THE CARPENTER 5

14 0 0
                                    

THE CARPENTER
Written by Jiara Dy

PART V

AUTHOR’S NOTE:
This story or any portion thereof may not be reproduced in any written, electronic, recording, or photocopying or used in any manner without Jiara Dy’s expressed written permission. SA MADALING SALITA, BAWAL KOPYAHIN SA KAHIT NA ANONG PARAAN. 

NALUKOT ang mukha ni Iris sa sinabi ng kapatid na si Eros. Pinagmasdan niya nang mabuti ang box na galing sa ilalim ng kama ni Manong Azi. Bukod sa may kalumaan na ang mga gamit, wala naman siyang napansin na kakaiba sa mga iyon.

“Paano naman tayo makakasiguro na si Manong Azi nga yung killer? Mukhang ordinaryong carpentry tools lang naman yan. Wala naman tayong nakitang blood or something suspicious sa mga gamit niya. Guys... what if mali yung taong pinagbibintangan natin?”

“What do you mean, Iris?” ani Hera na medyo napaisip na rin nang mga sandaling ‘yon.

“Naisip ko lang kasi... paano kung kay Manong Azi nga yung bangkay na nakita sa kitchen? Parang ang sama naman kung patay na nga yung tao pero pinagbibintangan pa natin,” paliwanag niya sa mga ito.

“May point ka naman e. Pero ang hirap lang talaga isipin kung sino yung killer. Kasi kung isa ‘yon sa’tin, mamamatay tayong lahat dito. Hindi na tayo makakabalik,” sabi naman ni Eros.

“I think, there’s only one way to find out. Bakit hindi natin i-check yung gamit ng mga kasama natin para makasiguro? Kasi kung isa sa’tin yung killer, wala naman siyang ibang pagtataguan ng mga gamit.”

Mabilis namang dumepensa sa sarili si Hera. “Oh my gosh, kahit unahin n’yo pa yung mga gamit ko, I’m pretty sure na hindi ako yung killer. Kahit nga ipis, hindi ko kayang patayin eh, tao pa kaya?”

“Pwede mo rin isunod yung gamit ko, Iris. We’re siblings pero kung duda ka sa’kin, walang problema kung iche-check mo rin mga gamit ko,” ani Eros.

“Maybe it’s the perfect time to do that. Busy pa yung iba nating mga kasama. Matutulungan n’yo ba ‘ko?” tanong niya sa dalawang kaibigan.

Tumango naman sina Hera at Eros. Matapos ibalik ang gamit ni Manong Azi ay agad silang pumunta sa kwartong tinutulugan ng mga babae. Narinig nila ang boses nina Lumi at Iris na papalabas ng farmhouse. Mukhang papunta sa barn ang mga ito.

“Bilisan mo, Eros! Ikaw na dyan sa maleta ni Athena. Ako na kay Lumi,” aniya habang nanginginig ang mga kamay na binubuksan ang maletang pagmamay-ari ni Lumi.

Makalipas ang ilang sandali, marahas siyang napabuntong hininga nang wala namang ibang makita roon kundi ang mga librong binabasa ng dalaga. “It’s not Lumi. Malinis ang mga gamit niya. I mean, kahit hindi ko nga tingnan ‘to, she’s harmless. Masyado ngang gullible ‘yon e. Pa’no naman magiging killer ‘yon?”

“Wala rin akong nakita sa mga gamit ni Athena,” dismayado namang sabi ni Eros.

“Here, I’ll show you mine.” Hinila ni Hera ang maleta nito at walang pag-aalinlangang ipinakita ang mga gamit nito. “Look, siguro naman, maniniwala na kayo na wala akong kinalaman sa nangyayaring patayan?”

Ngunit sa halip na sumagot ay nagkatinginan ang magkapatid. Natutop ni Iris ang bibig at hindi makapaniwalang napatitig sa mga gamit ni Hera.

“H-Hera…”

Natigilan naman ang dalaga at nagtatakang sinundan ng tingin ang tinititigan ng dalawa. Ilang sandali pa ay namutla ito nang makita ang maruming piraso ng karton na nakahalo sa mga damit nito at may nakasulat na…

YOU’RE NEXT.

SAMANTALA, patuloy naman ang kwentuhan nina Lumi at Athena habang naglalakad papunta sa barn.

“Sana talaga okay lang si Mikee. Sana, mahanap pa natin siya,” malungkot na sabi ni Athena.

“Best friend ko siya. Buong buhay ko, hirap na hirap akong magtiwala sa ibang tao pero naibigay ko ‘yon sa kaniya. Nasabi ko sa kaniya lahat ng tungkol sa’kin… sa pagkatao ko.”

Nagtatakang napatingin sa kaniya si Athena. “Ano’ng ibig mong sabihin?”

