ANG MAG-INANG NAKITULOY (Part 3/4)
This is exclusively written for LADY PAM YouTube channel. DO NOT PLAGIARIZE.
Malaki ang pasasalamat ni Emma sa pagpapatuloy ni Danilo roon kahit pansamantala lamang. Hindi naman siya nagsisi dahil nakikita niyang masipag ang babae. Para kay Danilo, hindi rin mahirap para sa kaniya na magustuhan ang isang babaeng tulad ni Emma. Maganda ito, masipag, at marunong makisama. Sa ilang araw na nakakasama niya ang babae sa ilalim ng iisang bubong ay mas lalo silang napalapit sa isa’t isa.
Magtatanghalian na nang makaalis ang unang pasyente ni Danilo para sa linggong iyon. Napakunot ang kaniyang noo nang mapansin si Emma na halos mabali ang leeg sa kakahabol ng tingin sa papalayong babae.
“May problema ba, Emma?” tanong niya sa babae na halatang ikinagulat nito.
Naging mailap ang mga mata ni Emma at mabilis na umiwas ng tingin. Nagdahilan na lamang ito na babalikan ang nakasalang na sinaing sa kusina.
Naiwan ang mag-ina sa bahay ni Danilo habang siya ay nakikipag-inuman kina Jeffrey at Openg. Kauupo pa lamang niya roon ay inusisa na kaagad siya ng mga ito.
“Pare, sigurado ka ba d’yan sa pinapatuloy mo sa bahay mo? Aba, e, mahirap nang basta-basta na lamang magtiwala ngayon. Paano kung may masamang balak ‘yan sa ‘yo?” wika ni Jeffrey.
Kinontra naman ito ni Openg na siya ring numero unong palikero sa kanilang magkakaibigan. “Ano ba naman kayo? Palay na ang lumalapit sa manok, oh. At saka wala namang masama. Binata pa naman itong si Pareng Danilo. Malay natin, ‘di ba?”
Natatawa na lamang habang napapailing si Danilo sa sinabi ng mga ito. “Pansamantala lang naman silang makikituloy sa bahay. Sa ngayon kasi e wala pa silang nahahanap na malilipatan.”
Napakamot sa ulo si Jeffrey. “Naku, sinasabi ko sa’yo, pare. Problema lang ang hatid n’yan sa’yo. Tingnan mo nga, naging instant tatay ka pa ng anak no’ng Emma na ‘yon.”
Upang hindi na humaba pa iyon ay iniligaw na lamang ni Danilo ang usapan. Ngunit bago matapos ang gabing iyon, nagpumilit itong si Openg na makipagkilala sa kaniyang bisita. Hindi naman siya rito makatanggi kaya sinabihan niyang magtungo na lamang doon kinabukasan.
Bandang hapon na nang dumating si Openg. Dahil sa pagiging palikero’y isinakripisyo nito ang isang araw ng trabaho para lamang makita si Emma.
Ipinakilala niya si Openg dito at hinayaan munang magkausap ang dalawa. May kukunin si Danilo sa kaniyang silid kaya pumasok muna siya roon. Akmang bubuksan na niya ang tukador nang mapansing bakante ang katreng pinag-iwanan ni Emma sa anak nito.
“Nasaan ‘yon?” aniya sa sarili bago inilibot ang tingin sa loob ng kaniyang silid. Hanggang sa huminto ang kaniyang mga mata sa sulok na natatakpan ng pinagpatong-patong na kahon.
Natigilan si Danilo nang makarinig ng kaluskos. Pinakinggan niya nang mabuti ang ingay na nagmumula sa likod ng mga kahon na wari’y may ngumangasab mula roon.
At nang silipin ni Danilo ang likod ng mga kahon, ganoon na lamang ang pagkagimbal niya nang makita ang sanggol na anak ni Emma na prenteng nakaupo sa sahig habang kagat-kagat ang isang maliit na daga. Halos bumaliktad ang sikmura ni Danilo nang manuot sa ilong niya ang malansang amoy ng patak ng dugo sa sahig.
“Pambihira ka namang bata ka! Hindi pagkain ‘yan!” aniya habang pilit na inaalis sa bibig ng sanggol ang bubwit na isinubo nito.
Ngunit nagulat si Danilo nang kahit ano’ng gawin niyang paghila sa bubwit ay tila ayaw itong pakawalan ng sanggol. Matiim itong nakatitig sa kaniya na tila nagbibigay ng babala.
Nabitawan ito ni Danilo nang maramdaman niya ang kakaibang lakas ng sanggol.
“Susmaryosep! Ano’ng meron sa’yong bata ka?” hindi makapaniwalang sambit ni Danilo.
Lumabas siya ng silid upang tawagin si Emma, ngunit naabutan niya itong masayang nakikipagtawanan kay Openg kaya nagdalawang isip siya na abalahin ito sa pakikipag-usap. Pinagpawisan nang malapot si Danilo.
