BASTA MAY ALAK
(Exclusively written for Kwentong Enteng YouTube channel)BAWAL KOPYAHIN SA ANUMANG PARAAN. NO TO PLAGIARISM!
Itago n’yo na lang ako sa pangalang Rico, hindi ko tunay na pangalan. Suki ako sa mga singing contest sa iba’t ibang barangay na nagdiriwang ng piyesta. Nalilibot ko noon ang tatlong magkakalapit na bayan ng Real, Infanta, at General Nakar. Hindi ko pa nararanasang makasungkit ng unang puwesto pero kahit papaano naman ay may kinikita ako sa pagsali. Minsan pa nga ay naiimbitahan akong kumanta sa ilang event sa lugar namin.
Sa parehong taon, naimbitahan ako sa piyesta ng isa sa mga barangay sa Nakar. Hindi ko na lang babanggitin ang pangalan ng mismong lugar pero balita ko, matagal nang wala roon ang pamilyang nagdulot ng malaking bangungot sa amin.
“Rico, may bago tayong raket. Piyesta raw kina Mandani sa isang linggo. Ba’t ‘di ka magpalista sa mga sasali sa singing contest? Taga-Nakar ka rin naman, ah,” sabi ni Tiyo Rolan na laging nag-uudyok sa akin na sumali sa mga singing contest. Wala na kasi akong mga magulang at sa kanila na rin ako nakikitira kaya parang siya na rin ‘yong tumayong tatay ko. Hindi naman siya nanghihingi ng malaking parte sa nakukuha kong premyo. Ang gusto niya lang, bigyan ko siya ng pang-inom. Ang problema ko lang sa kaniya ay ‘yong pagiging takaw-gulo niya. Galasin kasi tuwing nalalasing.
Nang araw din na iyon, nagpalista na ako para sa mga kasali sa singing contest. Hindi naman kailangang mag-audition doon dahil may mga sumasali lang naman para magpasaya ng audience.
Pagkagaling ko sa barangay hall, nagpasya muna akong dumaan kina Tiya Nora bago umuwi. Palagi kasi akong nakakalibre ng suman sa kanila. Pero habang nasa daan, napansin ko ‘yong batang lalaki sa gilid ng irrigation. Lalampasan ko na lang sana siya nang mapansin ang ginagawa niya. May dala-dala siyang sisidlan na gawa sa kulambo. Nagtaka ako kung anong ginagawa niya roon. Wala naman kasing mahuhuling isda sa irrigation. Isa pa, lubluban din iyon ng kalabaw ng may-ari ng mga palayan.
Medyo lumapit ako para makita kung ano’ng hinuhuli no’ng bata, at ganoon na lang ang panlalaki ng aking mga mata nang makita kung ano ang hawak-hawak niya. Isang may katabaang linta na animo’y busog na busog na sa pagsipsip ng dugo sa braso niya.
“Hoy, bata! Bakit nanghuhuli ka ng linta?”
Nagulat ako nang mag-angat ng tingin ‘yong bata at walang anu-ano’y isinubo iyong hawak-hawak niyang linta. Kinilabutan ako sa kakaibang ngiti sa kaniyang mga labi habang nakatingin sa akin.
“Gusto mo, hati tayo?”
Nang sumapit na ang araw ng piyesta, kulang na lang ay mauna si Tiyo Rolan sa venue nang hapong iyon. Alas-singko raw ang simula ng programa at aabutin daw ng alas-diyes ng gabi. Mukhang umaayon naman ang tadhana sa amin nang gabing iyon dahil nakamit ko ang ikalawang puwesto. Nakapag-uwi kami ng cash prize at grocery package.
Pagkatapos kong makipagkuwentuhan sa mga kapwa ko contestant, hinanap ko na si Tiyo Rolan. Napailing na lang ako nang makita ko siya sa bahay na malapit sa peryahan. Nakiupo na siya sa mga nag-iinuman doon. Basta may alak talaga, naroon lagi si Tiyo Rolan.
Hinayaan ko na lang muna siya roon. At dahil mababait naman ang mga tao sa lugar na ‘yon, maraming nag-alok sa akin ng pagkain. Iyon bang kahit pansit at suman lang ang handa nila na kung tutuusin ay pangpamilya lang, nagagawa pa rin nilang mamahagi sa ibang tao.
BINABASA MO ANG
TAGALOG HORROR STORIES
HorrorCompilation ito ng mga maiikling kuwentong nasulat ko. Ang iba rito ay true stories, at ang iba naman ay fiction.