Nagpakawala siya ng malalim na buntong hininga. “I lost my memory no’ng high school pa lang ako, Athena. Ang naaalala ko na lang… ‘yong memories na kasama ko na si Uncle. Ang alam ko lang, ulila na ko at siya na ‘yong tumayong magulang ko.”

“Ohh… nakakalungkot naman. Hindi namin akalain na ganyan pala yung life story mo. Pero pa’no ‘yon nangyari? Naaksidente ka ba?”

She sighed. “Sabi ni Uncle, nahulog daw ako sa hagdan five years ago. Na-coma ako. Akala nga niya, hindi na ‘ko magigising e. Pero no'ng nagkamalay naman ako, wala na ‘kong maalala. Kahit siya, hindi ko na kilala.”

“Now, I understand. ‘Yong pagiging loner mo, may dahilan din naman pala. Pero buti nga, pagbabasa ng books ‘yong nakahiligan mo. Medyo creepy nga lang ‘yong theme. Like the case of Genesis Ellorde? Napanood namin ‘yon noon sa news. Kaya nga naghigpit sa’min sina Mom and Dad e. And then—” Napahinto sa pagsasalita si Athena nang mapansin nito ang paghinto niya sa paglalakad.

Napaawang ang mga labi niya nang matanaw ang barn. Hindi niya maintindihan pero, parang pamilyar ‘yon sa kaniya.

“A-Athena… why do I have this feeling na parang… parang nanggaling na ‘ko dito noon?” aniya habang inililibot ang mga mata sa paligid.

Nagulat naman si Athena sa sinabi niya. “What? Pa’no naman mangyayari ‘yon eh nakarating lang tayo rito para sa shoot.”

“Ewan ko ba. Pero ang weird ng pakiramdam ko e. Parang nanggaling na talaga ako rito.”

Bago pa man muling makapagsalita si Athena, napapitlag sila nang marinig ang boses ni Hiro.

“Saan kayo pupunta?”

Agad namang sumagot si Athena. “A-Ah, sa barn po, Direk. Titingnan din sana namin do’n. Baka may makita kaming—”

“Galing na ko dyan kanina. Bumalik na kayo sa loob,” maawtoridad nitong sabi.

Nagkibit-balikat na lang si Athena sa sinabing iyon ni Hiro. Siya naman, nanatiling walang imik hanggang sa makabalik sa farmhouse. Sa halip na makipag-usap sa mga kasama, dumiretso muna siya sa kwartong tinutulugan nila para mapag-isa siya. Umupo siya sa dulo ng kama at malalim na nag-isip.

“Mikee… nasa’n ka na ba?” Nangilid ang mga luha niya. Hindi kasi niya alam kung mahahanap pa ba nila ang kaibigan niya gayung halos buong araw na itong walang paramdam sa kanila. At sa nangyayari sa kanila, mukhang malabo pa silang makaalis sa abandonadong barangay na ‘yon. Maliban na lang kung may maligaw doon.

Lumipas pa ang mga oras, hanggang sa sumapit na ang gabi. Naging abala ang mga kasama niya sa pagse-secure ng lahat ng pwedeng daanan ng killer. Hindi kasi nila alam kung ano pa’ng maaaring mangyari sa isang gabi pa nilang pananatili roon. Maaaring sa paggising nila kinabukasan ay isa na naman ang mawawala sa kanila.

Nang pumuwesto na sa bakanteng kama sina Athena, Hera, at Iris, nilapitan naman niya ang maleta niya para kumuha ng librong babasahin.

“Seriously? Nagagawa mo pa talagang magbasa ng libro sa ganitong sitwasyon, Lumi?” supladang sabi ni Hera.

Agad namang sumabat si Athena. “Hera, hayaan mo nga siya. It’s none of your business.”

Hera just rolled her eyes. “Whatever.”

Muli siyang napahinga nang malalim. Nang ibalik niya ang tingin sa paborito niyang libro na may kinalaman sa pagkamatay ni Genesis, mariin siyang napapikit nang tila may alaalang sumagi sa isip niya.

Nasapo niya ang magkabilang sentido nang manuot doon ang matinding kirot habang nagfa-flash ang isang alaala. Bumilis ang tibok ng puso niya nang unti-unting luminaw sa kaniya ang imahe ng isang lalaki. Nakatalikod pero pamilyar sa kaniya ang tindig nito. Sa kanang kamay ng lalaki, tangan nito ang isang martilyo na nababalot ng pulang likido.

Nangilid ang mga luha niya at halos maghabol na ng hininga sa nararamdaman niyang takot. Hindi siya maaaring magkamali. Ang lalaking iyon sa alaala niyang unti-unting bumabalik… walang iba kun’di ang tiyuhin niya. Si Hiro.

To be continued…

TAGALOG HORROR STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon