ANG MAG-INANG NAKITULOY 4

76 1 0
                                    

ANG MAG-INANG NAKITULOY (Last Part)

This is exclusively written for LADY PAM YouTube channel. DO NOT PLAGIARIZE.

Kinabukasan, laking gulat niya nang maabutan si Emma na masiglang nagluluto ng almusal sa kaniyang kusina. Nagtaka ang babae nang makita ang reaksyon niya.

“P-Paanong… teka, saan kayo galing kagabi? Sinilip ko kayo sa kwarto pero wala kayo ro’n, e.”

Kitang-kita niya ang pagkagulat sa mukha ni Emma at muli na namang naging mailap ang mga mata ng babae.

Ngunit sa huli’y nagdahilan na lamang ito. Balak na raw sana ni Emma na umalis doon at makipagsapalaran na lamang dahil nahihiya na raw ito sa pagiging pabigat sa kaniya, kasama ang anak nito gayung hindi naman daw niya responsibilidad ang dalawa.

Bagama’t hindi kumbinsido sa naging sagot ni Emma ay muli niyang pinalampas ang bagay na iyon.

Nang umagang iyon, naisipan ni Danilo na dalawin ang libingan ng mga sanggol na ipinaagas sa kaniya. May kalayuan din iyon. Isa pa, bago sumapit sa kasukalan ay madaraanan muna niya ang bahay nina Openg at Jeffrey. 

Habang naglalakad, narinig niya ang usap-usapan ng mga kalalakihan doon.

“Dapat lang na mag-ingat na tayong lahat dito. Lalo na ‘yong may mga asawang buntis dito sa sitio natin. Sa tinagal-tagal kong nakatira sa lugar na ‘to e ngayon lang ako nakarinig ng balita tungkol sa aswang na ‘yan.”

Napahinto sa paglalakad si Danilo.

“Mabuti nga’t nakauwi kaagad si Pareng Jeffrey kagabi, kundi e baka hindi na niya naabutang buhay ang asawa’t anak niya,” wika pa ng isa.

Dahil sa narinig ay malalaki ang hakbang na nagtungo si Danilo sa bahay ng kaibigang si Jeffrey upang kumustahin ang lagay ng mag-ina nito.

Naabutan naman niyang abala sa pagtutusok ng pinatulis na kawayan si Jeffrey sa paligid ng bahay nito. At mukhang alam na niya kung para saan iyon.

“Pare, nabalitaan ko ‘yong nangyari.” Sinulyapan ni Danilo ang asawa ni Jeffrey na prenteng nakaupo sa silya habang pinapanood sa ginagawa ang asawa. Marahan nitong hinahaplos ang umbok nitong tiyan.

Nag-angat ng tingin si Jeffrey sa kaniya matapos itusok ang kawayan. “Alam mo ba kung sino’ng pinaghihinalaang aswang dito sa atin, pare?”

Marahang umiling si Danilo.

“Sinasabi ko sa’yo, pare. Masama ang kutob ko d’yan sa mga bisita mo. Eh sila lang naman ang bagong dating dito sa lugar natin. Kahit sino naman e unang maiisip ‘yong bago lang dito sa’tin. Eh sa tagal na ba naman nating magkakakilala, imposibleng dito lang din sa’tin manggagaling ang aswang na muntik nang dumale sa misis ko.”

Hindi pa man nakakapagsalita’y muli na namang bumanat itong si Jeffrey. “Huwag ka sanang magbulag-bulagan, pare. Matyagan mo ‘yang mga bisita mo. Baka hindi mo namamalayan, nagpapapatuloy ka na pala ng kampon ng dilim sa bahay mo.”

Bago umalis doon si Danilo ay nagpahabol pa itong si Jeffrey. “Tinamaan ko siya sa kaliwang braso, pare.”

Laman ng isipan ni Danilo ang mga sinabi ni Jeffrey habang binabaybay niya ang daan patungo sa kasukalan. Dumagdag pa roon ang biglang pagkawala ng mag-ina nang nakaraang gabi lamang.

Pagsapit sa libingan, nanlaki ang mga mata ni Danilo sa nakita. Nakakalat ang mga lupa na tila sinadyang halukayin ng sinumang nagawi sa libingan. At ang nakapagtataka pa, nawawala ang mga bagong libing pa lamang doon.

Bigla na namang sumagi sa isipan ni Danilo ang sinabi ni Jeffrey.

“Si Emma,” anas ni Danilo. Pagkasambit niyon ay nagmamadali na niyang tinahak ang daan pauwi.

TAGALOG HORROR STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon