PLAGIARISM IS A CRIME!
PATIBONG NG ASWANG
(Exclusively written for Kwentong Enteng YouTube channel)Mayo 1996.
Nagpasya akong hindi na lang banggitin ang probinsya kung saan kami nakatira noon bilang respeto sa mga nakatira doon. Kilala ako sa pangalang Lucio. Driver ng truck na ginagamit sa pagde-deliver ng gulay. Dahil ako rin ang mag-isang nagkakarga ng mga saku-sakong gulay sa truck, alas-onse pa lang ng gabi’y naroon na ako sa farm. Minsan kasi ay inaabot ng mahigit isang oras ang pagbubuhat ko ng mga ‘yon. Iyong probinsya namang pagdadalhan ng gulay, medyo may kalayuan din at umaabot ng tatlo hanggang apat na oras ang byahe.
“Ingat sa pagmamaneho, Lucio. ‘Pag nagkalasog-lasog ang mga gulay, baka ‘di na tanggapin sa palengke ‘yan,” paalala ni Mang Rico na siyang may-ari ng farm.
“Oho, Mang Rico. Sige ho’t sisibad na ako,” paalam ko naman sa kaniya.
Habang nasa byahe’y hindi mawala-wala sa isip ko ang asawa kong si Marissa na naiwan nang mag-isa sa bahay. Buntis pa naman ‘yon. Dumaan ako kanina sa bahay ng pinsan ko para pakiusapan si Lena na samahan muna ang asawa ko pero nagbabantay din daw siya sa mga bata.
Kaya naman kahit labag sa kalooban ko ay iniiwan ko na lang nang mag-isa si Marissa kaysa naman wala kaming maipanggastos sa araw-araw. Nagtitiwala na lang ako sa nasa itaas na hindi Niya pababayaan ang asawa’t magiging anak namin.
Minsan na kasing naikuwento sa akin ni Marissa na madalas daw siyang nakakarinig ng nag-aaway na pusa sa tapat ng bintana o ‘di kaya’y sa may pintuan tuwing alas-dose ng gabi. Kasunod naman daw noon ang malakas na kalabog sa bubong at ang mahinang huni ng kuwaw.
Sabi ng matatanda naming kamag-anak, kapag mahina raw ang huni ng kuwaw, ibig sabihin daw no’n ay nasa malapit lang ang aswang. Kaya naman tuwing naiiwan si Marissa ay nagsusuot siya ng kulay itim o ‘di kaya’y kulay pulang damit para hindi siya makita ng aswang sa dilim. Delikado kasi ang buntis lalo na kung nasa ika-walo o ika-siyam na buwan na ng pagbubuntis dahil mabangong-mabango na iyon sa pang-amoy ng mga aswang.
Hindi rin namin kinaliligtaang maglagay ng asin sa bintana at bukana ng pintuan.
Nang makauwi ako pagkatapos ng aking trabaho, sinamahan ko naman si Marissa sa bayan para sa check-up niya. Sabi kasi ng OB niya, posible raw na mapaaga ang panganganak niya.
Maayos naman ang naging resulta ng check-up. Inaasahan na rin namin na normal delivery ang mangyayari kay Marissa. May kakilala naman kaming midwife sa baryo kaya kapag manganganak na ang asawa ko’y may mahihingan kami ng tulong.
Pagbaba namin ng tricycle, napansin namin ang nagkukumpulang mga tao sa tapat ng bahay malapit sa amin.
“Bakit ang daming tao?” nagtatakang tanong ni Marissa.
Bago pa kami makapagtanong-tanong ay lumapit na sa amin si Mareng Lorna.
“Naku, Marissa! Hindi ba’t malapit na ang kabuwanan mo? Mag-iingat ka!”
Napakunot ang noo ko. “T-Teka... Mag-iingat? Saan?”
“Sina Elisa, inaswang kagabi. Aba, e, kalong-kalong ko pa naman iyong sanggol niya kanina. Akala ko’y natutulog lang pero napansin kong parang ang lamig na no’ng bata. Iyon pala, patay na. Kanina lang din napansin ‘yong maliit na butas ng yero na nakatapat mismo sa puwesto ng sanggol kagabi.”
Sunod-sunod ang naging paglunok ko sa sinabing iyon ni Lorna. Pakiramdam ko’y nilukob ng matinding takot ang buong katawan ko. Nag-aalala kong binalingan ang umbok na tiyan ng asawa ko. Bakas sa mukha niya ang takot at pag-aalala.
BINABASA MO ANG
TAGALOG HORROR STORIES
TerrorCompilation ito ng mga maiikling kuwentong nasulat ko. Ang iba rito ay true stories, at ang iba naman ay fiction.