GALING SA LAMAY 3

76 0 0
                                    

GALING SA LAMAY (Part 3/4)

THIS IS EXCLUSIVELY WRITTEN FOR LADY PAM YOUTUBE CHANNEL. DO NOT PLAGIARIZE.

Kinabukasan, habang nagbibisikleta si Toto, napakunot ang kaniyang noo nang mapadaan sa bahay ni Mang Jun. Marami kasing taong nagkukumpulan doon. Dala ng kuryosidad, huminto siya upang tingnan kung ano ang nangyayari sa bahay nito.

Sakto namang lumabas doon sa bakuran ang kababata niyang si Lunio.

“Uy, tol, anong nangyayari dyan? Bakit parang nagkakagulo?”

“Ah, si Mang Jun, natagpuang patay. Mukhang matindi ang galit ng gumawa no’n sa kaniya. Sinakal ng daw ng lubid. Kung gusto mo, pumasok ka para makita mo,” sagot naman nito.

Ayaw na sanang tingnan iyon ni Toto, ngunit tila may nag-uudyok sa kaniya na pumasok sa bahay ni Mang Jun.

“Pano, bahala ka na dyan, ah. Uwi na ko, tol!” paalam ni Lunio sa kaniya. Tinanguhan lang naman niya ang kababata.

Nakiraan siya sa mga taong nakikiusyoso rin sa nangyari. At nang makapasok doon, nanlamig ang buong katawan ni Toto nang makita ang noo’y malamig nang bangkay ni Mang Jun sa mismong sala ng bahay nito. Nakabulagta ang katawan sa sementong sahig. May mga galos sa iba’t ibang parte ng katawan nito at sa bandang leeg, kitang-kita ang maitim na bakas ng lubid na ginamit sa pagsakal nito na naging sanhi ng pagkamatay.

Umihip ang malamig na hangin. Kinilabutan si Toto nang dumako ang tingin niya sa may bintana ng bahay ni Mang Jun. Sa ‘di kalayuan, nakita niya si Aling Igna na nakangisi habang nakatanaw sa kinaroroonan niya.

Kumurap-kurap siya sa pag-aakalang guni-guni lamang iyon ngunit naroon pa rin ang matandang may nakikilabot na itsura. Pinagpawisan nang malapot si Toto at nagmamadaling nilisan ang bahay ni Mang Jun.

“Ano ba ‘tong nangyayari sa ‘kin? Bakit palagi ko siyang nakikita? Patay na si Aling Igna,” aniya sa sarili habang tumitipa sa kaniyang bisikleta.

Ilang sandali pa, natanaw na rin ang bahay nila. Nang makarating siya roon, narinig naman niya ang kaniyang amang si Mang Tado na kasama ang ninong niyang si Benjo.

“Nong, nandito po pala kayo,” bati niya rito at saka nagmano. Tinanguhan naman niya ang kaniyang itay bilang paggalang.

“Dito lang po ako sa labas, ‘tay,” paalam niya rito kahit ang totoo’y may iba pa siyang sadya roon.

Ngunit habang patungo siya sa likod ng bahay, narinig pa niya ang pinag-uusapan ng dalawa. 

“Kawawa naman si Jun, pare. Nakakagulat ang pagkamatay niya. Aba, e, mas malakas pa sa kalabaw ang isang ‘yon. At sa tapang ni Jun e parang imposible naman na magpapatiwakal siya. Wala sa itsura niya na mayroon siyang dinadalang malaking problema para gawin ‘yon sa sarili niya,” wika ni Benjo.

“Iyon nga rin ang ipinagtataka ko. Hindi kaya may nakagalit siya?” tanong ng kaniyang ama.

“Naku, ‘yan ang hindi ko alam, pare. Mabait naman ‘yang si Jun. Medyo may kalokohan lang pero hindi naman siguro sapat na dahilan ‘yon para patayin siya. Alam mo, may iniisip ako, e. Hindi lang ako sigurado. Baka kasi may kinalaman si Aling Igna.”

Dinig niya ang bahagyang pagtawa ng kaniyang ama sa sinabi ni Benjo.

“Ano? Si Aling Igna? Sus, pambihira ka naman, pare, e patay na nga ‘yong matanda. Ano pang magagawa no’n kay Jun?”

