MARIA LABO
Bersyon ni Jiara DyDisclaimer: This is not the original version of Maria Labo story.
WORKING student si Maria o mas kilala sa palayaw niyang “Ria” sa kanilang lugar. Maagang naulila sa mga magulang si Maria kaya sa murang edad ay natuto na siyang tumayo sa sariling mga paa.
Mahinhin, mahiyain, at bihirang makitang nakikipag-usap sa ibang tao si Maria—lalong-lalo na sa mga lalaki.
“Maria, nakapaganda mo talaga!” wika ni Kulas, ang numero unong tambay sa kanilang lugar.
Nanatili namang nakayuko si Maria, at hindi na nag-abala pang sulyapan ang grupo ni Kulas. Madalas na nakatambay ang mga ito sa kantong dinaraanan niya pauwi. May kalayuan ang kaniyang inuuwian. Ang bahay na ‘yon, naiwan pa sa kaniya ng mga namayapa niyang mga magulang. Maliit at halos gato na rin ang mga kahoy, pero wala siyang mapagpipilian kundi pagtiyagaan na lamang iyon. Hindi naman siya natatakot kahit mag-isa lamang doon dahil may kapitbahay naman siyang tumitingin-tingin sa kaniya roon. Si Mang Openg. Kaibigan ito ng yumao niyang ama.
“Uy, pare! In-snob ka na naman ni Miss Kinis, oh!” wika naman ng isa. Si Tupe. Tulad ni Kulas ay kilala rin itong tambay sa baryo at madalas na nakikitang nagbabato. May sa palos nga lang ang mga ito kaya hindi mahuli-huli.
Akala ni Maria ay tatantanan na siya ng mga ito. Ganoon lang naman kasi ang ginagawa niya tuwing pinagti-trip-an siya ng mga ito. Ngunit naramdaman na lamang niya na may sumusunod sa kaniya. Kasabay nito ang tawanan ng ilang kalalakihan na alam niyang mula sa grupo ni Kulas.
Malalaki ang hakbang na tinahak ni Maria ang daan pauwi. Hindi na siya nag-abala pang lumingon. Abot-abot ang kaba niya nang sumapit siya sa parteng wala na masyadong mga bahay. Halos takbuhin na niya ang makitid na daanan doon.
Nawala ang naririnig ni Maria na tawanan nang sa wakas ay makarating siya sa bakuran ng inuuwian niyang bahay. Nakita niya agad si Mang Openg na nakasilip sa pinto.
“Maria, binastos ka ba ng grupo ni Kulas?” nag-aalalang tanong ng matanda.
Naluluha siyang tumango. Naikuyom ni Mang Openg ang kamao.
“Wala na talagang sinasanto ang mga ad-k na ‘yan!”
Hindi mapigilang humikbi ng dalaga. Dama pa rin niya ang panginginig sa takot sa ginagawang pagsunod ng grupo ni Kulas. Kung hindi siguro siya nakauwi agad, marahil kung ano na ang nagawa ng mga ito sa kaniya.
BANDANG alas-onse ng gabi, katatapos lang magbasa ni Maria nang magsimulang bumuhos ang may kalakasang ulan. Dali-dali niyang kinuha ang timba at plangganang isasahod sa tumutulong bubong.
Tinipon niya ang mga gamit na maaaring mabasa. Isa iyon sa mga kalbaryo ni Maria tuwing umuulan. At dahil walang perang pampaayos ay nagtitiis na lamang siya roon.
Nagpasya si Maria na iwanan na lamang ang mga isinahod sa tapat ng butas ng bubong, at nagpasya nang matulog. Dahil sa pagod maghapon ay agad na nahimbing ang dalagang walang kaalam-alam sa mangyayari nang gabing iyon.
Naalimpungatan si Maria nang maramdaman ang kung anong magaspang na nakapatong sa kaniyang mga hita. Nanlaki ang kaniyang mga mata nang sa pagdilat niya’y tumambad ang isang anino ng lalaking nakaibabaw sa kaniya nang oras na iyon. Ang isang kamay nito’y marahas na naglalakbay sa mga pribadong parte ng kaniyang katawan.
Akmang sisigaw na si Maria nang mariin nitong tinakpan ang bibig niya. Sa tulong ng liwanag na nagmumula sa gasera, kitang-kita niya kung paano hinubad ng lalaki ang pang-ibabang saplot na siyang ibinusal sa kaniya. Halos maduwal si Maria sa masangsang na amoy niyon.
BINABASA MO ANG
TAGALOG HORROR STORIES
HorrorCompilation ito ng mga maiikling kuwentong nasulat ko. Ang iba rito ay true stories, at ang iba naman ay fiction.