MUTYA NG LINTA KONTRA MAMBABARANG

111 0 0
                                    

MUTYA NG LINTA KONTRA MAMBABARANG
Isinulat ni Jiara Dy

(This story is exclusively written for Pagkagat ng Dilim YouTube channel. Subscribe na po kayo doon kung mahilig kayo sa mga ganitong kuwento.)

Tawagin n’yo na lang akong Tado. Kilala ang grupo namin bilang mga numero unong lasenggo sa Sitio Balute. Tipong inuumaga na sa inuman at walang ibang laman ang tiyan kundi alak. Walang araw na hindi kami nakikita sa tapat ng tindahan ni Aling Upeng. Halos wala na ngang nagtatangkang pumuwesto roon sa mesang madalas naming inuumpukan. Bukod kasi sa lasenggo e kinatatakutan din ang grupo namin, lalo na si Igme na siyang pasimuno lagi ng gulo sa sitio. Bukod pa roon ang ilang kaso ng pagnanakaw ng mga kalabaw at ilan pa sa mga alagang hayop.

Hapon noon. Gaya ng nakagawian, nagkayayaan na naman kaming mag-inuman. Halos lahat ng kinikita ko sa panggagapas ay nauuwi lang sa pambili ng alak. Wala naman akong binubuhay na asawa’t mga anak dahil ilang taon na rin mula nang iwan ako ng aking pamilya. Aminado naman akong isa akong malaking siraulo ngunit nang panahong ‘yon, mas naging matimbang ang mga barkada ko kaysa sa pamilya. Madalas kong nabubugbog ang asawa kong si Lisa at ‘yong dalawang anak ko sa kaniya. Kaya hindi ko rin masisisi kung nagawa nila akong iwan nang mag-isa. Siguro’y iyon na rin talaga ang karma ko sa lahat ng nangyari. Paminsan-minsan, naiisip ko pa rin na malungkot pala ang mag-isa kaya dinadaan ko na lang sa inom para makaiwas sa mga isipin. Gustuhin ko mang hanapin sila ay wala pa akong mukhang maihaharap lalo na’t sa liit ng aking kinikita ay hindi pa nito kakayaning makabuhay ng pamilya.

Bago kami makarating sa tindahan ni Aling Upeng, madadaanan muna namin ‘yong ihawan ni Aling Minda. Barbeque, isaw, betamax, at inihaw na ulo ng manok ang binebenta ng matanda.

“Aling Minda, limang isaw nga. Samahan mo na rin ng limang betamax at tatlong stick nitong ulo. Samahan mo na rin ng konting pagmamahal,” natatawang sabi ni Igme kay Aling Minda.

Matalim itong tiningnan ng matandang tindera. “Bakit, may pambayad ba kayo?”

Napangisi noon si Igme. Ngisi na may halong iritasyon sa tinuran ng matanda. Tinapik ko ito sa balikat upang balaan sa gagawin. “Pare, ‘wag na.”

May bali-balita kasi sa buong barangay na itong si Aling Minda ay mula sa lahi ng mga mambabarang. Biyuda raw si Aling Minda at hindi pinalad na magkaroon ng anak. Sabi ng iba, marahil daw ay ‘yon ang karma ng matanda. Wala pa naman itong nabibiktima sa sitio pero sa lugar na pinanggalingan nito, hindi kami sigurado. Isa pa’y mas mabuti na rin kung mag-iingat dahil higit na mas matindi ang barang kaysa kulam. Ang Lola Tindeng ko noon, namatay dahil sa barang. Ngunit hanggang ngayon, hindi pa rin namin kilala kung sino ang bumarang sa lola ko. Hanggang sa araw ng libing nito ay inuuod pa rin ang katawan dahil hindi nagawang alisin ng mga albularyong gumamot dito ang sumpa ng barang. Kaya naman kahit isa rin akong siraulo’t lasenggo dito sa aming sitio, maingat pa rin ako sa mga taong binabangga ko. At isa nga roon itong si Aling Minda.

“Bitiwan mo ‘ko, pare. Sasampulan ko lang ‘tong matandang ‘to.”

Bago ko pa mapigilan si Igme ay nakalapit na ito kay Aling Minda. Nagulat ako nang akbayan nitong si Igme ang matandang tindera. Kitang-kita ko ang matinding galit sa mga mata nito sa ginawa ng kaibigan ko. Malakas nitong kinalas ang braso ni Igme at muli itong tinitigan nang masama.

“Ang sungit mo naman, Aling Minda! Pasalamat ka nga’t nasikmura ko pang akbayan ka kahit amoy panghilot ka na. Tuyot ka na pero... mukhang pwede pa.”

Hindi pa noon nasiyahan si Igme. Lumapit ito kay Aling Minda at dinaklot ang pang-upo nito.

“Aba’t bastos ka, ah!” galit na sigaw ng matanda. Kinuha nito ang pamaypay at pinaghahampas si Igme. Agad naman nakailag ang kaibigan ko.

TAGALOG HORROR STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon