LOLO AT LOLA NI UNYOK

167 6 0
                                    

Tawagin n’yo na lang akong Rigor. Hanapbuhay ko ang pag-uuling sa bundok kasama sina Nanay at Tatay. Hindi ako nakapag-aral dahil noong panahon namin, hindi pa talaga priority ang aming magulang na pag-aralin kami. Ang mahalaga sa kanila ay may maihain kaming pagkain sa mesa. Kadalasan kasi, isa o dalawang beses na lang kaming kumakain sa isang araw. Isa pa, sa lugar namin, espesyal na ang isang latang sardinas. Madalas, puro gulay ang ulam o ‘di kaya naman ay mga palakang-bukid na pwede namang ihawin o gawing adobo. Masarap nga rin kung ipiprito.

Nang hapong ‘yon, nagkayayaan kaming manghuli ng palakang bukid. Ngunit bago ‘yon, nagbungkal muna kami ng lupa malapit sa daluyan ng tubig mula sa lababo namin sa likod ng bahay. Mas marami kasing bulate doon. Halos kalahating oras din kaming nanghuhuli ng bulate kaya medyo madilim-dilim na nang pumunta kami sa may palayan ni Mang Adong. Pinapayagan naman niya kaming manghuli ng palakang bukid doon. At bilang pasasalamat, inaabutan din namin si Mang Adong ng parte sa nahuli namin.

Binaybay namin ang masukal na daanan papunta sa palayan, dala ang sulong sisindihan na lang namin kapag tuluyan nang dumilim. Hinanda namin ang mga pain at inilagay sa pamingwit na dala namin para simulan na ang panghuhuli. Wala pang isang minuto, gumalaw na ‘yong hawak kong pamingwit, hudyat na mayroon nang kumagat sa pain. Nagsunod-sunod na ang huli namin ni Teban hanggang sa halos mapuno na ‘yong dala naming lambat.

Madilim na din talaga noon nang magpasya na kaming umuwi. Ngunit bago kami umalis, dumaan muna kami sa bahay ni Mang Adong at nag-iwan ng ilang pirasong palakang bukid.

Paalis na sana kami nang biglang magsalita si Mang Adong.

“Sa susunod, huwag na kayong magpapagabi.”

Nagtataka naman kaming napatingin kay Mang Adong. Napakaseryo nito nang oras na ‘yon. Likas kasing mapagbiro at masayahin ang matanda kaya nanibago kami sa bigla niyang inasta.

“Bakit ho, Mang Adong?” hindi ko na napigilang tanong.

“Inaswang ang mga alaga kong manok nitong nakaraang gabi lang. Hinala ko, nandito lang sa paligid ang aswang na ‘yon at tiyak na naghahanap pang mabibiktima.”

Dahil sa sinabi ni Mang Adong, halos takbuhin na namin ang masukal na daanan pauwi. Bago kami sumapit sa bahay, dadaanan muna namin ‘yong manggahan. Pagsapit namin doon, Kuya Barry, may nakasalubong kaming dalawang matanda. ‘Yong babae, napakahaba ng buhok nitong namumuti na sa katandaan, at ‘yong lalaki naman, may malaking pilat sa mukha. Ang markang ‘yon, parang tinaga.

Napahinto kami ni Teban nang huminto rin ‘yong dalawang matanda. Nakatitig ang mga ito sa amin gamit ang nanlilisik na mga mata. Kaagad na pumasok sa isip ko ang sinabi ni Mang Adong. Kinalabit ko si Teban na noon ay halos manigas na sa kinatatayuan. Ang matalim na tingin ng dalawa’y sinabayan ng kakaibang ngisi. Iyon bang para silang nakakita ng pagkain na wala nang ibang makakaagaw pa sa kanila.

Nagkatinginan kami noon ni Teban at lihim na nagsenyasan para tumakbo. Halos maihi na ako sa takot nang oras na ‘yon dahil ang mga nasa harapan namin ay walang dudang mga aswang.

Ngunit pagharap namin, bigla na lang nawala ‘yong dalawang matanda. Akala namin ay guni-guni lang namin ‘yon ngunit ilang sandali pa, lumitaw mula sa dilim ang dalawang malaking pusa na may namumulang mga mata. Makapal ang balahibo ng mga ito at mahahaba ang mga kuko—bagay na hindi pangkaraniwan para sa isang ordinaryong pusa.

Napasigaw kami ni Teban at agad na kumaripas ng takbo. Hindi na namin inalintana ang naiwan naming tsinelas, makaalis lang agad sa may manggahan. Kahit hindi kami lumingon, Kuya Barry, alam naming may mga sumusunod sa amin ni Teban. Malalakas ang yabag. Papalakas pa ‘yon nang papalakas habang tumatagal.

Halos maghabol na kami ng hininga nang makarating sa may kabahayan sa baryo. Maliwanag na sa parteng ‘yon at may mga tao ring nakatambay pa sa labas ng bahay. Lahat sila ay napatingin sa amin ni Teban.

TAGALOG HORROR STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon