3:00 AM CHALLENGE AT LUMANG BAHAY
(This is exclusively written for Lady Pam YouTube channel.)PART 1/2
AUTHOR’S NOTE:
This story or any portion thereof may not be reproduced in any written, electronic, recording, or photocopying or used in any manner without expressed written permission from the author and the said YT channel.DAHIL sa mga sumisikat na vlogger sa iba’t ibang social media platforms, naengganyo si Paco na gumawa na rin ng mga video. Noong una, pagluluto, mga gawaing bahay, at kung anu-ano pa ang ginagawa niyang content. Siya na rin mismo ang nag-e-edit ng mga ito, gamit ang sariling gadget at kompyuter sa bahay na regalo pa ng ninong niyang nagtatrabaho sa Dubai. Ang kaso lamang, bigo siyang makakuha ng maraming views. May mga nanonood naman ng vlog niya, pero kadalasan, mga lima o hanggang sampu lamang iyon. Ni hindi pa nga man lamang umaabot ng isandaan ang pinakamataas na views ang nakukuha niya.
Hanggang isang araw, may napanood si Paco na isang vlog na nagsasagawa ng 3:00 AM challenge. Agad niyang nagustuhan iyon. Batid niya ang panganib sa gagawin pero naroon ang matinding kagustuhan ni Paco na sumikat, at balang-araw ay makatulong na rin sa kaniyang mga magulang. Isa pa ay gusto rin niya iyong kakaibang content na paglalaanan talaga niya ng panahon.
Grade 12 na si Paco sa darating na pasukan. May isang taon pa siya bago matapos sa senior high school pero problemado na ang kaniyang ama’t ina kung paano siya pag-aaralin sa kolehiyo gayung kinakapos din sila sa pang-araw-araw na gastusin. Ang kuya niyang si Neil, tapos na sa kolehiyo ngunit wala pa rin itong nakukuhang matinong trabaho. Madalas, pa-sideline sideline lang ito.
Ang sumunod naman sa panganay na si Kristoff ay malapit na ring magtapos sa kolehiyo, kaya naman priority ng mga magulang nila ang pag-aaral nito, kumpara sa kaniya. Dagdag pa ang gastos nito sa boarding house na malapit lamang sa kolehiyong pinapasukan. Ang bunsong kapatid naman niyang si Rence ay apat na taong gulang pa lamang, at sa susunod na pasukan pa balak na i-enroll.
“Ano, ‘tol? Sigurado ka bang sasama ka? 3:00 AM challenge ‘to, kaya hindi na tayo matutulog,” tanong niya sa pinsang si Lemuel na siyang makakasama niya sa gagawing challenge.
“Oo naman. Kung gusto mo, magbabaon pa ‘ko ng kape,” mayabang na sabi ni Lemuel.
“Aba, talaga lang, ha? Baka mamaya maihi ka sa salawal mo pagpasok natin sa lumang bahay ni Aling Lorna?” aniya pa sa pinsan.
Ngunit sadyang hindi nagpapatalo sa kayabangan itong si Lemuel. Alas-diyes pa lang ng gabi ay naroon na ito sa kanila upang makipagdaldalan, bago sila magtungo sa abandonadong bahay.
Ang bahay ni Aling Lorna ang pinakalumang naitayo sa kanilang barangay. Naroon ito sa pinakasulok at bihirang mapuntahan ng mga tao. Panahon pa raw ng kastila nang maitayo ang bahay na ‘yon at bakas na rin ang matinding kalumaan. May ilan na ring vlogger na sumubok na gumawa ng challenge o mag-video sa bahay ni Aling Lorna, pero hindi pinayagan ang mga ito ng caretaker ng bahay. Ngunit si Paco, palibhasa’y kakilala ng caretaker na si Mang Waldo ay walang kahirap-hirap na nakakuha ng permiso. Walang bayad ang paminsan-minsang paglilinis ni Mang Waldo roon. Kumbaga, nagmagandang loob na lamang ito dahil ito lang ang malapit na kamag-anak ni Aling Lorna na naiwan sa lugar. Wala rin namang nagtatangkang bumili ng bahay at lupa roon dahil bukod sa masyado nang luma e hindi talaga nagugustuhan ng mga buyer kapag personal nang nakikita ‘yung bahay. Sabi kasi ng iba, parang mabigat daw tirahan ang bahay na iyon. Parang may kakambal na raw na kamalasan. Unang tingin pa lang, tila sino mang titira doon ay hindi mawawalan ng problema o malalaking pagsubok sa buhay.
Bilin ni Mang Waldo, pwede silang manatili sa loob ng bahay, ngunit hindi sila maaaring makialam ng kahit anong gamit sa loob nito. Nangako naman si Paco sa matanda na wala siyang gagalawin doon, bilang respeto na rin sa may-ari ng bahay. Laking pasasalamat na nga niya’t pinayagan sila ng matanda na makapasok doon.
BINABASA MO ANG
TAGALOG HORROR STORIES
HorrorCompilation ito ng mga maiikling kuwentong nasulat ko. Ang iba rito ay true stories, at ang iba naman ay fiction.