Napilitan ako noon na umuwi sa probinsya para tumulong sa mga magulang ko na nag-aalaga ng mga itik, mga baka, kambing, at mga native na baboy sa farm na pinaaalagaan sa kanila. ‘Yong may-ari kasi ng farm ay isang negosyanteng intsik na may mga negosyo rin sa ibang lugar kaya kay Tatay na ipinagkatiwala. Si Tatay na rin noon ang nagpapasahod sa mga kinuhang tauhan para maglinis sa farm. Hindi kasi kakayanin ng dalawang tao lang iyon. Pero dahil iisa lang ang nakuha ni Tatay, pinauwi na niya ako mula sa pagtatrabaho ko sa construction ng isang building sa Maynila. Mas mabuti na raw na ako ang makasama niya roon kaysa ibang tao.
Mahigit isang taon din akong nawala kaya bahagya akong nanibago nang sumakay sa traysikel papasok doon sa baryo namin. At habang binabaybay namin ang makitid na kalsada, nadaanan namin ‘yong matandang lalaki na may buhat-buhat pang pala at ibang gamit na panghukay.
“Manong, sino po ‘yan?” tanong ko sa drayber ng traysikel. Hindi ko alam kung bakit bigla na lang nabuhay ang kuryosidad ko sa matandang iyon. Nakatalikod siya at hindi ko naman makita ang mukha. Ngunit nagulat ako nang bigla na lang itong lumingon sa akin at saka ngumisi.
“Ah, si Mang Dado ‘yan. Tubero dito sa San Rafael.”
Dagdag pa ng drayber, si Mang Dado daw ang madalas nag-aayos ng mga nasisirang poso sa baryo. Halos lahat kasi sa amin ay poso ang ginagamit para sa suplay ng tubig.
Mga isang linggo pa lang ako noon sa San Rafael nang dumating naman ‘yong pinsan kong galing pa sa Mindoro. Si Corazon. Nakiusap siya kay Tatay kung pwedeng makituloy muna sa amin hanggang sa makapanganak siya. Hindi naman nakatanggi si Tatay lalo na’t maselan ang pagbubuntis ng aking pinsan. Isa pa, matutulungan din siya ni Nanay doon.
Biyernes ng hapon. Nagulat ako paglabas ng bahay nang makita ko si Mang Dado, ‘yong sinasabing tubero sa San Rafael. Gusgusin pa ang suot niyang damit na pareho pa sa suot niya nang una ko siyang makita. Nakasilip siya sa bakod at tila may hinihintay. Nagtataka ko naman siyang nilapitan. Ngunit nakakailang hakbang pa lamang ako nang biglang magwala ‘yong aso naming nakatali sa silong ng bahay. Tinanong ko siya kung ano’ng sadya niya. Pero halos hindi na kami magkaintindihan dahil sa pagwawala ng aso naming si Itim. Halos kumawala na ito sa pagkakatali habang tinatahulan ang matanda. Nakakapagtaka na kahit ano’ng gawin kong saway sa aso ay ganoon pa rin ang pagnanais nitong makawala. Hanggang sa nagpaalam na lang si Mang Dado na babalik na lang daw kinabukasan. Ang naintindihan ko lang naman sa sinabi niya ay gusto niya raw sanang makausap si Tatay.
AUTHOR'S NOTE:
This story or any portion thereof may not be reproduced in any written, electronic, recording, or photocopying or used in any manner without Jiara Dy’s expressed written permission.Kinabukasan nga ng umaga, narinig ko muli ang sunod-sunod na pagtahol ni Itim na noon ay pinakawalan muna ni Tatay para makapaglibot sa paligid. Ngunit paglabas ko ng bahay, kaagad akong natigilan nang makita si Mang Dado na nakapasok na pala sa aming bakuran. At ang nagpagimbal sa akin nang oras na ‘yon, nakita kong hawak niya ang ulo ni Itim na noon ay hindi na magawang tumahol. Kumakawag na lang ang buntot nito na para bang takot na takot at nanghihingi ng tulong. Nakita ko ‘yong daliri ni Mang Dado na malapit na sa mata ni Itim. Mukhang gigil na gigil siya sa aso at anumang oras ay handa nang dukutin ang mga mata ng aming alaga. Doon na ako napasigaw.
Kitang-kita ko ang pagkagulat sa mukha ni Mang Dado na biglang naging maamo nang humarap sa akin. Binitawan niya si Itim na kaagad tumakbo pabalik sa silong ng aming bahay. Ngunit bago pa ako makalapit kay Mang Dado, dumating na si Tatay galing sa kulungan ng mga baboy. Hindi na ako lumapit at hinayaan na lang sila na mag-usap. Pinuntahan ko si Itim na noon ay nagmumukmok na sa silong at ayaw nang lumabas.
Narinig ko sa pag-uusap nila Tatay na nag-a-apply daw si Mang Dado bilang tiga-linis sa farm. Sakto namang kaaalis lang ng tauhang nakuha ni Tatay kaya natanggap din agad si Mang Dado. Nagkayayaan pa silang mag-inuman pagsapit ng hapon. Ako pa nga ‘yong inutusan para bumili ng alak sa tindahang Bukod kasi sa wala kaming kapitbahay, malayo rin ang lalakarin papunta sa malaking tindahan sa baryo na nagtitinda ng alak. Madilim-dilim na nang makabalik ako sa amin.
BINABASA MO ANG
TAGALOG HORROR STORIES
HorrorCompilation ito ng mga maiikling kuwentong nasulat ko. Ang iba rito ay true stories, at ang iba naman ay fiction.