BYERNES ng hapon nang maisipan ni Shaira na umuwi sa bahay nila sa bukid, sa Barrio Duyong. Walang signal sa lugar na ‘yon kaya naman bihira talaga siyang umuwi. Bukod kasi sa kailangan niya ng malapit na uuwian, namamasukan din siya bilang part-time na dishwasher sa isang karinderya malapit sa terminal ng bus para sa mga gastusin sa kolehiyo. Pansamantala siyang nakikitira sa tiyahin niyang may tindahan sa tapat ng Kolehiyo Ng San Juan. Wala namang problema rito ang pagtira niya sa bahay nito dahil kailangan din naman ng kaniyang tiyahin ng makakasama sa bahay. Biyuda na kasi ito at ang kaisa-isa pang anak ay mas piniling sumama sa nobyo nito.
Nauunawaan naman niyang hindi na siya kayang suportahan ng kaniyang mga magulang dahil na rin sa edad ng mga ito. Ang kaniyang inang si Aling Eda ay naglalako ng suman para sa gastusin sa bahay. Ang kaniyang ama namang si Mang Tonyo ay nag-aalaga na lang ng mga native na baboy at kambing na pangbenta. Malaking tulong din ‘yon tuwing may biglaan siyang gastos sa kolehiyo na hindi na niya kayang gawan ng paraan. Minsan nang nagbenta ng alagang baboy si Mang Tonyo para sa matrikula niya, at laking pasasalamat naman niya sa ginawang iyon ng butihin niyang ama. Hindi man sila mayaman, nakikita naman niyang gumagawa pa rin ng paraan ang kaniyang mga magulang para makatulong sa kaniyang pag-aaral kahit hindi niya hilingin.
Naabutan niya ang kaniyang ina sa labas ng bahay na naghihimay ng malunggay. Nilapitan niya ito para magbigay galang bago pumasok sa bahay.
“Oh, anak. Napauwi ka? Kumain ka na muna. May nilagang saging sa kusina. Nasa sagingan pa ang tatay mo.”
Itinuro naman nito ang sagingan at nakita nga niya roon ang kaniyang amang nangunguha ng dahon ng saging para gamiting pambalot sa sumang ilalako naman ng kaniyang ina kinabukasan.
Inilapag muna niya ang gamit sa sarili niyang kwarto sa maliit nilang bahay. Mula nang magdisi-otso siya ay ginawan na siya ni Mang Tonyo ng sariling kwarto. Maliit lang iyon at halos katre lamang ang kasya. Ang mga damit naman niya ay maayos na nakasalansan sa estanteng alaga sa linis ng kaniyang ina.
Bago siya magpahinga ay sumaglit muna siya sa kanilang banyo para makapaglinis ng katawan at makapagpalit ng damit. Nasa banyo na siya noon at aabutin na sana ‘yong tabo mula sa timbang may tubig nang may maaninag siya sa sulok, malapit sa may pinto. Para kasing bigla na lang may tumakbo doon. Dahil hindi masyadong abot ng ilaw mula sa kanilang bahay ang banyo, hindi talaga niya makita kung ano ang gumagalaw sa may sulok. Ngunit dala na rin ng kaniyang kuryosidad, yumuko siya para kapain iyon. Halos lumukso ang puso niya sa takot nang may makapa siyang maliit na nilalang doon. Pilit itong nagpumiglas sa kamay niya, at nang makawala’y mabilis na kumaripas ng takbo papalabas.
Naiwan siya sa loob ng banyo na tulala at hindi pa rin makapaniwala sa nangyari. Duwende. Sigurado siyang duwende nga iyon. Dahil sa takot ay minadali na niya ang pagligo at nanginginig pa rin ang katawan sa takot nang makabalik sa kaniyang kwarto.
Nahirapan siyang makatulog dahil sa nangyari. Hindi muna niya iyon sinabi sa mga magulang niya dahil baka isipin ng mga ito na nagbibiro lamang siya o ‘di kaya’y guni-guni lamang niya iyon.
Bandang alas-diyes ng gabi, handa na sanang matulog si Shaira nang may maramdaman na naman siyang kakaiba. Para kasing may nagmamasid sa kaniya mula sa kaniyang kama. Ipinikit niya ang mga mata at pilit itong iwinaksi sa isipan. Ngunit kahit anong gawin niya, mukhang walang balak ang sinumang nakamasid sa kaniya na tigilan siya.
Naramdaman niya ang marahang pagbaba ng kaniyang kumot at ang mahihinang paglangitngit ng katre na para bang may mga tumatalon mula roon. Agad siyang napabalikwas. Ganoon na lamang ang pagkagulat niya nang makita ang maliliit na nilalang sa may paanan niya. Sa tantiya ay halos isang dangkal lamang ang laki ng mga ito. Kulubot ang mukha, mabibilog ang mga mata. Ngunit ang mas nakaagaw-pansin sa kaniya, kulay pula ang balat ng mga ito.
BINABASA MO ANG
TAGALOG HORROR STORIES
HorrorCompilation ito ng mga maiikling kuwentong nasulat ko. Ang iba rito ay true stories, at ang iba naman ay fiction.