WRONG TURN

137 1 0
                                    

WRONG TURN (Aswang Story)

(This is exclusively written for Lady Pam YouTube channel.)

Itago na lamang daw natin siya sa pangalang Gael, isang lalaking midwife. Matagal na raw niyang pinag-iisipang ibahagi ang karanasan niya noon sa isang lugar na pawang mga aswang ang naninirahan. Natatakot daw kasi siyang mahusgahan lalo na’t marami talagang hindi naniniwalang totoo ang mga aswang.

Mahigit limang taon nang nagpapaanak si Gael. Sa kabila ng kaniyang kasarian ay hindi naging hadlang para sa kaniya upang magampanan ang tungkulin niya bilang isang lalaking midwife. Hindi iyon naging madali sa kaniya noong una pa lamang dahil karamihan sa mga nanganganak ay aayaw sa lalaking midwife, sa kadahilanang naiilang o ‘di kaya naman ay pinagdududahan ang kakayahan niya sa pagpapaanak. Nauunawaan naman niya kung mahirap makuha ang loob ng mga inang manganganak, lalo na iyong mga first time lamang magbuntis. Minsan nga raw ay mas may tiwala pa sa mga hilot ang mga ito kaysa sa kaniya na may karanasan na sa pagpapaanak at isa ring propesyunal o nag-aral ng ligtas na pagpapaanak.

“Baka naman pusong babae talaga ‘yang anak mo, Gardo,” minsan pang biro ng kaniyang ninong nang malaman nito kung ano ang kaniyang trabaho.

Natural na sa kaniya ang pagiging mahinhin sa pagkilos at pagiging malinis sa sarili. Para kasi sa kaniya ay normal naman ang pagiging maalaga sa sarili, lalo na ang paggamit ng kung anu-anong produkto para sa kaniyang skin care. Palagi rin siyang may dalang tissue at alcohol, gayundin ang pamalit na damit. Hindi naman niya akalain na pag-iisipan pala ng ibang tao sa paligid niya ang simpleng paraan niyang iyon para alagaan ang sarili.

Naka-assign si Gael sa center sa maliit na bayan sa isang probinsya sa bandang kabisayaan. Pero minsan, napapadpad din siya sa mga liblib na baryo na masyadong malayo sa ospital o sa isang bahay-panganakan.

Alas-singko pa lamang ay gising na si Gael. Habang nakasalang ang sinaing sa kalang kahoy ay inaasikaso naman niya ang sinibak na kahoy ng kaniyang amang si Mang Will. Marahil ay inabutan na ito ng matinding pagod kahapon kaya hindi na nito nagawa pang isako ang mga iyon, matapos itambak sa ilalim ng kanilang lutuan.

Mayamaya lang ay nakita na niya ang amang palabas ng bahay at patungo sa direksyon niya.

“Naku, ‘Tay, ako na pong bahala rito. Magkape na ho kayo. Bagong kulo lang ‘yung laman ng thermos,” aniya nang mapagtanto kung ano ang gagawin nito.

“O’ siya, sige. Maaga rin akong pupunta sa koprahan at baka pumalpak na naman ang mga tao roon.”

Matapos isako lahat ang mga panggatong at makaluto ng almusal ay inasikaso naman niya ang mga tanim nilang gulay sa likod-bahay. Nagbungkal kasi sila roon ng lupa at nilagyan ng pataba mula sa ipot ng mga manok. Malaking tulong din kasi sa kanila na may sariling tanim na gulay upang hindi lahat ay kailangan pa nilang bilhin sa palengke. Kahit kasi sumasahod naman siya at kumikita ang kaniyang ama ay inilalaan nila ang iniipong pera para sa lupang balak nilang bilhin. Pangarap kasi ng kaniyang ama na magkaroon ng sariling palayan. Pero sa kasalukuyan ay nagtatrabaho muna ito sa koprahang pagmamay-ari ng tiyahin niyang OFW sa Kuwait. Isa pa ay kailangan na ring palitan ang bubong ng bahay nila. Tumutulo na kasi roon kapag umuulan.

Alas-syete pa ang punta ni Gael sa center kaya marami pa siyang natapos na gawain bago pumasok sa trabaho. Ginagawa na kasi niya ang ilan sa mga gawaing bahay para hindi na mapagod ang kaniyang ina. Limitado na rin kasi ang kilos nito, dala ng katandaan.

Matapos ang maghapong duty sa center, inasikaso naman ni Gael ang paghahatid ng mga kurtina at pundang tinahi ng kaniyang ina. Ang iba ay may kalayuan din sa kanila dahil nasa ibang sitio pa ang um-order ng mga kurtina. Paminsan-minsan naman siyang nakakahiram ng lumang motorsiklo ng tiyuhin niyang kapitbahay lang din nila kaya hindi na niya kinailangan pang maglakad nang malayo sa paghahatid ng kurtina. Isa pa ay ang ninang din niya sa binyag na si Aling Belinda ang may order ng mga iyon.

TAGALOG HORROR STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon