BULAG NA ANTINGERO

100 1 0
                                    

BULAG NA ANTINGERO KONTRA ANGKAN NG MGA ASWANG

This is exclusively written for Pinoy Kilabot at Misteryo YouTube channel. Do not plagiarize.

BATA pa lamang si Tiyo Gimo ay malapit na talaga siya kay Tatang Noli. Halos ito na kasi ‘yong tumayong ama para sa kaniya nang maaga silang maulila sa ama. Si Tatang Noli ay matalik na kaibigan ng yumaong ama ni Tiyo Gimo at magkapitbahay lamang sila kaya hindi sila pinabayaan ng matanda.

Dahil wala rin namang ibang mapagkakakitaan, madalas noon isama ni Tatang Noli si Tiyo Gimo sa pag-uuling sa bundok lalo na tuwing nangunguha sila ng mga uulinging kahoy. Minsan, nakakaabot pa sila sa pinakamasukal na parte ng gubat o iyong lugar na halos wala na talagang nagagawi, sa takot na matuklaw ng ahas o mapahamak sa mga mababangis na hayop.

Tuwing linggo naman, magkasama rin silang nagsisimba sa kapilya sa karatig baryo nila—sa baryo ng Rosario. Maghapon ang pagsamba nila roon pero hindi naman iyon problema dahil bukal sa kalooban nila ang magsimba kahit gaano pa ito katagal. Katwiran kasi ni Tatang Noli, napakaliit na sakripisyo lamang ang oras na ilalaan nila sa pagsimba.

Mabait at likas na maka-Diyos itong si Tatang Noli kaya ganoon na lamang ang pag-idolo ni Tiyo Gimo sa kaniya. Ang tanging problema lamang ay bulag ang kaliwang mata ng matanda na siyang madalas nagiging tampulan ng tukso ng mga siraulong tambay doon sa baryo. Minsan na raw kasi itong umawat sa gulo at aksidenteng natusok ang mata na naging sanhi ng pagkabulag ng kaliwang mata nito.

Iyong kapilyang madalas nilang pinupuntahan sa Rosario, may kalayuan talaga sa kanilang lugar dahil kailangan pa nilang tumawid ng ilog bago makarating doon. At ‘yong nadaraanan nilang sitio bago sumapit sa kinaroroonan ng kapilya ay iniiwasan talaga ng mga taga-Rosario. May mga sabi-sabi kasi na halos lahat daw ng nakatira sa sitiong iyon ay magkakamag-anak. Pero hindi sila ordinaryong magkakamag-anak lamang kundi isang buong angkan ng mga aswang. Gayunpaman, hindi ito ikinabahala ni Tiyo Gimo dahil hindi naman sila nagpapaabot ng gabi pauwi lalo na’t may oras lamang ang bangkang sinasakyan nila pabalik sa kanilang baryo.

[This story or any portion thereof may not be reproduced in any written, electronic, recording, or photocopying or used in any manner without Jiara Dy’s expressed written permission.]

Sabado noon ng hapon, kabababa lang nina Tiyo Gimo mula sa bundok. Mag-a-alas-sais na rin kaya medyo kalat na ang dilim sa paligid. Bitbit niya noon ang natira sa kinatay nilang manok matapos magsalansan ng mga kahoy sa may kalakihang pugon na sisindihan naman nila matapos magsimba kinabukasan. Habang nasa daan ay tumutulo pa ‘yong sariwang dugo mula roon sa karne. At habang naglalakad sila ni Tatang Noli sa mabatong kalsada, bigla na lamang sumulpot ang isang malaki at itim na itim na pusa.

Bagama’t bulag ang isang mata, malinaw pa ring nakakakita itong si Tatang Noli. Isa pa’y malakas talaga ang pakiramdam ng matanda. Nagtaka si Tiyo Gimo nang bigla na lamang itong huminto sa paglalakad.

“Gimo, ‘wag kang lalayo,” babala noon ni Tatang Noli.

Hindi man maunawaan ni Tiyo Gimo kung bakit ay lumapit pa rin siya sa matanda. Nang mapagmasdan niya ‘yong pusa sa kanilang harapan, bigla na lamang siyang kinilabutan nang mapansin ang namumula nitong mga mata na nakatuon sa dala niyang sariwang karne. Tumutulo pa ang malapot na likido mula sa bibig nito na wari’y takam na takam sa dala niya.

Laking gulat ni Tiyo Gimo nang may kinuha sa bulsa itong si Tatang Noli at saka isinaboy sa kanilang daraanan. Doon biglang kumaripas papalayo ang malaking pusa.

Nang titigan niya ang isinaboy ni Tatang Noli, napansin niya na kulay itim iyon na tulad ng durog na paminta.

“Tang, ano ho ‘tong isinabog n’yo?” kuryosong tanong ni Tiyo Gimo dahil wala talaga siyang ideya kung ano ‘yon.

TAGALOG HORROR STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon