PASAHERO
(Exclusively written for Kwentong Enteng YouTube channel)Hindi na bago para sa amin ang mga awok o 'yong mga aswang-lupa na may kakayahang mag-anyong itim na baboy o di kaya'y malaking baboy-ramo. Hindi na rin lingid sa aming kaalaman na may mga aswang na naninirahan sa aming baryo. Mahirap lang silang makilala lalo na kung araw. Maraming beses na kaming nakaririnig ng mga kwento tungkol sa mga aswang lalo na sa mga awok. Katulad din sila ng mga pangkaraniwang aswang na kumakain ng lamang-loob o ng sariwang laman ng tao. Kaya nga lang, hindi lahat ng taga-baryo ay naniniwala tungkol do'n. Ang iba, sinasabing gawa-gawa lang daw 'yon ng mga matatanda para maagang magsitulog ang mga apo nila o kaya nama'y hindi na magpagabi pa sa labas. Pero para sa 'kin, wala namang masama kung maniniwala ako at mag-iingat. Mahirap na, baka hindi ko alam, ako na pala ang susunod na biktima ng aswang.
Ako nga pala si Regor. Tubong Bataan at nagtatrabaho bilang karpintero. Maayos naman ang pasahod sa huling trabaho ko. Malaki kasi ang ginawang bahay pero ngayong tapos na 'yon, nahihirapan na naman akong makahanap ng mapagkakakitaan. Mabuti na lang at sinuwerte akong manalo sa ending. Bumili ako ng secondhand na tricycle na magagamit ko sa pamamasada habang wala pang trabaho.
Umaga, hapon, tuloy-tuloy ang pasada. Minsan, inaabot pa ako ng alanganing oras lalo na kung marami talagang pasahero. Sa layo kasi ng bayan sa amin, halos mag-agawan sa tricycle ang mga pasaherong mamamalengke o 'di kaya'y papasok sa trabaho.
Nang maibaba ko ang dalawang pasahero para sa huling byahe ko ngayong gabi, nagpasya na akong umuwi. Iniiwasan ko kasi na maabutan ng hatinggabi sa daan lalo na tuwing biyernes.
Alas-diyes pa lang ng gabi ay napakatahimik na sa aming baryo. Halos mga huni na lang ng palaka, kuliglig, at mga pang-gabing ibon ang naririnig ko. Napangiwi ako nang maramdaman ang pagkalam ng aking sikmura. Nakalimutan ko palang bumili man lang ng makakain kanina sa terminal ng tricycle, eh di sana'y may pantawid-gutom ako.
Dahil baku-bako ang daan, dahan-dahan lang ako sa pagmamaneho. Kulang na lang kasi ay maging sungka ang kalsada sa dami ng butas at mga batong nakalagay roon.
Mayamaya, natigilan ako nang marinig ang huni ng kinatatakutan naming panggabing ibon. 'Yong kung tawagin sa amin ay 'kuwaw'. Bigla akong kinilabutan. Sabi kasi ng mga matatanda sa amin, humuhuni raw iyon tuwing may aswang sa paligid. Kapag mas malakas daw ang huni no'n, tiyak na mas malapit na ang aswang.
Binilisan ko ang pagmamaneho para makarating kaagad sa bahay. Wala pa naman akong kasabay na mga tricycle na bumabyahe nang mga oras na 'yon. Ngunit bigla akong napahinto nang may matanglawan ang ilaw na nagmumula sa aking motor. May tatlong... babaeng buntis na mabagal na naglalakad sa gilid ng mabatong kalsada.
Binusinahan ko sila para isabay na sa pag-uwi. Delikado para sa kanila ang maglakad pa nang ganitong oras.
"Sakay na kayo! Delikadong maglakad tuwing gabi lalo na't mga buntis kayo," sigaw ko sa kaninang tatlo. Nakaramdam ako ng awa nang makita silang pawisan na at mukhang pagod na pagod na sa paglalakad.
"Naku, maraming salamat ho! Kanina pa kasi kami naglalakad. Lahat ng mga dumadaang tricycle, puno ng sakay," sabi ng isang babae. Inalalayan ko ang dalawa sa pagsakay sa loob at ang isa nama'y doon sa may likuran ko umupo. Nang masigurong maayos na sila ay pinaharurot ko na ang tricycle papalayo roon.
"Saan ba kayo galing at ginabi na kayo sa paglalakad?" usisa ko sa kanila habang ang mga mata ay nakatutok pa rin sa daan.
Sumagot ang babaeng nasa likuran ko. "Dyan lang ho sa may barangay hall. May libreng check up kasi kanina pero inabot na kami ng hapon sa haba ng pila."
"Gano'n ba? Teka, saan nga pala kayo bababa?"
"Doon lang unahan ng manukan, manong," sagot naman ng isang nakasakay sa loob.
BINABASA MO ANG
TAGALOG HORROR STORIES
HorrorCompilation ito ng mga maiikling kuwentong nasulat ko. Ang iba rito ay true stories, at ang iba naman ay fiction.