Humina ang boses ni Benjo nang may muli pa itong sabihin sa kaniyang ama. Mataman niya itong pinakinggan.

“Pare, hindi ba’t may pamahiin na bawal mag-uwi ng kahit anong galing sa lamay? Ito kasi si Pareng Jun, dumekwat ng pagkain para sa mga nakikipaglamay. Aba e tawang-tawa pa noong ikinukuwento sa amin.”

Doon natahimik ang kaniyang ama. Alam niyang naniniwala ito sa mga ganoong pamahiin kaya panay ang bilin nito sa kanilang mag-ina na madalas naroon sa lamay. Tuwing aalis sila ay palagi nitong sinasabing huwag mag-uuwi ng kahit ano galing sa lamay. Bilin din nito na huwag silang diretsong uuwi sa bahay kaya bago talaga sila umuwi’y dumaraan muna sila sa maliit na kapilya sa kanilang baryo. Ngunit sa huling gabi ng burol, hindi na rin nagawa pang magpagpag ni Toto dahil sa takot nang makita niya ang itsura ng naaagnas na bangkay ni Aling Igna.

Dali-dali siyang gumapang sa silong ng bahay at hinukay ang bahagi, kung saan niya ibinaon ang alahas. Tila nabunutan siya ng tinik nang makitang naroon pa iyon. Walang labis, walang kulang.

Hinintay niyang sumapit ang hapon. Iyong medyo madilim-dilim na upang walang makapansin sa kaniya sa gagawing pagpasok sa bahay ni Aling Igna. Ibabalik niya ang kinuhang alahas, sa pangamba na baka siya na ang isunod ng matanda.

Ngunit pagpasok pa lamang niya ng bakuran ni Aling Igna ay naramdaman na kaagad niya ang kakaibang hangin na nagmumula roon. Mabigat sa pakiramdam. At halos hindi niya maihakbang ang mga paa. Wari’y may pumipigil na magpunta pa siya roon. Ngunit buo na rin ang kaniyang desisyon na ibalik ang ninakaw na alahas.

Nang masigurong walang makakakita sa kaniya, maingat niyang binuksan ang bintana ng silid ni Aling Igna, kung saan sila noon dumaan ni Kalo nang kunin ang mga alahas na laman ng baul. Nang makapasok siya sa silid, nakita pa rin niya roon ang mga gamit ng matanda. Sa pagkakataong ‘yon ay alam na niyang kahit magpakalat-kalat ang mga gamit doon ay wala ni isang magtatangkang kumuha.

Hinanap niya ang itim na baul. Una niya itong tiningnan sa ilalim ng katre ngunit wala na ito roon. Hinalungkat niya ang mga kabinet at mga kahong pinaglalagyan ng mga damit ng matandang mambabarang. Ngunit bigo pa rin si Toto na makita ang baul.

“Saan kaya itinabi ‘yon?”

Hanggang sa dumako ang tingin niya sa ilalim ng mababang mesa na pinaglalagyan ng mga gamit ni Aling Igna sa pambabarang. Nakapatong doon ang mga garapon na may nakakulong na buhay pang mga insekto. Ang iba naman ay langis, at tubig na nangingitim na dahil sa nakababad doon.

Hinila niya ang nakatakip na tela. Lumiwanag ang mukha ni Toto nang makita ang baul na hinahanap niya.

“Sa wakas, nakita rin kita,” aniya sa sarili.

Akmang isasara na niya ang baul nang bigla siyang makarinig ng kaluskos sa ‘di kalayuan. Sinundan pa ito ng magkakasunod na pag-alulong ng aso mula kina Aling Bebang na ilang metro lamang ang layo ng kinatitirikan ng bahay mula sa bahay ni Aling Igna.

Dali-dali niyang ibinalik sa ilalim ng mesa ang baul at muling tinakpan ng tela. Ngunit sa pagtayo niya ay nasagi niya ang isang garapon na pinaglalagyan ng mga buhay na ipis. Natatarantang tumalon sa bintana si Toto at sinigurong maayos na nakasara ang bintana bago iyon iwanan upang walang makaalam na may nakapasok doon.

To be continued...

TAGALOG HORROR STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon