ANG MATANDA SA DULO NG ISLA

224 17 0
                                    

Ako si Anton, bente singko anyos. Bata pa lang ako ay namulat na ako sa pagnanakaw. Iyon din kasi ang hanapbuhay ng aking ama. Hanggang sa mamatay siya sa sunog at naiwan na ako'ng mag-isa. Ang aking ina naman ay may iba ng pamilya sa ibang bansa. Nang magtrabaho siya roon bilang OFW, hindi na siya bumalik dito sa Pilipinas.

Nakangisi ako habang tinatanaw ang bahay na plano kong pasukin ngayong gabi. Kalilipat lang kasi ng matandang negosyanteng iyon sa bahay na narito sa dulo ng isla noong isang araw. Ilang araw na akong nagmamatyag do'n para alamin kung anong makukuha ko sa oras na pasukin ko iyon. Hanggang ngayon ay hindi pa rin tapos sa paglilipat ng gamit ang matanda.

Pinagkiskis ko ang dalawa kong palad habang malapad ang ngiting nakaupo sa batuhan. Nagsisimula nang ipasok sa loob ng bahay ang mga antigong kagamitang ibinababa mula sa truck na nakaparada sa harap ng gate.

"Tiba-tiba na naman ako nito!" sabi ko sa aking sarili. Ngunit natigilan ako nang bumaba ang matandang lalaki sa kotseng nasa unahan ng truck. Mabilis akong nagtago nang lumingon siya sa pwesto ko. Lakas-loob akong sumilip mula sa malaking batong pinagkukublihan ko. Bigla akong kinabahan nang mapagtantong nakatingin sa direksyon ko ang matanda habang nakangisi.

"Hayop na matandang 'to! Balak pa yatang takutin ako. Huh, humanda ka lang mamaya."

Nakahinga ako nang maluwag nang pumasok na siya sa loob ng bahay. Kasunod niya ang dalawang lalaking buhat-buhat ang estatwang sa tantiya ko ay may habang apat talampakan.

Nang sumara ang gate ay umalis na rin ako sa pinagtataguan ko para umuwi. Habang naglalakad ako sa dalampasigan, idina-dial ko naman ang numero ng pinsan kong nasa Maynila.

"Hello, brad! May nahanap ka na bang buyer d'yan? May mga alahas pa sa bahay. Kailangan ko ng pera bukas. Alam mo namang kahapon pa humihingi si Sheena e," sabi ko sa kaniya.

"Ikaw naman kasi, dala-dalawa ang chika babe mo kaya ka nagigipit. Magtipid ka rin, brad. Nahihirapan na nga ako'ng makahanap ng buyer dito. May nakita ako pero iba naman ang hinahanap. Mga antique raw. Meron ka ba d'yan?" sabi naman ni Patricio mula sa kabilang linya.

Lumawak ang ngiti ko sa kaniyang sinabi. Kapag sinusuwerte ka nga naman.

"Antique ba? Walang problema, brad. Bukas, hintayin mo ang tawag ko," sabi ko at ngingiti-ngiting pinatay na ang tawag. Nagpatuloy ako sa paglalakad habang nakatutok ang dalang flashlight sa daan. Inabot na kasi ako ng dilim sa layo ng bahay na iyon sa tinutuluyan ko. 

Napahinto ako nang makarinig ng kaluskos mula sa 'di kalayuan. Itinutok ko ang flashlight sa masukal na bahagi ng tabing-dagat.

"May tao ba riyan?" tanong ko habang papalapit sa pinagmulan ng kaluskos. Hahakbang pa sana ako nang biglang  tumalon ang isang itim na pusa sa harapan ko.

"Anak ng—" sigaw ko sa labis na pagkagulat.

"Lintik na pusa 'to! Papatayin ako sa nerbiyos. 'Wag na 'wag ka lang magpapakita sa akin, kun'di patay kang hayop ka," sigaw ko at nagpatuloy na sa paglalakad. Kung ibang tao lang siguro ay iisiping aswang iyon na nag-anyong hayop. Natawa ako sa ideyang iyon. Mga siraulo lang ang naniniwalang totoo ang mga aswang. Kung ang Diyos nga na sinasamba nila, hindi na kapani-paniwala, paano pa kaya ang mga aswang? Isang malaking kalokohan.

Sa pagkakataong iyon ay mas binilisan ko pa ang paglalakad. Kailangan ko pang ihanda ang mga gamit na dadalhin sa papasuking bahay sa dulo ng isla.

Nadaanan ko sina Mang Berto at Mang Kaloy na nag-uusap habang inaayos ang kanilang bangkang gagamitin sa paglaot mamaya.

"Berto, 'yang mga anak mo, huwag mo nang pagagalain sa gabi. Nabalitaan ko kagabi na may gumagala raw na aswang dito sa Jadosa. May nabiktima raw na dalagita. Wakwak ang tiyan at wala na rin ang puso," narinig kong kwento ni Mang Kaloy.

TAGALOG HORROR STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon