ABUSADONG TATAY

100 0 0
                                    

ABUSADONG TATAY

(This is exclusively written for Lady Pam YouTube channel. BAWAL KOPYAHIN SA ANUMANG PARAAN.)

Ang kuwentong ito ay hango sa totoong buhay. Itago na lang natin siya sa pangalang Marcial. Nangyari itong kuwento, sampung taon na ang nakalilipas.

Malupit, mahigpit, at lasenggo ang ama ni Marcial na si Mang Sebio. No read, no write ito, kaya naman tanging pag-uuling at pagkakarpintero na ang nakasanayan nitong trabaho mula pagkabinata. Bilang panganay naman ay siya ang madalas na kasa-kasama sa pagtatrabaho bilang assistant nito.

Mahirap para sa kaniya iyon lalo na’t high school na siya nang mga panahong iyon. Sa totoo lamang ay ayaw na siyang pag-aralin ni Mang Sebio at gusto na lamang na magsimula na siya sa pagtatrabaho. Ngunit sa kagustuhang makatapos ay sinuway niya ang kaniyang ama.

Pawisan at halos maghabol na ng hininga si Marcial nang makarating sa pinagtatrabahuan ni Mang Sebio. Ito kasi ang inupahang gumawa ng kusina ng barangay kagawad at retiradong pulis na kung tawagin nila roon ay “Kap Lonio.”

Napasinghap si Marcial nang agad siyang kinuwelyuhan ng ama.

“Kanina pa kita hinihintay! Alam mong wala akong ibang aasahan dito, kung anu-ano pa ang inaatupag mo!” mahina ngunit mariing sabi ni Mang Sebio.

Napapikit na lamang noon si Marcial at mahinang dumaing nang isalya siya ng ama sa mga nakatambak na kahoy. Mabuti na lamang at naiwasan niya ang ibang kahoy na mayroon pang nakausling pako.

“Sinabihan na kitang tigilan mo na ‘yang kakapasok mo sa eskuwela! Hindi ka mapapakain ng pag-aaral mong iyan!” dagdag pa nitong nagpupuyos pa rin sa galit.

Mabilis na umilag si Marcial nang batuhin siya nito ng pinagputulan ng kahoy. Kung hindi siya nakailag ay tiyak na bukol ang aabutin niya rito.

Sa halip na damdamin ang sinabi ng ama ay tinapos na lamang niya ang trabaho roon nang sa gayon ay makauwi na silang mag-ama. Ngunit gaya ng inaasahan, hanggang sa daan ay panay pa rin ang pagbibitiw nito ng masasakit na salita na sinasabayan pa ng paisa-isang suntok sa braso o ‘di kaya’y sa likuran niya.

Pagsapit ng gabi ay napapangiwi na lamang si Marcial sa mga tinamong pasa mula sa kaniyang ama.

Pagsapit ng linggo, iyon ang araw na susuweldo si Mang Sebio kaya inaasahan na ni Marcial na magpapakalunod na naman ito sa alak. Halos kalahati ng kinikita nito ay nauubos sa alak at pulutan. Kung magkano lamang ang matitira ay iyon lamang ang makukuha ng kaniyang inang si Aling Nidda.

Tulad niya at ng dalawa pa niyang kapatid na babae ay bugbog din ang inaabot ni Aling Nidda tuwing nalalasing si Mang Sebio. Mula nang magsama ang kanilamg mga magulang ay paulit-ulit na iyong nangyayari, ngunit sa kagustuhang magkaroon ng buong pamilya at magkaroon ng katuwang sa buhay ay tinitiis na lamang iyon ng kaniyang ina.

“O, Jennifer, Loisa, magsitulog na kayo. ‘Wag na ‘wag na kayong lalabas kapag dumating si Tatay. Kapag tinawag kayo, ako na lang ang lalabas. Nagkakaintindihan ba tayo?” aniya sa mga kapatid.

Bukod kasi sa pagiging mapanakit at pagiging lasenggo ay may napapansin din niya ang kakaibang tingin ng ama sa dalawang kapatid na pareho nang nagdadalaga nang mga panahong iyon. Iyon din ang dahilan kung bakit kahit gaano niya kagustong layasan na ang pamilyang iyon ay hindi niya magawa dahil nais niyang protektahan ang mga kapatid mula rito.

Bagama’t magkakasama silang natutulog sa iisang silid, ginawan niya ng pantabing na lumang kumot ang parteng tinutulugan ng mga kapatid niyang babae upang magkaroon pa rin ang mga ito ng privacy. Ayos lang naman sa kaniya ang maliit na espasyong tinutulugan sa papag na katabi ng mga kahong pinaglalagyan ng kanilang mga damit.

TAGALOG HORROR STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon