BINYAG
(This is exclusively written for Pamela Clamille YouTube channel. BAWAL KOPYAHIN SA ANUMANG PARAAN.)Itago na lang daw siya sa pangalang Menandro, isang factory worker sa Olongapo. Dahil may sarili naman siyang motorsiklo ay hindi na siya nangupahan pa malapit doon sa kompanya. Sa Subic pa kasi noon ang inuuwian ni Menandro na kalapit lamang ng siyudad ng Olongapo. Gayunpaman ay hindi pa rin biro ang byahe ni Menandro, lalo na’t ang inuuwian niya ay malayo talaga sa kabayanan. Iyong barangay kasi nila, nasa sulok banda at isa rin iyon sa mga tinatawag na dead spot o wala talagang nasasagap na signal sa lugar.
Sa bahay ng panganay na kapatid na si Eloisa umuuwi si Menandro. Ang ate na rin kasi niya ang mismong nag-alok na doon na siya tumuloy para may kasama ito tuwing gabi. Panggabi kasi sa trabaho ang kaniyang bayaw na si Oca.
Pag-uwi ni Menandro, naabutan niya ang kapatid na panay ang kain ng hilaw na manggang isinasawsaw nito sa bagoong na may siling labuyo.
“Ate, naglilihi ka ba?” tanong niya sa nakatatandang kapatid nang mapansin ang kakaibang pananabik nito sa kinakain.
Sinubukan niyang humingi rito ngunit agad nitong iniiwas sa kaniya ang mangkok na naglalaman ng hiniwang mangga.
“Damot. Buntis ka, ’no?” panunukso pa niya rito.
Inirapan naman siya ni Eloisa na nagpatuloy lang sa pagkain ng hilaw na mangga. Hinayaan na rin niya ito at nagtimpla na lamang ng kape.
Matagal nang gustong magkaanak ng Ate Eloisa niya at ng bayaw na si Oca pero ilang taon na ring bigo ang mga ito. At ngayong nakikita niya ang isa sa mga palatandaan ng isang buntis, hindi niya mapigilang matuwa para sa kaniyang kapatid. Masaya nga naman kung hindi na lamang ang boses nila ang maririnig sa bahay na iyon.
Makalipas ang ilan pang linggo, nakumpirma nga nila ang pagbubuntis ni Eloisa. Tuwang-tuwa si Oca, at ganoon din naman si Menandro dahil magkakaroon na siya ng pamangkin.
Hindi naman maselan ang pagbubuntis ni Eloisa kaya nagagawa pa rin nito ang mga dating gawain. Gayunpaman ay pinag-iingat pa rin ito ng asawa.
Makalipas ang tatlong buwan, bahagya nang halata ang umbok sa tiyan ng kapatid ni Menandro. Lahat naman ng pangangailangan nito’y naibibigay ni Oca. Hindi pa man nakakapanganak ay unti-unti na itong namimili ng mga gamit na pambata. Nag-iipon na rin ito ng pera sa bangko para sa panganganak ni Eloisa, at sa iba pang gastusin.
“Bilib talaga ako sa ’yo, bayaw. Alam mo, kapag nag-asawa na ako, ikaw ang tutularan ko. Aba, e, napakaswerte naman nitong tupakin kong ate sa ’yo.” Nginisian niya ang kapatid nang tapunan siya nito ng matalim na tingin.
“Basta sipagan mo lang d’yan sa trabaho mo at mag-ipon ka. Huwag ka nang masyado gumastos dito sa bahay dahil hindi ka naman obligado. Kung tutuusin nga e malaki ang pasasalamat ko sa’yo’t may kasama itong si Eloisa.”
Tinapik-tapik niya ang balikat ng bayaw. “Maliit na bagay lang ’yon, bayaw. Kapatid ko naman ‘yan si Ate. Sino pa ba naman ang magtutulungan kundi tayo-tayo rin lang?”
Ngumiti naman ito sa kaniya. Bilang pambawi ay inaya na lamang siya nitong mag-inom kahit dalawang bote lang ng red horse.
Kinabukasan, habang nagkakape, nabanggit ng kaniyang Ate Eloisa ang tungkol sa imbitasyon nito sa isang binyagan. Doon pa raw ito gaganapin sa Laguna. Inimbitahan kasi ito ng dating kaklase at malapit nitong kaibigan noong high school na si Erika. Palibhasa’y halos magkapatid ang turingan sa eskuwelahan, hindi magawang tumanggi ng Ate Eloisa niya. Taga-Laguna kasi ang napangasawa ni Erika kaya doon na ito tumira. Hindi naman nito maisama si Oca dahil nang araw na iyon ay may importanteng lakad din ito na may kinalaman sa trabaho.
BINABASA MO ANG
TAGALOG HORROR STORIES
HorrorCompilation ito ng mga maiikling kuwentong nasulat ko. Ang iba rito ay true stories, at ang iba naman ay fiction.