauhan ng kaniyang mga bisita nang gabing iyon.

Kinabukasan, naalimpungatan si Danilo nang maramdaman ang sikat ng araw na tumatama sa kaniyang mukha mula sa nakabukas na bintana. Sinapo niya ang ulo at pilit na inalala ang nangyari. Nagpalinga-linga siya sa paligid. Nagtaka siya nang mapagtantong doon siya natulog sa sala. At ang bintana, nakalimutan pa niyang isara.

Muntik nang mapasigaw si Danilo nang mula sa kaniyang silid ay lumabas ang isang magandang babae na may kalong na sanggol.

“Anak ng tupa! S-Sino ka?!” Ngunit bago pa man nito masagot ang tanong niya ay unti-unting bumalik sa isipan niya ang nangyari bago siya makatulog.

Nasapo niya ang noo at nahihiyang ibinalik ang tingin sa babae. “Pasensya ka na, Emma. Ah, sandali. Maghahanda lang ako ng almusal.”

Natatarantang nagtungo sa kusina si Danilo para magluto ng almusal, ngunit nagtaka siya nang makitang may luto nang pagkain doon. May nakahain nang pritong itlog at bagong saing na kanin.

Humingi ng paumanhin sa kaniya si Emma sa pakikialam nito sa kusina niya. Ngunit ipinilit naman niyang siya dapat ang mahiya rito dahil sa halip na siya ang mag-asikaso sa bisita ay kabaliktaran pa ang nangyari.

Habang nag-aalmusal, nagkaroon ng pagkakataon si Danilo na mas kilalanin pa si Emma. Marami siyang naitanong dito na direkta naman nitong sinasagot, dahilan upang unti-unting mawala ang pagdududa niya sa babae. Sa itsura nito’y mukhang nangangailangan nga ito ng matitirahan. Dahil doon ay may nabuong desisyon si Danilo.

“Kung gusto mo, e, dito na muna kayo tumuloy hangga’t wala ka pang nahahanap na malilipatan ninyong mag-ina. Mag-isa ko lang namang nakatira dito. Pero minsan, may mga dumarating akong pasyente.”

Gaya ng inaasahan ay hindi napigilan ni Emma na usisain si Danilo tungkol sa pasyenteng tinutukoy. Kaya naman napilitan na siyang ipaliwanag dito ang kaniyang ginagawa. Buong akala niya ay madidismaya si Emma sa mga nalaman nito tungkol sa kaniya ngunit napansin niya ang kakaibang kislap sa mga mata nito tuwing nababanggit niya ang katagang “bagong silang na sanggol.”

TO BE CONTINUED...

TAGALOG HORROR STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon