MANGGAGAMOT NA GABUNAN AT ANG GABAY NG MUTYA
(PART 2)Isinulat ni Jiara Dy
THIS STORY IS EXCLUSIVELY WRITTEN FOR PAGKAGAT NG DILIM.
HINDI bumitaw si Apollo sa titig ng aswang na kaharap. Ngunit ilang sandali pa’y bigla na lamang itong napaatras. Bakas sa mukha nito ang matinding takot, kasabay nito ang pagbabalik ng anyo bilang isang tao.
“Isa kang... Isa kang gabunan! Ngunit paano?”
Nilingon nito ang asawa’t may kung anong isinenyas. Maging si Belinda ay nagulat sa ipinabatid ng ama.
“Ano hong ibig ninyong sabihin?” tanong ni Apollo na nagulat sa biglaang pagbabago ng pakikitungo ng kaharap.
Napasinghap si Apollo nang mapansin ang noo’y mabalahibo na niyang braso. Mariin niyang ipinikit ang mga mata at pilit na kinalma ang isipan niya upang bumalik sa dating anyo.
“Kung isa kang gabunan, maaaring mula ka sa angkan ni Augusto. Wala na kaming iba pang kilala na natitirang gabunan sa lugar na ito, maliban sa kaniya. Ipagpaumanhin mo ang inasal ko kanina lamang, hijo. Nais ko lamang na protektahan ang anak kong si Belinda sa panganib mula sa labas nitong gubat.”
Hindi kaagad nakasagot si Apollo. Ang pangalang binanggit nito ay pangalan ng yumao niyang ama.
Halos hindi makapaniwala ang matanda na nagpakilala bilang si Mang Kulas na mayroon pang nabubuhay na gabunan sa lugar na ‘yon. At tulad ng nalaman niya mula kay Apo Mando, siya na lamang ang natitirang gabunan mula sa pangkat ng kaniyang ama.
“Hindi ko makakalimutan ang sagupaang nangyari noon sa pangkat namin, laban sa pinunong gabunan na nais tapusin ang iba pang lahi ng mga aswang. Masyado itong ganid sa kapangyarihan. Ngunit nang akala nila’y naubos na kami, umalis din sila rito at lumipat na sa ibang lugar.”
Malalim na na napaisip si Apollo. Hindi niya akalain na may ganoon palang pangyayari noon bago pa siya magkamalay sa mundo.
“Kung nasaan man sila ay hindi na rin naman inalam pa. Mahina ang aming puwersa at hindi kakayaning talunin ng ordinaryong aswang na kagaya namin ang pinunong gabunan. Ngunit ikaw, maaari mo pa siyang matalo kung sasailalim ka sa isang pagsasanay.”
Tila unti-unti nang naunawaan ni Apollo ang gustong mangyari ni Apo Mando. Ang pagbibigay nito ng mutya sa kaniya, hindi lamang para sa proteksyon kundi para sanayin siya sa pakikipaglaban, sa tulong ng gabay mula sa mutya ng kapok.
Lumipas ang mga araw. Mas napapadalas na ang pagbisita ni Apollo kay Apo Mando dahil sa mga kaalamang itinuturo nito.
“Handa ka na ba, Apollo?” tanong ng matanda matapos igayak ang mga dadalhing gamit.
Iyon ang unang beses na makakababa ng bundok si Apollo. Sa tagal ng panahon na naninirahan sila sa gubat sa bundok na iyon, ni minsan ay hindi pa siya nakakarating sa kabayanan. Bukod kasi sa masyado itong malayo ay hindi rin niya maaaring suwayin ang kaniyang mga magulang. Ngunit nang araw na ‘yon, pagkakataon na mismo ang lumapit sa kaniya na makalabas ng gubat. Ang sabi naman ni Apo Mando ay bahagi iyon ng pagbubukas niya ng kamalayan sa kapangyarihang maibibigay sa kaniya ng mutya.
Likas na ang pagiging mabangis sa kaniya bilang isang gabunan, ngunit tunay ngang marami pa siyang kailangang matutunan.
Sa halos isang oras nilang paglalakbay pababa ng bundok, sa wakas ay nasilayan na rin ni Apollo ang buhay sa kapatagan. Panay ang linga niya sa paligid at wari’y hindi makapaniwala sa mga nakikita. Bago para sa paningin niya ang mga tindahang naroon. Wala naman kasing ganoon sa bundok. Gayundin ang mga palaruang nakikita niya.
BINABASA MO ANG
TAGALOG HORROR STORIES
HorrorCompilation ito ng mga maiikling kuwentong nasulat ko. Ang iba rito ay true stories, at ang iba naman ay fiction.