Sa huli ay nagpasya na lamang siyang bumalik sa silid upang asikasuhin ang anak ni Emma ngunit pagpasok niya roon, muli siyang natigilan nang makita ang sanggol na payapa nang natutulog sa katreng hinihigaan nito. Inilibot niya ang tingin sa buong silid. Binalikan niya ang sulok, kung saan niya ito nakita kani-kanina lamang, ngunit ni katiting na bakas ng dugo ay wala na siyang naabutan.
Napakurap nang ilang beses si Danilo habang maang na nakatitig sa sanggol.
“Paano nangyari ‘yon?” naguguluhan niyang tanong sa sarili.
Mariin niyang ipinikit ang mga mata at ipinilig ang ulo, sa pag-aakalang guni-guni lamang iyon. Naiiling na kinuha niya ang kailangan doon at tahimik na lamang na lumabas ng silid.
Pagsapit ng sabado, isa na namang buntis ang dumating sa bahay ni Danilo upang magpalaglag ng bata sa sinapupunan nito. Ngunit sa pagkakataong iyon, tila may mabigat na nakadagan sa dibdib ni Danilo habang pinatutuloy ang babae. Hindi niya mawari kung bakit tila nagdadalawang isip na siyang gawin iyon.
Matapos ang isinagawang aborsyon, nagpresinta si Emma na ito na lamang ang maglilibing sa sanggol nang sa gayon ay may maitulong naman daw ito sa kaniya kahit papaano. Bagama’t nag-aalinlangan ay hinayaan na lamang ito ni Danilo. Itinuro na lamang niya rito ang gagawin pagdating doon sa kasukalan.
Habang nakaupo sa sofa at nakatitig sa kawalan, muli na namang pumasok sa kaniyang isipan na itigil na ang ganoong gawain. Hindi mawala sa isip niya ang mga naririnig na iyak ng sanggol sa kaniyang panaginip. At ang mga guni-guning patuloy na bumabagabag sa kaniya.
Isang hatinggabi, pinagpawisan nang malamig si Danilo nang bumangon siya mula sa mahabang upuan na nagsisilbing tulugan niya sa sala nang magising mula sa isang masamang panaginip. Kinapa niya ang leeg habang malakas pa rin ang kabog ng dibdib nang maisip ang dalawang sanggol sa kaniyang panaginip, kung saan mahigpit na sinasakal ng mga ito ang kaniyang leeg.
Tuluyan na siyang bumangon para sana uminom ng tubig nang mapansin niyang nakabukas ang bintana.
Napakunot ang noo ni Danilo. Hindi iyon ang unang beses na naabutan niyang nakabukas ang bintana ng bahay niya. Noong una, akala niya’y nakakalimutan lang niyang isara iyon. Pero ngayong ilang beses na iyong nangyayari, hindi niya maiwasang magtaka, at sa kung anong dahilan ay bigla siyang nakaramdam ng kaba. Nang lapitan niya ang bintana, maluwang ang pagkakabukas niyon na tila sinadya talaga itong buksan.
Hanggang sa mapansin niya ang madulas na likido sa pasimano ng bintana. Dinama niya ito ng kamay, ngunit halos bumaliktad na ang kaniyang sikmura sa masangsang nitong amoy. Para itong langis na amoy patay na hayop.
Nakangiwi siyang naghugas ng kamay. Mula sa kusina ay madaraanan niya ang kaniyang silid na noo’y tinutulugan nina Emma. Lalampasan na sana niya iyon ngunit saka lamang niya napansin na nakabukas ang pinto.
“Pambihira naman ‘to si Emma. Mahimbing na ang tulog pero hindi man lang nagsasara ng pinto,” aniya sa sarili. Hihilahin na sana niya ito pasara nang mahagip ng paningin niya ang bakanteng katre doon.
Maayos na nakalatag ang banig, ngunit wala ni katiting na bakas na may natutulog doon. Dala ng kuryosidad ay pumasok na siya sa silid upang hanapin sina Emma at ang anak nito ngunit nalibot na niya ng tingin ang apat na sulok nito’y wala pa rin ang mag-ina.
“Saan naman kaya sila pupunta?”
Lumabas siya at ilang beses pang tinawag ang pangalan ng babae ngunit bigo siyang makita si Emma, gayundin ang anak nitong sanggol pa lamang. Puno ng pagtatakang napaupo na lamang si Danilo at malalim na nag-isip kung saan nagpunta ang kaniyang mga bisita. Iniisip niya kung babalik pa ba ang mga ito o tuluyan nang umalis doon nang hindi man lang ipinaalam sa kaniya.
Hindi namalayan ni Danilo na nakatulugan na lamang niya ang pag-iisip tungkol doon.
TO BE CONTINUED...
BINABASA MO ANG
TAGALOG HORROR STORIES
HorrorCompilation ito ng mga maiikling kuwentong nasulat ko. Ang iba rito ay true stories, at ang iba naman ay fiction.