HALIK NG ASWANG

96 0 0
                                    

PLAGIARISM IS A CRIME!
⚠️ SPG

HALIK NG ASWANG
(Exclusively written for Kwentong Enteng YouTube channel)

Kilala ako sa palayaw na Donny. At ‘yong nobya ko naman, si Ara. Taga-Mindoro talaga ako pero napilitan akong sumama sa kaibigan kong si Julius sa Iloilo dahil may alok sa amin doon na magandang trabaho. Dahil ayaw magpaiwan ni Ara, isinama ko na lang siya, sa pagbabaka-sakaling makahanap din siya ng magandang trabaho.

Malalim akong nag-iisip habang nakasakay sa tricycle nang hapong iyon patungo sa pantalan. Para bang may pumipigil sa akin na tumuloy sa gagawin kong pag-alis.

Naputol ang pagmumuni-muni ko nang biglang magpreno ang driver at muntik pa kaming masubsob.

“Ano ba naman ‘yan, Manong! Dahan-dahan naman ho sa pagmamaneho!” reklamo ko.

“Pasensya na kayo. May nasagasaan akong pusa, e. Bigla kasing tumawid.”

Kunot-noo akong dumungaw sa labas. Sa hindi maipaliwanag na dahilan, bigla akong kinilabutan nang makita ang itim na itim na pusa na nasagasaan ng tricycle na aking sinasakyan.

Sabi kasi ng lola ko, masama raw na pangitain kapag may nakasalubong na itim na pusa. Kung may pupuntahan daw, mas magandang hindi na lamang ituloy.

Ngunit ilang sandali lang ay sunod-sunod nang tumunog ang aking cellphone. Tumawag si Julius at tinatanong kung nasaan na raw kami. Dahil doon ay binalewala ko na lang ang nangyari. Wala naman sigurong ibig sabihin iyon.

Natanggap si Ara na pharmacist sa isa sa pinakamalaking botika sa bayan. At para hindi gaanong magastos sa pamasahe, naghanap kami ng mauupahang apartment. Nagpatulong ako kay Julius at may nakita naman kaagad siya. Doon na lang kaming dalawa ni Ara. Mura lang daw ang singil. Si Julius naman, doon tumira sa bahay ng tiyahin niya.

Hindi naman nakapagtataka na mura lang ang renta dahil may kalumaan na rin ‘yong apartment. Muntik na ngang mapagkamalang bodega nang una naming punta roon. Kahit kasi naipalinis na ng may-ari ay marami pa ring kalat na naiwan sa loob.

Sa dami ba naman ng anay sa kisame, kahit talunan lang ng pusa’y tiyak na masisira na ‘yon. Halos magmukha na ring pintura ang makapal na kalawang sa yero. Kapag umulan, tiyak na libre shower kami sa loob.

Kupas na ang pintura sa pader. May mga mantsa na rin at gasgas ang tiles na sahig. May sarili na iyong kusina, banyo at may iisang kwarto. May double-deck namang kama roon na para sa aming dalawa ni Ara. Si Ara sa itaas at ako naman sa ibaba.

Natanggap ako sa call center na aking in-apply-an kaya sa umaga, solo ko ang apartment. Sa gabi naman, si Ara lang ang naiiwang mag-isa.

Sumilip ako sa bintana nang matapos naming linisin ang kusina. Mula kasi nang matanggap kami sa trabaho ay hindi na gaanong nalilinis iyon.  Tagaktak ang pawis ko at kumakalam na rin ang aking sikmura. Saka ko lang naalala na hindi pa pala kami kumakain ng agahan.

Muntik na akong mapasigaw nang biglang sumulpot sa harapan ng bintana ang isang lalaki. Nakangisi siya at bakas sa mukha ang sayang ‘di mawari habang nakatingin sa aking nobya na para bang noon lang ito nakakita ng babae.

“Hoy! Anong ginagawa mo dyan?!”

“Ara! Ara, may tao!”

Ngunit paglapit ni Ara sa akin ay wala na ‘yong lalaki sa may bintana. Napakurap-kurap ako no’n. Hindi ko kasi alam kung namamalik-mata lang ba ako o totoo ang nakita ko.

Ilang beses ko nang naikuwento sa kaniya ang tungkol sa lalaking palagi kong nakikita sa labas ng bahay. Minsan pa nga’y natataong palabas na ako ng bahay tuwing sumusulpot siya sa may bintana.

TAGALOG HORROR STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon