GALING SA LAMAY 1

96 0 0
                                    

GALING SA LAMAY (Part 1/4)

THIS IS EXCLUSIVELY WRITTEN FOR LADY PAM YOUTUBE CHANNEL. DO NOT PLAGIARIZE.

NAKATIRA sa isang liblib na bahagi ng probinsya sina Toto. Maliit lang ang bahay na tinitirahan nila, at gawa lamang sa sawali at pawid iyon. Mahirap ang buhay sa lugar pero nagagawa pa rin naman nilang makaraos sa araw-araw. Ang ina ni Toto na si Aling Tasing ay naglalako ng puto at suman na gawa sa kamoteng kahoy. Mabenta naman iyon tuwing umaga kaya kahit papaano ay may panggastos ang kanilang pamilya. Maliit lang din kasi ang kinikita ng kaniyang amang si Mang Tado sa panggagapas ng palay at paminsan-minsang pagsama sa laot.

Nang panahong 'yon, kinse-anyos pa lamang si Toto at dose-anyos naman ang nakababata niyang kapatid na si Kalo. Palibhasa'y bata pa, likas sa kanilang magkapatid ang pagkapilyo. May isang bahay kasi roon sa kanilang baryo na ginagawang panakot sa mga bata. Bahay iyon ni Aling Igna na kilalang mambabarang sa kanilang lugar. May iba namang nagsasabi na may lahi rin daw itong aswang bagama't wala naman iyong katotohanan. Gayumpaman, likas ang pagiging mabait ng matanda sa mga taga-baryo, ngunit sinumang aabuso kay Aling Igna ay may kalalagyan din sa matanda.

"Kalo, malapit na tayo sa bahay ng aswang," sabi ni Toto sa nakababatang kapatid habang naglalakad pauwi. Nautusan kasi sila na bumili ng bigas sa palengke.

Iyong lugar nila, malayo talaga sa bayan. Bukod pa roon ay wala ring bumabyaheng traysikel dahil sa baku-bakong daan. Mayroon namang habal-habal, ngunit sa mahal ng pamasahe roon ay magtitiyaga na lamang ang mga taga-baryo na maglakad patungo sa bayan.

"Tingnan mo si Aling Igna. Mukhang may ginagawa na naman," sabi naman ni Kalo habang nakatanaw sa kubo ng matanda.

Nabukas ang bintana nito kaya't kitang-kita mula sa labas ang ginagawa nitong pag-oorasyon. Dinig na dinig ng magkapatid ang nakakikilabot nitong boses habang sinasambit ang mga salitang hindi naman nila nauunawaan. Dahil sa kapilyuhan at dala na rin ng matinding kuryosidad, lumapit sina Toto at Kalo sa bahay ni Aling Igna.

"Dahan-dahan lang. Baka marinig tayo ng matandang 'yan," bulong ni Kalo kay Toto habang humahanap ng puwesto sa labas ng kubo.

Sabay na sumilip ang dalawa sa nakabukas na bintana. At mula roon, kitang-kita nila ang bigla na lamang na pagkabuwal ng matanda habang patuloy ito sa pagsasalita. Kasabay nito ang pagtulo ng dugo mula sa magkabila nitong mga mata. Nanlamig ang katawan ng dalawa.

"Kuya, umuwi na tayo!" nanginginig na sabi ni Kalo sa kapatid. Ngunit hindi ito natinag.

Nangisay sa sahig ang katawan ni Aling Igna habang lumalabas ang itim na likido mula sa bibig nito na sinundan pa ng maliliit na itim na mga uod. Nagtalunan ang mga ito. Maging sa ibang parte ng katawan ni Aling Igna ay unti-unti na ring maglabasan ang mga uod na iyon. Sa ilang sandali pa, umalingasaw ang masangsang na amoy habang umuungol ang matanda. Wari'y labis na nahihirapan.

Doon pa lamang nagtatakbo ang magkapatid upang humingi ng tulong. Sakto namang nakasalubong ng magkapatid ang manggagamot na si Mang Tinoy.

"Oh, anong nangyari? Bakit namumutla kayong magkapatid?"

Dahil sa labis na takot ay si Kalo na lamang ang nakapagsalita nang oras na iyon.

"M-Mang Tinoy, si Aling Igna po! Patay na po yata!" histerikal nitong wika sa matanda.

Nagmamadali namang pinuntahan ni Mang Tinoy ang bahay ni Aling Igna. May mga nakasalubong itong tanod na pinasama na rin nito patungo roon. Nang madatnan nila si Aling Igna, halos hindi na makilala ang mukha nito sa dami ng malalaking sugat at bukol na mabilis na tumubo sa pisngi ng matanda.

Nagpasya ang mga taga-baryo na pagtulung-tulungan na lamang ang pag-aasikaso sa lamay ni Aling Igna. Wala kasing ibang kamag-anak doon ang matanda kaya tanging pamilya na lamang ng mga natulungan nito ang nagbayanihan upang mabigyan ito ng disenteng lamay. At isa na nga sa mga tumulong ang ina nina Toto at Kalo na si Aling Tasing.

Sa ikalawang gabi ng lamay, iilan na lamang ang nagtutungo roon dahil sa masangsang na amoy ng bangkay ni Aling Igna na unti-unti nang umaalingasaw. Sadya raw na ganoon kapag ang namatay sa barang.

"Susmaryosep! Hindi na dapat ibinurol pa ang bangkay ni Aling Igna. Sana e diretso na lang na inilibing!" wika ng isang lalaki na napadaan lamang doon.

Sa kabilang gilid naman ng nakatayong tolda ay nag-uusap sina Mang Tinoy at ilan sa mga nakikipaglamay.

"Malakas ang nakabarang kay Igna. Matindi ang balik ng barang na ginawa niya nitong mga nakaraan. Sa kasamaang palad e ibinalik sa kaniya. Hindi siya nilubayan hanggang kamatayan," wika ni Mang Tinoy na hindi mapigilang maawa kay Aling Igna.

"Pobreng matanda. Wala na ngang kaanak, ganyan pa ang sinapit," wika naman ng isa pa.

Nang gabing iyon ay isinama ni Aling Tasing ang magkapatid dahil lumaot noon si Mang Tado. At dahil wala namang maitutulong sa pag-aasikaso sa mga tao ay naglaro na lamang sina Toto at Kalo. Nasa labas sila noon ng bahay ni Aling Igna, kung saan ito nakaburol nang may matanaw ang magkapatid mula sa nakabukas na bintana ng dating silid ng matanda. May nakita silang isang itim na baul na agad na nagdulot ng matinding kuryosidad sa kanila.

Nakaisip ng kalokohan ang nakatatandang si Toto.

"Ano kayang laman ng baul na 'yon? Baka may kayamanan, Kalo. Tara tingnan natin."

Sumunod naman si Kalo sa kapatid. Maingat na pumasok ang dalawa sa bahay ni Aling Igna. Upang walang makakita sa kanila, nagpasya na lamang sila na doon mismo dumaan sa bintana. Mahinang nagtawanan ang magkapatid nang sumabit pa sa bintana ang damit ni Toto. Nang makalundag sila papasok sa silid ni Aling Igna, agad nilang binusisi ang laman ng kahon.

Nagulat sila nang sa pagbukas niyon ay tumambad ang ilang lumang alahas. May kuwintas, dalawang singsing, at isang pulseras na itim.

"Kuya, ibalik mo 'yan!" wika ni Kalo kay Toto.

Wala sanang balak si Toto na kunin ang mga alahas na iyon ngunit maya-maya lamang ay nakarinig sila ng mga yabag na papalapit doon sa silid na kinaroroonan nila. Natatarantang isinara ni Toto ang baul, at mabilis pa sa alas-kuwatrong tumalon ang magkapatid sa bintana.

Dahil sa kaba ay walang lingon-likod na nilisan ng dalawa ang bahay ni Aling Igna. Nang makalayo-layo na ay saka lamang napagtanto ni Toto na bitbit niya ang mga alahas ng matanda.

Abot-abot ang kaba ng magkapatid nang makarating sa bahay.

"Kuya, saan mo itatago ang mga 'yan? Mayayari tayo ni Nanay 'pag nalaman niyang ninakaw natin 'yan sa gamit ni Aling Igna," kabadong sabi ng bunsong si Kalo.

Napakamot naman sa batok si Toto na hindi na rin malaman kung ano ang gagawin. Gustuhin man kasi niyang ibalik ang alahas ay huli na ang lahat dahil nakuha na nila iyon. Kung babalik man sila sa bahay ng matanda, tiyak na hindi na rin sila roon basta-bastang makakapasok. Ang lahat ng nakikipaglamay ay tanging doon lamang sa labas ng bahay ni Aling Igna namamalagi.

"Huwag ka na lang maingay kina Nanay at Tatay. Itatago ko na lang 'to o ibebenta. Basta 'wag ka na lang maingay, Kalo! Naiintindihan mo ba? Kapag nagsumbong ka kay Nanay, yari tayong dalawa."

Dahil madalas na inaayos ng kanilang ina ang tukador na lagayan nila ng mga damit, nagpasya si Toto na sa iba na lamang itago ang alahas na kinuha mula sa bahay ni Aling Igna. Ibinalot ng binatilyo sa isang lampin ang nakuhang alahas at saka ito ibinaon sa silong ng bahay. Sa ilalim kasi ng silid na kanilang tinutulugan ay may silong na madalas pinaglalagyan ng mga sinibak na panggatong. Inayos ni Toto ang pagtatabon ng lupa upang makasigurong walang makakapansin sa hukay na ginawa niya roon. Mababaw lamang iyon upang madali niyang makuha ang alahas, sakaling kailanganin na niya ito.

Malalim na napaisip si Toto nang gabing iyon habang iniisip kung paano niya maibebenta ang alahas na nakuha nila ni Kalo. May kilala naman siyang alahero sa kabilang barangay ngunit sakali mang maibenta niya ang alahas, hindi pa rin niya alam kung ano ang sasabihin sa ina kapag tinanong siya nito kung saan galing ang pera. Nais niyang matulungan ang mga magulang sa mas madaling paraan, ngunit takot din siyang magsinungaling sa mga ito. Hindi na namalayan ni Toto na nakatulugan na lamang niya ang pag-iisip ng tungkol doon.

To be continued...

TAGALOG HORROR STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon